Eugene Domingo says Dingdong Dantes was her first choice for leading man in Kimmy Dora

"Sinabi ko kay Direk Joyce na this is it! It's now or never. Kailangan mapasaakin si Dingdong (inset) sa pelikulang ito!"


Malapit na ipalabas ang launching movie ng award-winning comedienne na si Eugene Domingo na may titulong Kimmy Dora: Kambal Sa Kiyeme na produced ng Spring Films ni Piolo Pascual.

Dual role si Eugene dito at ang ka-partner niya ay walang iba kundi si Dingdong Dantes. Mula naman ito sa direksyon ni Joyce Bernal.

"Dalawang pagkatao ni Eugene Domingo ang mapapanood nila dito sa Kimmy Dora. Una ay si Kimmy yung matino at mabait samantalang yung isa ay si Dora na papunta na sa kawalang katinuan. Magkakaroon ng clash ang kambal dito na nakakatawa at mababaliw silang lahat sa mga pinaggagawa ni Uge," kuwento ni Direk Joyce.

Dagdag pa ni Direk Joyce na kasama si Eugene sa pag-conceptualize ng istorya. Nabuo raw nila ito sa isang gabi na wala silang magawa.

"Basta nag-usap-usap lang kami one night hanggang sa nakabuo kami ng nakakatuwang istorya na babagay kay Uge. Pero bago naman namin sinimulan ito, naghintay muna kami na baka may ibang production outfit na mag-launch kay Uge. Siyempre, mas maganda kung malaking film outfit ang magbigay ng malaking break kay Uge, di ba?

"Noong malaman nga namin na hindi matutuloy yung isang project ni Uge sa isang film outfit, sinimulan na namin agad itong project. And with the help of Piolo Pascual, e nasimulan na namin."

PIOLO GAMBLES ON UGE. Malaki nga ang pasasalamat pareho nina Direk Joyce at Eugene sa pagsugal ni Piolo sa pag-produce ng pelikulang ito. Malaki kasi ang bilib ni Piolo sa husay ni Eugene at alam niyang lalabas ito nang maganda dahil sa pamamahala ni Direk Joyce.

"Bago naman namin sinimulan ito, tinanong naman namin si PJ kung handa na ba siya sa papasukin niyang ito bilang producer, kasi hindi naman biru-biro ito. Umoo naman siya at ready naman siya financially, mentally at physically!" sabay tawa ni Direk Joyce.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang kinatutuwa nga ni Eugene kay Piolo bilang producer ay parati itong present sa kanilang shooting. At inaalam nito ang mga nangyayari at kung ano ang kailangan pang gastos sa production.

"Iba na nga ang tingin ko kay Piolo, e. Hindi na aktor kundi producer na talaga. Kapag darating sa set yan magtatanong agad kung ano ba ang nangyayari na, kung may problema ba sa set at kung okey ba ang lahat sa set.

"Hands on nga si Piolo dito sa project na ito. Kahit na alam naming ang dami niyang ginagawa pero he still manages to be kung nasaan kami. Tulad ngayon nga sa pictorial, hindi naman namin inaasahan na darating siya pero he's here at nagbigay siya ng suporta sa amin sa project."

Sa naganap nga na pictorial para sa Kimmy Dora ay halatang kilig na kilig si Eugene na kasama si Dingdong. Inamin naman ni Eugene na first choice niya si Dingdong para maging leading man niya.

"Sa totoo lang naman, pangarap lang muna ang lahat. Wala namang masama, 'di ba? Libre ang mangarap. Pero noong dumating na ang pagkakataon na ito, hindi ko na ito palalagpasin.

"Talagang sinabi ko kay Direk Joyce na this is it! It's now or never sinabi ko kay Direk Joyce. Kailangan mapasaakin si Dingdong sa pelikulang ito!" sabay malakas na tawa niya.

GAME DINGDONG. Natuwa nga si Eugene nang pumayag si Dingdong at hindi na raw ito nagtanung-tanong pa. Gagawin daw niya ang movie because of Eugene at kaibigan din niya sila Piolo at Direk Joyce.

"Alam n'yo na-flatter talaga ako. Kita n'yo naman hindi na kailangang magdalawang salita pa kay Dong, yes agad ang sagot niya kaya napakasaya ko. Kaya dito nga sa pictorial, pinagsasamantalahan ko na siya!" pilyang tawa pa ni Uge,

"Uy, laru-laro lang kami ni Dong. Game kasi yang batang yan. Noong magkatrabaho kami ni Dong sa drama series [Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang], e tatawa-tawa lang sa akin yan kahit na binabalahura ko na siya. Kahit na alam niyang nananamantala na ako, okey lang sa kanya. Parang hindi niya napapansin ba?" malakas na tawa ulit ni Uge.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang naging paghahanda ni Eugene para sa kissing scenes nila ni Dingdong?

"Ay araw-araw akong nagpapa-dental prophylaxis!" tawa pa ulit ni Uge. "Hitsurang manipis na ang mga ngipin ko sa kakalinis, basta't alam kong malinis siya at wala siyang mga tinga-tinga!

"Tapos ay hindi ako kumakain ng mga pagkain na nakakabaho ng hininga at nakakadulot ng hindi magandang pakiramdam sa bituka ko. Makakasiguro si Dong na malinis ang bituka ko at mabango ang hininga kong lalabas!"

At isa nga raw sa highlights ng Kimmy Dora ay ang daring na pagsuot ni Eugene ng bathing suit. Nagpagawa pa raw ng special na bathing suit si Eugene para sa eksena nilang iyon ni Dingdong.

"Nakakalokah ang eksenang iyon. Sa sobrang intense, e nasira ang camera!" sabay tawa ni Uge.

"Serious nga, nasira ang kamera. Ang shot kasi mula sa ibaba pataas sa mukha ko. Crane shot pa naman iyon. Aba biglang tumigil daw ang kamera at nasira. Tama ba naman iyon? Hindi kinaya ng kamera ang eksena ko! Nagpagawa pa naman ako ng bathing suit! Kaya ni-reshoot namin ang buong eksena.

"Pero noong maayos naman, nakunan nang bonggang-bongga ang eksena namin na iyon ni Dong. Jusko, maiinggit si Marian Rivera sa pelikula naming ito! Baka away-awayin na niya ako kapag napanood niya ang mga pinaggagawa ko kay Dong!" natatawang pagtatapos pa ni Eugene Domingo.

Sa September 2 na ang showing ng Kimmy Dora: Kambal Sa Kiyeme.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN