Robin Padilla is set to do a movie with Vhong Navarro for Star Cinema

"Pinag-uusapan na po yung pelikula. Ako kasi, malaki ang tiwala ko sa Star Cinema. Nai-package nila ako noong araw. Pag sinabi nilang bukas tayo'y magsu-shoot na. Aba, e, wala nang tanong-tanong 'yan! Nandun ho ako 7 a.m.," says Robin Padilla.


Masaya si Robin Padilla na matapos ang apat na taon ay muli siyang nakabalik at nakatuntong sa bakuran ng ABS-CBN. Last Saturday, June 27, ay naging panauhin si Robin sa grand finals ng reality show na Talk N Txt Sulit-Tipid Idol sa Kapamilya network. Endorser kasi si Robin ng naturang network company. At dito ay na-interview siya ng The Buzz, na ipinalabas naman noong Linggo, June 28.

"Masaya, marami akong mga matatagal ko nang totoong kaibigan. Mahal ko rin ang Kapamilya. Ako nama'y walang masamang tinapay. Sana ay manatili ang mabuting relasyon ko sa mga Kapamilya, nandiyan sina Ma'am Malou [Santos], Ma'am Charo [Santos-Concio]," masayang pahayag ni Robin.

MOVIE WITH STAR CINEMA. Sa kanyang pagbisitang muli sa bakuran ng ABS-CBN, kinumpirma rin ni Robin na gagawa siya ng pelikula sa Star Cinema at makakasama niya rito si Vhong Navarro.

"Pinag-uusapan na po yung pelikula. Ako kasi, malaki ang tiwala ko sa Star Cinema. Nai-package nila ako noong araw. Pag sinabi nilang bukas tayo'y magsu-shoot na. Aba, e, wala nang tanong-tanong 'yan! Nandun ho ako 7 a.m."

May schedule na ng shooting?

"Kahit wala, 7 a.m., nandun na tayo," biro ni Robin.

Ang huling pelikulang ginawa ni Robin sa Star Cinema ay ang Videoke King noong 2002, kung saan nakapareha niya si Pops Fernandez. Huli naman siyang napanood sa ABS-CBN sa pamamagitan ng Basta't Kasama Kita noong 2003, kasama si Judy Ann Santos.

Naging open din si Robin nang tanungin tungkol sa relasyon nila ng asawa niyang si Liezel Sicangco, na kasalukuyang nasa Australia.

"Okay naman. Yung pananabik, hindi nawawala yun, araw-araw, gabi-gabi. Maayos naman kami, kahit hindi kami maayos!" patawa pa ni Robin sabay bawi, "Hindi, maayos. Masyado po akong masaya."

ACCEPTING BB. Kinumusta rin kay Robin ang kapatid niyang si Rustom Padilla, na ngayon ay kilala na bilang si BB Gandanghari.

"Aba, e, lalong gumaganda," paglalarawan ni Robin kay BB.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At dito nga ay kinumpirma ni Robin na nagkita na sila kamakailan ni BB.

"Oo, oo, may malungkot na nangyari kasi sa pamilya namin. Namatay yung isang pamangkin namin. Ang importante ay nandodoon siya," sambit ni Robin.

Sinabi rin ni Robin na medyo nanibago siya sa hitsura ngayon ng dating matinee idol na kapatid.

"Medyo tinitingnan-tingnan ko siya. Pero iba na talaga," aniya.

Pero ayon kay Robin, hindi raw mahirap para sa kanya na tanggapin ang naging desisyon ni BB.

"Hindi naman puwedeng hindi matatanggap 'yan. Kasi umiiral yung pagmamahal sa kapatid. Kung saan siya masaya, masaya tayong lahat."

Nakikita ba niya na ganito rin ang mararamdaman ng isa pa nilang kapatid na si Royette, na nabalita pa noon na talagang hindi matanggap si BB?

"Oo naman, tanggap niya. Nagkausap na sila. Nagkaiyakan na sila. Ayos na," pagbabalita ni Robin.

Malaki ba ang naitulong ng kanilang nanay na si Eva Padilla para matanggap nila si BB?

"Ang tatanda namin naman. Si Mama pa nga ang medyo kinumbinsi namin, e. Siyempre, nanay yun."

Sa tingin niya ba masaya si BB ngayon?

"E, siguro naman. Aba, e, kami ay nagiging masaya para sa kanya. Aba, dapat, e, maging masaya rin siya para sa sarili niya. Hangga't nakikita namin yung ngiti niya at yung kinang sa mga mata niya, e, ayos!" pagtatapos ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN