PEP counsel Sandra Coronel hopes lawsuit dismissal paves the way for normal relations with Gutierrezes

"Ang business ng PEP is to report about the news on artista," said Atty. Sandra Coronel. "And si Richard is such a big star... Sana, sana magkaayos na." Richard Gutierrez's (above) response: "Itutuloy pa rin namin ang laban."


Ibinasura na ng Department of Justice (DOJ) ang P25 million libel suit na isinampa ni Richard Gutierrez laban sa Philippine Entertainment Portal (PEP) noong Huwebes, July 9, nang matanggap ni Atty. Sandra Coronel, legal counsel ng PEP, ang resolusyon ng DOJ. Kahapon, July 11, nakausap ng Startalk si Atty. Coronel.

"Ang findings ng prosecutor, walang basehan para isampa ang kaso ng libel, so dini-dismiss na yung reklamo. Sinabi rin ng prosecutor na walang malisya ang pagkaka-put out ng article.

"At dahil walang malisya—element kasi 'yan na essential para sa pagpapatuloy ng libel—so walang rason para mag-aksaya ang Department of Justice na dalhin pa sa korte ang kasong ito."

Noong April 13 isinampa ng kampo ni Richard sa Makati Prosecutor's Office ang kasong libelo laban kay PEP Editor-In-Chief Jo-Ann Maglipon, Managing Editor Karen Pagsolingan, at staff writer Bong Godinez. Inireklamo ni Richard ang isang artikulong lumabas sa PEP na nagsabing may nakagalit si Richard sa party ng direktor niya sa Zorro, na si Mark Reyes.

Ayon pa kay Atty. Coronel: "Napatunayan na walang malisya doon sa pagkakalabas ng article. And, hopefully, from here magkaayos nang lahat. Sabi nga natin, maliit ang mundo ng show business and, hopefully, this will pave the way to rekindling good relations.

"Sayang naman, like si Jo-Ann, ang business naman talaga ng PEP is to report about the news on artista. And si Richard, he's such a big star and people will be interested to read about him. And with this case, sana, sana magkaayos na. Para wala nang ninenerbiyos, nate-tense... Mapasahan ka lang ng payong, di ba?, yung mga tao, nate-tense," natatawang sabi ni Atty. Coronel.

(Ang tinutukoy ng abugado ng PEP ay ang pangyayari sa burol ng talent manager na si Douglas Quijano nitong Hunyo, na nag-abot si Annabelle Rama, ina at talent manager ni Richard, ng mga payong sa mga artistang nakaupo sa isang mesa, kung saan nakaupo rin si Jo-Ann. Inabutan rin niya si Jo-Ann ng payong, na may markang Zorro, ngunit bago noon ay hindi malaman ng mga naroon kung ano ang mangyayari sa unang pagtatagpo ng dalawa mula nang magsampa ng kaso si Richard.)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Parang puwede namang bumalik sa pagkakaibigan, it's a good thing," sabi ni Atty. Coronel, na kasama sa law firm na Yorac Arroyo Chua Caedo & Coronel Law Offices.

"THIS IS NOT THE END OF THE ROAD FOR US." On the other hand, noong Huwebes naman, agad din nagbigay ng kanyang pahayag si Annabelle Rama, na nailathala na rin dito sa PEP. Halatang hindi masaya sa naging desisyon ng DOJ si Annabelle, na nagsabing "hindi pa tapos ang laban" at "kakampi ko ang Dios."

Pag-aakusa ni Annabelle sa abugado ng PEP: "May naglakad sa kaso, dahil sa Makati kami nag-file, pero isang araw pa lang ang hearing, biglang nalipat sa DOJ ang kaso. Bakit di pinagbigyan ang fiscal ng Makati na maibistigahan muna niya? Wala bang tiwala ang DOJ sa mga prosecutor ng Makati? Bakit kinuha sa Makati ang kaso? Nagulat na lang kami dahil biglang sa DOJ ang hearing. May dumukot sa kaso."

Hindi nagkasya roon, inakusahan din ni Annabelle ang DOJ prosecutor: "Sayang ang DOJ Prosecutor na si Sytap. Siya ang humawak sa kaso ni Richard. Nagpadala siya sa mga sulsol. Bata pa naman siya. Malayo pa sana ang kanyang mararating. Paano pa siya magiging Justice? Hindi niya ni-review ang kaso, dahil kung ni-review niya ang kaso, hindi matatalo si Richard!"

Hindi ito pinatulan ni Atty. Coronel. Sa halip ay sinabi nitong may kalayaan sa batas ang pamilya Gutierrez na i-apela ang kaso.

Sabi nito: "May legal na proseso. Puwede silang mag-file ng motion for reconsideration. Puwede silang mag-appeal kay [DOJ] Secretary Agnes Devanadera. Meron namang prosesong ganoon, and I'm sure, kapag nangyari yun, we will just have to defend. Ganoon pa rin, we will go through the process."

Nang makausap ng Startalk ang legal counsel ni Richard na si Atty. Angelica Santiago, ganoon din naman ang sabi niya: "May proseso ng apela para sa resolusyon na ito, so we do have the right to question the resolution of the DOJ, and we intend to do that."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dugtong pa niya, "We do have 15 days from the day we received it, which is yesterday, and 15 days to question it. So, within that time, isasampa na namin ang aming apela and, hopefully, after that, maresolbahan na.

"Of course, mabibigyan din ang kabilang panig na sumagot doon sa aming apela and, after that, hopefully, maresolbahan na ito. This is not the end of the road for us. We intend to do all the remedies that are available to us."

DISMISSAL TOO SPEEDY FOR RICHARD. Sa interview naman kay Richard, sinabi nitong hindi niya ine-expect na madi-dismiss ang kasong isinampa niya.

"Hindi namin ine-expect na madi-dismissed ang case nang ganoon kabilis. Pakiramdam namin, hindi na nabusisi nang husto yung kaso namin, at para sa akin at para sa buong team namin, itutuloy pa rin namin ang laban."

Nang tinanong ng Startalk si Atty. Coronel kung may message ang PEP para kay Richard, hindi pa rin lumihis ang abugado sa tono ng pakikipagbati sa mga Gutierrez.

"Well, ang position ng PEP is, sana, this ends everything. Kung anuman yung naging animosity, kung anuman yung naging pagkakailangan nila, sana matapos na dito. We reiterate na walang malisya, walang sama ng loob, walang galit na involved dito.

"It's all just part of trabaho, and since umabot na rin naman sa ganito, sana this starts a renewal of the friendship. Marami pang puwedeng ma-develop sa PEP, specifically [between] si Jo-Ann at sa Gutierrez family, hindi lang si Richard but the entire Gutierrez family," sabi ng abugado ng PEP.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN