Sarah Geronimo asks Sarah-John Lloyd fans for non-judgmental understanding

"Para sa fans, huwag din sana silang magagalit, pero dapat ay malaman din nila ang limitasyon nila. Kung talagang mahal nila kami, maiintindihan nila kami. May kanya-kanya kaming pribadong buhay na iba roon sa kung ano ang roles na binibigyan naming buhay on screen," says Sarah Geronimo about her loveteam with John Lloyd Cruz.


Naniniwala si Sarah Geronimo na mas marami pang malalaking young personalities na deserving din namang mag-endorse ng Careline, isang line ng cosmetics, pero siya pa rin ang napili para maging major endorser nito. Sa tiwala ring ito, ang makabagong Box-Office Queen ay pinutakti ng kung anu-anong katanungan sa product launching nitong ginanap kahapon, July 8, sa Max's Restaurant, Roces Avenue, Quezon City.

Nawala kasi si Sarah sa eksena ng hiwalayan nina John Lloyd Cruz at Liz Uy, na si Sarah ang itinuturong dahilan. Ito ay sa dahilang si Ruffa Gutierrez na ang mainit na nali-link sa aktor.

"Hindi naman ako natuwa na parang nabura ako sa itinuturong dahilan, pero ang pinangangalagaan ko kasi, yung image ko. Partikular ako sa magiging dating ko, lalo sa mga kabataan. Kaya nga, napapansin naman ninyo, pagdating sa love-love na 'yan, wala pa rin talaga. Yung ma-involve ka lang sa ganoong kaseryosong intriga, hindi biro," sabi ni Sarah sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Hindi ba siya nanghihinayang na puwedeng maapektuhan ang loveteam nila ni John Lloyd ng mga lumalabas na balita?

"Bakit ako manghihinayang? E, nandoon pa rin naman ang loveteam. Hindi basta mawawala yun dahil lang sa personal involvement namin kung sakali sa ibang tao. Normal din lang siguro na magka-girlfriend si Lloydie, if ever, and in the future, siguro ako, magkaka-BF din. Hindi mawawala na nagwi-wish ang mga tao na balang-araw, kami ni Lloydie ang magkakatuluyan. Pero sana, tanggapin ng mga tao na may kanya-kanya rin kaming buhay. Bilang magkaibigan, nandito lang kami to support each other.

"Ang trabaho lang naman namin ay mapasaya sila sa mga ginagawa naming pelikula, mag-enjoy sila sa mga show namin. Pero sana, tanggapin nila na may kanya-kanya kaming buhay ni Lloydie. Hindi rin namin sila pinaasa na ganoon din talaga kami sa tunay na buhay, at wala kaming sinasabing naging kami, dahil wala namang ganoon," paglilinaw ng young actress.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi alam ni Sarah ang grabeng reactions ng fans. Matindi siyempre ang concern nila sa box-office tandem nina Lloydie at Sarah.

"Hindi mo maiaalis sa fans yun, yung mainis sila, hindi lahat ay matutuwa. Part yun ng pagiging tagahanga nila. Pero sabi ko nga, sana, unawain nila kami ni Lloydie. Lalo na si Lloydie na hindi naman din yata masamang makipagkaibigan siya sa ibang babae.

"Para sa fans, huwag din sana silang magagalit, pero dapat ay malaman din nila ang limitasyon nila. Kung talagang mahal nila kami, maiintindihan nila kami. May kanya-kanya kaming pribadong buhay na iba roon sa kung ano ang roles na binibigyan naming buhay on screen.

"Kailangan din nilang irespeto yun. Kung gugustuhin pa rin ng fans ang loveteam namin ni Lloydie, for sure, masusundan at masusundan ang mga proyektong gagawin namin. Nasa suporta nila yun. Kung dahil lang diyan, manghihinawa sila sa amin at hindi nila maiintindihan ang sitwasyon, wala rin kaming magagawa.

"Nasa suporta rin yun ng network na nagtataguyod at naniniwala pa rin sa loveteam namin ni John Lloyd. Nagkausap kami ni Lloydie sa awards night ng Guillermo Mendoza Memorial Foundation. Masaya si Lloydie sa buhay niya. Hindi kami masyadong nagkakausap sa mga personal na buhay," sabi ni Sarah.

Pero walang masasabi si Sarah tungkol kay Ruffa. Humahanga raw siya rito, at kung sila man ni Lloydie sa tunay na buhay, walang problema sa kanya.

"Hindi rin kasi ako dapat pang madamay sa usapang 'yan!" natatawa na lang si Sarah. "Gusto ko si Ruffa dahil mabait siya, dignified at respetado. She's a very good mom, and most of all, alam din natin na obedient daughter siya.

"Yung mga katangiang ganoon, I'm sure, yun din ang nagugustuhan ni Lloydie sa kanya bilang kaibigan, kaya nagwu-work ang friendship nila. Bigyan natin sila ng chance sa kung anuman ang namamagitan sa kanila ngayon," patuloy ni Sarah.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

RAYVER CRUZ. Enjoy si Sarah sa buhay niya, pero ang wish niya sa nalalapit na 21st birthday niya sa July 25, lalo niyang mabigyan ang sarili ng oras.

"Not much on lovelife," aniya. "Darating din yun. Mas gusto ko talaga yung makapagbakasyon nang mahaba-haba."

Pero marami ang nakakapansin na hindi gaanong masaya si Sarah. May mga tsismis ngang si Rayver Cruz na lihim daw niyang napupusuan ay may relasyon na kay Melissa Ricks.

"Hindi ko rin alam 'yan," at natawa si Sarah. "Naku, pabayaan na lang natin silang lumigaya! May karapatan si Rayver na manligaw sa iba, at kung si Melissa man ang gusto niya, I should be happy for him.

"No, wala akong iniisip na ginagamit ako ni Rayver! Huwag tayong mag-isip ng ganyan, and let's refrain from being judgmental. Naging magkaibigan lang kami ni Rayver, at kung anuman ang gusto niya sa personal niyang buhay, may free will ang bawat isa sa atin na respetuhin din natin dapat. Huwag na muna nila akong alalahanin. Okey lang ako," pagtatapos ni Sarah.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN