Marian Rivera on Dingdong Dantes: "Siya ang pinakaimportanteng lalaki sa buhay ko ngayon."

"Simula nang magsimula ako sa showbiz, ipinakita ko na talaga kung sino ako. Ano ang kakayahan ko at alam ko rin na hindi ako perpektong tao at marami rin akong kapintasan. Pero nagagawa ko nang maayos ang trabaho ko at, higit sa lahat, napapasaya ko ang mga taong nagtitiwala sa akin," says Marian Rivera.


Live na nag-guest sa Showbiz Central kahapon, June 28, si Marian Rivera, ang cover girl ng YES! 100 Most Beautiful Stars 2009.

Tatlong Kapuso male stars ang nagbato ng katanungan sa kanya sa pamamagitan ng VTR. Sa studio naman ay live siyang nakausap ng Showbiz Central co-host na si John "Sweet" Lapus.

DENNIS TRILLO. Ang unang nagtanong kay Marian ay si Dennis Trillo, na maituturing na kapatid ng aktres sa manager nila na si Popoy Caritativo. Ayon kay Dennis, for the past three years, si Marian ang pinagkakatiwalaang maging cover girl ng glossy magazines. Ano ang pakiramdam niya na siya ang naging cover ng 100 Most Beautiful Stars ng YES! magazine?

"Halo-halo, pero isa na yun sa pinakamasarap na pakiramdam," sagot ni Marian. "Kasi kung hindi nila... Alam ko, hindi pa po nila nalalaman. Pero hindi pa po ako artista, e, pangarap ko na talagang maging cover girl.

"Hangga't maaari, ngayong artista na ako, binibigyan ko talaga ng time yung mga taong nagtitiwala sa akin. Lalo na yung mga taong kinukuha ako para maging cover ng mga magazines nila. So, hangga't maaari, lahat yun pinagbibigyan dahil isa yun sa mga pangarap ko."

Kaya naman, sabi ni Sweet, sa mga publication hindi raw mahirap kausapin si Popoy sa mga cover shoot ni Marian.

Naman! Kami pa!" natatawang pagsegunda ni Marian.

Ayon kay Sweet, bukod sa magazine covers, nandiyan pa ang commercials ni Marian. In less than three years, meron nang more than 20 endorsements ang aktres. Hindi ba nalilito si Marian sa dami ng ine-endorse niya?

"A, hindi, talagang hindi naman!" natawang sagot niya. "Kasi ang sarap siguro na maraming kumukuha sa 'yo sa iba't ibang projects. Pero siyempre, kung anuman ang kasagutan dun kung bakit nila ako kinukuha, e, sila na ang makakasagot doon. At naniniwala ako sa lahat ng produktong ine-endorse ko at ginagamit ko at nagtitiwala ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DINGDONG DANTES. Ang sumunod na Kapuso male star na nagtanong ay walang iba kung hindi ang rumored boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes. Pagdating sa personal na buhay, masasabi kaya ni Marian na "most beautiful" din siya, at bakit?

"Para sa akin, masasabi kong oo dahil simula nang magsimula ako sa showbiz, ipinakita ko na talaga kung sino ako. Ano ang kakayahan ko at alam ko rin na hindi ako perpektong tao at marami rin akong kapintasan. Pero nagagawa ko nang maayos ang trabaho ko at higit sa lahat, napapasaya ko ang mga taong nagtitiwala sa akin."

Kaya naman follow-up ni Sweet, tutal ay si Dingdong naman ang nagbato ng tanong, isa ba ang aktor sa nagpapaganda sa kanya ngayon?

"Oo naman," mabilis na sagot ni Marian na nakangiti.

Hindi halos matigil ang tilian sa loob ng studio ng Showbiz Central at maging si Sweet ay humirit na kinikilig daw siya. Follow-up question ni Sweet: Ano na nga ba sila ni Dingdong?

"Sabihin na lang natin na sa ngayon, si Dingdong ang pinakamahalagang lalaki at pinaka-importanteng..."

Dahil patuloy ang sigawan ng mga fans, natatawang hirit ni Marian, "Sandali lang... hindi pa ako tapos."

At saka niya sinabing, "Si Dingdong sa ngayon, sa buhay ko, siya ang pinakaimportanteng lalaki sa buhay ko."

MARK ANTHONY FERNANDEZ. Ang pangatlong nagbato ng tanong ay ang magiging leading man ni Marian sa Darna na si Mark Anthony Fernandez. Anong tatak-Marian ang pakakaabangan niya bilang bago nitong leading man at ng mga fans sa paglipad niya bilang "the most beautiful Pinay superhero"?

"Siyempre, kapag si Darna, seryoso at matapang. Pero kapag si Narda, parang ako lang, bungisngisera at talagang minamahal ko ang mga taong nakapaligid sa akin," sagot ni Marian.

Speaking of Darna, kumusta na ang training niya para rito?

"Hayun, tuloy-tuloy pa rin po ang ginagawa kong pagte-training. Nagwu-wushu pa rin ako. Hangga't hindi pa rin po kami nagte-taping, e, tuloy-tuloy lang ang pagte-training ko," sabi ni Marian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mahirap ba ang training, lalo pa nga't may ipinakitang pasa si Marian sa kanyang binti at braso?

"Siyempre, mahirap, oo," sagot ng aktres. "Pero parte 'yan ng trabahong tinanggap ko, na kailangan kong pagbutihin at mahalin ko rin. Kung anuman ang nangyayari sa akin, e, parte lang yun."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN