Comedienne Eugene Domingo wears bathing suit for the first time in her launching movie

"O, 'eto ka na, e, di ba, nag-bathing suit ako? Nung kunan ang eksenang naka-bathing suit ako, nasira ang kamera! Naku, talaga, nasira ang kamera namin! Hindi kinaya ng kamera! Totoo, hindi ako nagbibiro! Oo, nasira ang kamera, nag-high speed siya, gumanun siya! Siguro sabi ng kamera, 'Ano ba itong nakikita ko?" narrates Eugene Domingo.


Tiyak na naiibang pelikula ang Kimmy Dora, ang unang venture ng Spring Films nina Piolo Pascual, Shayne Sarte, Erickson Raymundo, at Joyce Bernal. Si Direk Joyce din ang direktor ng launching movie na ito ng mahusay na komedyanang si Eugene Domingo.

Ang Kimmy Dora ay kuwento ng kambal na sina Kimmy at Dora.

Paglalarawan ni Eugene sa kanya, "Si Dora ay maganda lang ang tingin sa mundo, parang bulaklak, parang laging may party na pambata, ganun. Masayahin siya, mahilig sa mga hayop, ganun. Papunta na siya sa kulang-kulang, pero hindi naman siya kulang-kulang. Talaga lang maganda ang pagtingin niya sa mundo.

"Si Kimmy naman, laging galit, laging first day ng menstruation niya, ganun. At saka naka-concentrate lang siya sa business ng pamilya nila, kasi mayaman na mayaman na mayaman si Kimmy at saka ang tali-talino niya. Hate na hate niya ang mga bobo, at sobrang fashionista siya, hindi siya nahuhuli sa moda."

Alin sa dalawa ang malapit sa tunay na katauhan ni Eugene?

"Actually, hati, hati ako sa dalawa. Ang kapareho ko kay Kimmy, yung pagiging masungit," sabi ni Eugene sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa pictorial niya para sa Kimmy Dora.

So, masungit si Eugene sa tunay na buhay?

"Oo, medyo. Medyo, oo," sabay simangot ng komedyana na sinundan ng halakhak.

Ang pagkakulang-kulang ba ni Dora ang kapareho niya ng ugali?

"Hindi ako kulang-kulang!" tawa ulit ni Eugene. "Ano lang, yung minsan, maganda ang tingin ko sa mundo, masayahin ako, ganun, makulay."

Si Dora raw, paggising sa umaga ay palaging nakangiti, samantalang si Kimmy naman, paggising ay automatic na nakasimangot.

"Masungit agad si Kimmy. Hindi siya natutuwa na nagising pa siya kasi marami na naman siyang problema sa business nila!" natatawang sabi ni Eugene.

BATHING SUIT. Isa pang aabangan sa pelikula ay ang pagsusuot ni Eugene ng bathing suit sa harap ng kamera for the first time. Paano siya nakumbinsi ni Direk Joyce na mag-bathing suit?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Gandang-ganda kami sa script...it's needed! Maganda talaga, it's needed talaga, hindi ako nagbibiro!" sabi niya.

May nakakaaliw na kuwento pa si Eugene.

"O, 'eto ka na, e, di ba, nag-bathing suit ako? Nung kunan ang eksenang naka-bathing suit ako, nasira ang kamera! Naku, talaga, nasira ang kamera namin! Hindi kinaya ng kamera! Totoo, hindi ako nagbibiro! Oo, nasira ang kamera, nag-high speed siya, gumanun siya! Siguro sabi ng kamera, 'Ano ba itong nakikita ko?" natatawang kuwento niya.

Kaya kinailangan daw i-reshoot nila ang bathing suit scene ni Eugene.

Dahil swimsuit niya ang topic, naitanong kay Eugene kung tunay ba ang kanyang malulusog na boobs. Hindi ba siya nagparetoke?

"Hindi! Totoo ito, since birth!"

Nang may nagtanong kung ano ang size ng boobs niya, ito ang naging sagot ni Uge: "Kailangan talagang itanong? 52 yata. Ha-ha-ha! Naku, isang tanong ninyo pa tungkol dito, sasabog na ang mga ito!"

Nagpapayat ba siya for the bathing suit scene? Obvious kasi na pumayat siya.

"Hindi, napagod lang ako. Kasi, dalawa ang ginagampanan ko dito. Sa isang buong araw, parang dalawang pelikula ang ginagawa ko. Kaya nakakapayat. Pero okay din naman kasi pagdating ng eksenang kailangan kong mag-bathing suit, umayos-ayos nang konti, hindi na ako mukhang bitsuelas!"

So, ready na siyang pagpantasayahn ng mga lalake?

"Oo naman, lagi naman akong ready! Kahit ang mga bakla pagpapantasyahan ako!" at napahalakhak na siya.

Since dalawa ang papel niya sa pelikula, dalawa rin ba ang talent fee niya?

"Tama lang. Honestly, hindi ako nag-iisip ng mga TF-TF, kasi ang saya-saya ko sa project na ito. All of us are so excited, all of us are dreaming... Actually, kami lahat, tinutupad na namin ang dream namin na magustuhan ng mga tao itong pelikula, kasi iba. Iba ang istorya, hindi mo mapapanood sa TV. Sa dami ng TV shows na nakikita natin, ang gusto nating mapanood sa sine ay yung hindi mo nakikita sa TV. Ito po yun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PIOLO & DINGDONG. Tinanong ba niya si Piolo Pascual kung bakit siya pinag-produce nito ng pelikula?

"Hindi ko na siya tinanong, basta tinatanggap ko lang na para ko siyang kapatid. Yung tiwala niya hindi natatapos. Hindi nga ako naniniwala na nangyayari na ito, e. Kaya parang yung respeto ko sa kanya, hindi mababahiran ng kahit na anong kalaswaan," sabi ni Eugene.

Parang hindi yata kapani-paniwala na hindi niya pinagnanasaan si Piolo?

"Hindi nga ako makatingin nang diretso sa inyo, e!" tawa niya. "Pero hindi, hindi ako nagpapantasya sa kanya. Hindi, hindi talaga, para ko siyang kapatid. Simula pa noong gawin namin yung Paano Kita Iibigin, nararamdaman ko na, well, hindi ko ini-entertain, pero alam kong meron siyang nararamdaman para sa akin, pero..." biro ni Eugene.

Kung si Piolo ang isa sa mga producer ng pelikula ni Eugene, ang gumaganap namang leading man niya ay si Dingdong Dantes. May nagbiro na kung saka-sakali, kanino kaya ibibigay ni Eugene ang katawan niya o ang virginity niya—kay Piolo o kay Dingdong?

"Sabi ko nga sa inyo, di ba, parang kapatid ang tingin ko kay Piolo," sagot niya.

So, kay Dingdong niya ibibigay?

"Ano ba? Kasi si Dingdong naman, e... Naiinitan ako! Depende kung hihingin, baka naman hindi niya hingin, e! Kayo naman kung makapag-ask ng tungkol sa virginity, para namang meron akong isusuko!" tawa niya.

Nagpaalam ba siya kay Marian Rivera na sa kanya muna si Dingdong?

"Sabi ko nga, 'Darna, sa 'yo na si Ding, akin na si Dong!'" buwelta ni Eugene.

Nag-dinner or nag-bonding ba sila ni Dingdong para mag-usap about the project?

"Actually, hindi pa. Kaya lang kasi si Dingdong, nagkasama na kami sa Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang. Pero hindi pa kami yung ibig mong sabihin na kaming dalawa lang na nag-dinner para mag-usap. Hindi pa naman. Pero nagkukuwentuhan kami about our craft, ganun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mataas daw ang pagtingin ni Eugene kay Dingdong.

"Kasi nakikita ko yung potensiyal niya para makaganap pa ng ibang mas challenging roles, aside from being in a loveteam, ganyan, or heartthrob or commercial model. Parang nakikitaan ko pa siya ng mas challenging na roles, and eventually puwede pa siyang maging direktor ulit.

"So, sa pagtanggap niya ng pelikulang ito, sa tingin ko, talagang open siya sa iba't ibang klaseng challenges bilang artista. Hindi lang siya yung...hindi niya dinadama na guwapo siya.

"Natuwa ako nung tanggapin niya kasi nabuo, nabuo yung pini-picture namin na hitsura ng pelikula. Kasi importante na yung cast mo, tama, para mas madaling magawa yung pelikula, di ba? So, siya talaga yung dream namin na leading man ni Direk Joyce. At nung pumayag siya, naging mas madali ang paggawa. Di ba, ang ganda?" mahabang pahayag ni Eugene.

Hindi naman ikinalungkot ni Eugene na hindi natuloy si Piolo Pascual na maging other leading man niya. Sa halip ay si Zanjoe Marudo ang isa pang kasama sa movie.

"Okay lang kasi busy rin si Papa Piolo, 'tsaka ang dami-dami na niyang ginawa para sa pelikula. Ang dami-dami na niyang suportang ibinibigay sa akin at sa buong pelikula, sa buong produksiyon. So, naiintindihan ko na marami siyang ginagawa," pagtatapos ni Eugene.

Mapapanood na sa mga sinehan ang Kimmy Dora sa September 2.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN