Toni Gonzaga clarifies reports that she snubbed Pinoy fans in Los Angeles

"Dati nahe-hurt ako kasi parang yung kasama ninyo, ang saya ninyo, tapos may lalabas na ganyang issue. Ngayon, medyo nasanay na, natuto na ako. Nangapal na rin ang balat ko na hindi na masyadong maapektuhan," says TV host-actress Toni Gonzaga.


Ilang pagkakataon nang naisulat sa iba't ibang insidente ang sinasabing pagsusuplada diumano ni Toni Gonzaga sa mga fans na humihingi sa kanya ng autograph o nagpapa-picture.

Kamakailan ay lumabas sa Internet ang reklamo ng ilang mga Pinoy sa Los Angeles, California—partikular na sa Methodist Church at Seafood restaurant. Bukod daw sa ayaw alisin ang shades sa kanyang mga mata habang nagpapakuha ng litrato with her fans ay madalas daw wala sa mood si Toni.

Kasama si Toni sa Star Magic talents na nagpunta sa U.S. para sa kanilang world concert tour.

Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Toni ay kinuha namin ang reaksiyon niya tungkol sa mga balitang ito.

"Unang-una, alam ko ang dahilan kung bakit ako nagpunta ng Amerika ay para magpasaya ng tao," panimula niya. "At bilang isang artista, wala kang karapatang magsuplada dahil utang na loob namin kahit na anumang mayroon kami ngayon, at kung saan man ang narating namin, sa mga taong nagmamahal at sumusuporta sa amin.

"Regarding sa Methodist, mayroon na silang Facebook at Multiply accounts, puwede ninyo itong i-check kung naka-shades nga ba ako. But there are times I could really say na talagang nagse-shades ako kapag may mga promo. Nagdye-jet lag, magkaiba ang oras... From Chicago to L.A., magkaiba ang oras, so medyo hindi maganda ang hitsura ko, kaya pasensiya na kung nagse-shades ako. Pero 'pag may nagpapa-picture naman sa akin at nagre-request na tanggalin ang shades ko, tinatanggal ko naman.

"Dun sa mga nagsasabing hindi ko tinatanggal ang shades ko, hindi ko maaalala ang insidente na yun. As far as I can remember, lahat ng pictures na nagsabing walang shades, tinanggal ko. Pero pasensiya na kayo if ever na hindi ko natanggal.

"We visited some branches of Seafood, so hindi ko alam kung kailan ang insidente na 'yan. Pero talaga, promise, dun sa mga nakaalala sa akin na magpa-picture, tinanggal ko ang shades o at may mga times na wala akong shades," mahabang paliwanag ni Toni.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Toni, kilala niya kung sino ang nagpasimula at nagkalat ng masamang balitang ito sa kanya.

"Alam ko naman kung sino ang nagkalat ng issue," sabi niya. "Alam ko kung sino ang nagsulat, so alam na niya kung ano ang totoo. So, siya na ang bahala.

"Dati nahe-hurt ako kasi parang yung kasama ninyo, ang saya ninyo, tapos may lalabas na ganyang issue. Ngayon, medyo nasanay na, natuto na ako. Nangapal na rin ang balat ko na hindi na masyadong maapektuhan."

TONI VS. SARAH. Noon pa man ay pilit na pinagsasabong sina Toni at Sarah Geronimo. Nadamay pa nga noon ang mga ina nila na sina Mommy Pinti Gonzaga at Mommy Divine Geronimo. Ngayon, lumabas naman na ayaw raw makasama ng Pop Princess si Toni sa isang pelikula, bagay na hindi naman pinaniniwalaan ni Toni.

"Wala, wala talaga kaming away ni Sarah," tanggi niya. "Sana huwag nilang lagyan ng issue dahil mahal ko naman si Sarah. Napakabait niya sa akin, so wala talagang dapat na ganung balita sa amin.

"Honestly, with all the intrigues that came out, I chose not to believe and not to focus on the negative things around it. Kung hindi man natuloy, may magandang dahilan. Hindi ko gustong kunin yun in bad way, or in a negative way, dahil may mga rason ang mga baga-bagay at ang mga proyekto kung bakit hindi natutuloy. May oras, may schedule, may management na nagde-decide for that, so naiintindihan ko lahat."

PAST WITH PIOLO. Sa recent guesting ni Piolo Pascual sa Entertainment Live, kung saan si Toni ang nag-interview sa aktor, ay naungkat muli ang sinasabing "past" nila nang magsalita ang aktor na matagal din daw ang sa kanila ni Toni. Hindi lang klaro kung naging sila ba o nanligaw si Piolo kay Toni. Pero hindi raw nakakibo ang TV host-actress at nag-blush na lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May past nga ba sila ni Piolo na naudlot lang?

"Ayokong kumibo dahil isipin nila loveteam ko si Piolo," sabi ni Toni. "Siyempre nahihiya naman ako, respeto na lang na huwag nating bigyan ng kulay. Hayaan na lang natin, matagal na yun. 'Saka nakakahiya kay Piolo, baka ayaw na rin niya yung pag-usapan.

"Hindi siya nanligaw, naging malapit lang dati. Ayokong sa akin manggaling yun. Hayaan natin na sa kanya manggaling kung anuman. Mahirap ang mga babae ang magsabi kung ano talaga ang real score, or kung anuman ang nangyari dati."

Parehong na-link si Toni kina Piolo at Sam Milby. Balitang nililigawan ngayon ni Piolo si KC Concepcion, at lumabas ding nililigawan naman ni Sam ang apo ni Sylvia La Torre na si Ana Marie de Tagle (lumabas sa Disney movie na Camp Rock).

Nagpahayag ng kasiyahan si Toni para sa dalawang aktor.

"Lagi ko namang sinasabi pag nagkikita kami [ni Piolo] na deserve talaga niya na maging masaya at makita niya ang para sa kanya. Kay Sam naman, narinig ko na ang tungkol diyan. Basta ako, masaya ako para sa kanilang lahat. Life is short, so let's enjoy it," pagtatapos ni Toni.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN