Angel Locsin on past gamble in moving to ABS-CBN: "Wala po akong pinagsisisihan."

"Siguro kung hindi ko po ginawa yun, hindi ako matututo. Hindi po lumakas yung loob ko. Hindi po ako makikilala bilang aktres. Siguro nakuha ko naman po yung respeto ng tao dahil ipinakita ko sa kanila na kaya kong abutin yun. Kaya kong sumugal. Kaya masasabi ko po na wala po akong pinagsisisihan," says Angel Locsin about her decision to move from GMA-7 to ABS-CBN.


Isang thanksgiving presscon ang in-organize ng ABS-CBN para kay Angel Locsin dahil sa tagumpay at paghataw sa ratings—partikular na sa national ratings ng Taylor Nelson Sofres (TNS)—ng pinagbibidahan niyang teleserye na Only You with Diether Ocampo at Sam Milby. Ginanap ito kagabi, June 30, sa Dolphy Theater, ABS-CBN compound, Quezon City.

Ayon kay Angel, it's about time na magpasalamat siya sa mga press people, lalo na nga't nalalapit na raw ang pagtatapos ng Only You. Ang Only You ay ang Pinoy version ng original Koreanovela of the same title, na ipinalabas din noon sa ABS-CBN.

"Eto po, malapit na po yung pagtatapos ng Only You. Halos kalahati na po kasi kami, e. Ang Only You po kasi, 15 weeks. Hindi ko po alam kung mae-extend pa kasi ang alam ko po mahigpit yata sa Korea pagdating sa mga extensions, ganyan," sabi ni Angel sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang imbitadong entertainment press.

Memorable para kay Angel, at talagang napalapit sa kanyang puso, ang teleseryeng Only You.

"Kasi po, tawa lang po kami nang tawa sa taping, lalo na po kapag kumpleto yung grupo. Hinding-hindi ko po talaga makakalimutan ito dahil itong Only You, masasabi ko na sa lahat ng mga nakasama kong artista, staff, ito yung lahat kami masaya, lahat kami makukulit. Lahat kami, gusto yung ginagawa namin. Kaya hindi ko po talaga makakalimutan yung bonding namin," lahad ng aktres.

DIETHER OCAMPO. Ikinalungkot naman ni Angel ang nangyaring pagkakaospital ni Diether sa U.S. nang mag-collapse ito. Isa si Diether sa mahigit 40 artists ng Star Magic na nagpunta ng U.S. para sa world concert tour ng naturang talent arm ng ABS-CBN. Pero hindi na nga nakasama si Diether dahil nga sa nangyaring seizure.

"Grabe, nalungkot ako kasi si Diet, alam ko, sobrang ngarag siya sa taping kasi dire-diretso nga kami, tapos dumiretso pa siya sa airport noon. Pero I'm happy na sabi ng handler niya na okay na siya. Tinawagan ako ni Sam 4 a.m., 5 a.m. yata. Sabi nga niya, 'Kawawa si Kuya D [Diether].' Nagka-seizure nga raw at naospital.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tinext ko agad si Diet, pero nung mga time na yun kasi, may mga test pang ginagawa sa kanya kaya hindi siya naka-reply. Pero sabi, nandito na raw [sa Pilipinas] si Diet and kailangan niya raw magpahinga. Kung anuman yung kundisyon ni Diet, siguro siya na yung dapat magdetalye. Siya na lang po yung mas karapat-dapat na magsabi. Ipagdasal na lang natin na sana maging okay na talaga yung health niya para bukas back to work na rin siya."

AWARD FOR LOBO. Bukod sa tagumpay ng Only You, proud din si Angel sa isa pang achievement na tinanggap ng Lobo, ang unang teleseryeng pinagbidahan niya sa ABS-CBN with Piolo Pascual. Kinilala kamakailan lang bilang Best TV Show ang Lobo sa Banff World Television Awards na ginanap sa Canada. (Click here to read related story.)

"Actually, nagulat ako," sambit niya. "Hindi ko nga alam na kasali pala ang Lobo. Yung dugo't pawis na pinaghirapan namin sa mga pinaggagawa namin. Kaya nga nagpapasalamat kami na na-recognize. Isang malaking karangalan yun para sa bansa natin."

Sa magandang nangyayari sa career ni Angel sa ABS-CBN, wala na raw siyang anumang pinagsisisihan sa kanyang paglipat sa Kapamilya Network mula sa Kapuso.

"Noong nag-transfer po ako dito [ABS-CBN], sinabi ko po na kung ano yung naging desisyon ko, paninindigan ko po. Tatanggapin ko po nang buong-buo yung mangyayari sa akin. Nagpapasalamat na lang po ako na hindi ako pinabayaan ng ABS-CBN at ng Star Cinema. Inalagaan po talaga nila ako.

"Siguro kung hindi ko po ginawa yun, hindi ako matututo. Hindi po lumakas yung loob ko. Hindi po ako makikilala bilang aktres. Siguro nakuha ko naman po yung respeto ng tao dahil ipinakita ko sa kanila na kaya kong abutin yun. Kaya kong sumugal. Kaya masasabi ko po na wala po akong pinagsisisihan," pahayag ni Angel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NEXT TELESERYE. Ngayon pa lang ay tinatanong na si Angel kung ano ang susunod niyang teleserye pagkatapos ng Only You. Sa mga lumabas na mga balita naman, sinabi na ni John Lloyd Cruz na si Angel ang susunod niyang makakasama sa isang teleserye. Pero tila ayaw pa itong kumpirmahin ni Angel.

"Sana po. Ang hirap pa po kasing magsalita. Pero depende naman po kasi sa management kung sino sa tingin nila ang napapanahon at nababagay. Pero si John Lloyd po yung isa sa gusto kong makapareha," saad niya.

Gusto niya bang makagawa rin sila ng teleserye ng boyfriend niyang si Luis Manzano?

"Kami ni Luis kasi, as much as possible, ayaw namin magkatrabaho. Gusto namin na hiwalay yung personal sa trabaho para hindi na rin magulo yung relasyon namin. Okay na po siguro yung ganito. Pero kung dadating yung time na mape-pair kami, kailangan sigurong pagplanuhang mabuti," paliwanag niya.

Masasabi niya bang si Luis na ang Only You sa buhay niya?

"Wow, sa ngayon, siya ang one and only ko," deklara ni Angel. "Sana, kasi okay naman kami, wala kaming pinag-aawayan. Walang bisyo. Kung hindi n'yo pa po nakakasama si Luis, napakabait na tao po niya."

NEXT MOVIE. Maging ang susunod niyang movie ay tinatanong na rin. Posible bang payagan siya ng Star Cinema na gawin ang pelikula with Sharon Cuneta sa Regal Entertainment? Gusto sana ni Sharon na makasama si Angel sa gagawin nitong Mano Po 6 movie para sa Metro Manila Film Festival 2009 in December.

"Exclusive po ako sa Star Cinema, e," sagot ni Angel. "Kaya medyo mahirap po. Kaya kahit gustung-gusto kong makatrabaho ang ating Megastar... Kasi para sa akin, hindi po makukumpleto yung career ko kung hindi ko makakatrabaho sina Ate Sharon, si Ate Vi [Vilma Santos]. Meron na rin po kasi akong gagawing dalawang movies sa Star Cinema. Yung una po, with Kuya Aga [Muhlach], yung isa ididirek naman po ni Direk Chito Roño. Hindi ko po alam kung kakayanin ng schedule ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kumusta na ang relationship niya with Regal after ng mga isyu ng pagkakagalit nila noon ng Regal matriarch na si Lily Monteverde?

"Wala na po," sagot niya. "Ang kontrata ko po is eight pictures. Nine na po yung nagawa ko. Sa totoo lang, ayoko na rin pong magsalita about dun kasi nakapag-usap na kami nina Ms. Roselle [Monteverde, anak ni Mother Lily at Regal Films producer]. So, mas gugustuhin ko po sana na manahimik na lang. Para akin po talaga, tapos na 'yon."

Isa si Angel sa mga itinuturing na Primetime TV Queens ngayon, ang susunod niya kayang titulo ay ang pagiging Movie Queen?

"Pakiramdam ko po, hindi ko pa rin naaabot yung TV Queen kasi mahirap po yun, e. Basata masaya po ako sa trabaho ko, masaya ako sa ginagawa ko. Para sa akin, yung TV Queen, sina Ate Juday [Judy Ann Santos], si Ate Claudine [Barretto]. Kami po kasi nina Anne [Curtis], Bea [Alonzo], mga baguhan pa lang po kami kumpara sa kanila," sabi ni Angel.


MARIAN RIVERA. Ano naman ang masasabi niya na nabuhay ulit ang intriga sa pagitan nila ni Marian Rivera dahil sa pagkakapili kay Marian bilang bagong Darna, na ginampanan ni Angel noong nasa GMA-7 pa siya?

"Ako, I'm happy for her. Sobra akong thankful na nagkaroon ako ng chance na maging si Darna. Thankful ako na nagustuhan ng mga tao yun, na na-recognize ako bilang isang Darna. So, I'm happy for her at saka maggu-goodluck ako sa kanya at sa mga susunod pang magda-Darna," sagot ni Angel.

May maipapayo ba siya kay Marian sa pagganap nito as Darna?

"Wala siguro ako sa tamang posisyon para mag-advise. Medyo pangit pakinggan kung galing sa akin," aniya.

Sa tingin niya ba, mapapantayan ng Darna ni Marian ang record-breaking ratings ng Darna niya noon?

"Hindi ko po alam, e. Siguro naman kaya. Kaya naman yun," pagtatapos ni Angel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN