Jose Manalo and wife face legal charges for alleged multi-million jewelry scam

Comedian Jose Manalo keeps his silence about the multi-million jewelry scam allegedly involving his wife, Anna Lyn (not in photo). Weeks after it came out, Jose and Anna Lyn are both being summoned by the National Bureau of Investigation to answer the complaints filed by the jewelers and real estate property owners to whom Anna Lyn allegedly issued bouncing checks.


Ilang linggo na rin ang nakalipas magmula nang lumalabas ang balita ukol sa pagkakadawit ng pangalan ng komedyante na si Jose Manalo sa diumano'y multi-million jewelry scam laban sa kanyang asawa na si Anna Lyn.

Noong nakaraang linggo, inumpisahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa mga reklamo ng ilang mga jeweler at property owner na nakanegosyo diumano ni Anna Lyn Manalo. Ang mga negosyanteng nagreklamo ay kinilalang sina Violy Alipio, Roel Lumbang, Purificacion D. Naive, Annie Dizon, Naneth Ugaddan, Susan Escosma, Aida Latuc, Trinidad Romeo Egya, at Elenita Pabalate.

Inirereklamo nila ang diumano'y bouncing checks para sa mga alahas at real estate properties na nagkakahalaga ng ilang million.

Ayon sa ulat ng The Philippine Star noong Sabado, June 20, iimbitahan ng NBI-Background Investigation Division (BID) ang mag-asawang Jose, o Ariel Pagtalonia Manalo sa totoong buhay, at Anna Lyn upang sagutin ang mga reklamo.

Dagdag pa ng NBI-BID, kailangan daw bigyan ng pagkakataong magsumite ng counter-affidavits ang mag-asawa bilang bahagi ng tamang proseso upang malaman kung may basehan ang mga reklamong kanilang natanggap.

Ayon sa mga nagreklamo, nagkaroon sila ng transaksiyon kay Anna Lyn sa iba't ibang araw noong mga taong 2006, 2007, at 2008. Isinama nila ang asawa niya, na regular host ng Eat...Bulaga!, dahil isa rin daw si Jose sa nakapirma sa mga naisyung tseke. Ang mga ito ay tumalbog, ayon sa mga nagreklamo, matapos magsara ang mga bank account ng mag-asawa.

THE COMPLAINANTS. Sa affidavit na isinumite ng isa sa mga nagreklamo, si Pabalate, sinabi niya na kumuha sa kanya ng mga alahas si Anna Lyn noong bandang Oktubre o Nobyembre 2008 sa kanyang jewelry store.

Ayon pa sa ulat, ang mga alahas na nagkakahalaga umano ng P4,059,200 ay kinuha bilang consignment, at saka nag-isyu ng postdated checks ang maybahay ni Jose. Subalit, ayon kay Pabalate, tumalbog ang mga tseke na nagkakahala ng halos P332,300.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa balita naman ng Manila Bulletin noong June 18, nabanggit pa ang ilang detalye ng mga nakuha ng asawa ni Jose sa mga nagrereklamo.

Si Alipio ay nabiktima raw ng jewelry transaction na nagkakahalaga ng P2 million, samantalang alahas at Rolex na umaabot ng P5 million naman ang nakuha umano kay Lumbang. Iba't ibang uri rin ng alahas ang sinasabing nakuha ni Anna Lyn mula kay Ugaddan na may halagang P7.5 million.

Isang house and lot naman sa Cainta, Rizal ang diumano'y naisarang deal ni Anna Lyn kay Naive na nagkakahalaga ng P5 million, samantalang worth P1.5 million na lupa't bahay naman kay Dizon. Mga real estate property rin daw ang kinuha ng asawa ni Jose kina Escomo (worth P300,000), Latuc (worth P23 million), Egya (worth P6,793,000), at Pabalate (worth P2,930,000).

Ayon sa mga nagreklamo, binabanggit ni Anna Lyn sa kanila ang ilang pangalan ng mga artista na pinagbebentahan umano niya ng mga alahas. Ilan nga sa mga ito ay sina Pia Guanio, Helen Gamboa, at Kris Aquino.

Hanggang sa ngayon nanatiling tahimik ang kampo ni Jose ukol sa isyu. Sinusubukan na rin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na makuha ang panig ni Jose at ng kanyang asawa na si Anna Lyn.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN