Diether Ocampo celebrates birthday with 1,500 kids in San Fernando, Pampanga

"Palagi kong sinasabi, wala sa kung ilang taon ang inilagi mo sa mundo. Nasa hitsura mo, nasa pagdadala mo. Nasa outlook mo sa buhay. Kaya kailangan palagi lang i-maintain ang child at heart. Kapag nawala 'yan, ang bilis mong tatanda," says Diether Ocampo when asked about his age.


Likas na yata kay Diether Ocampo ang pagtulong sa mga less fortunate, lalo na sa mga bata. In fact, a day before his actual birthday last Saturday, July 18, nasa San Fernando, Pampanga, si Diether para sa kanyang KIDS Foundation kung saan nagpasaya siya at nagpakain ng halos 1,500 na mga bata.

Buong Pilipinas at pinakasuluk-sulukan ng Pilipinas ang goal ni Diether, through his KIDS Foundation, na puntahan upang magbigay ng tulong. At isa nga raw ang Pampanga sa napag-alaman niyang may koneksiyon sa buhay niya.

"Ang tatay ko kasi, tubong CaviteƱo. Pero ang nanay ko, Kapampangan. Guagua, Pampanga. Kasi, ang dami ko nang natulungan sa Cavite at patuloy pa rin akong tumutulong dun at dahil sa dami ng mga tinutulungan kong bata, iniisip ko, saan pa ba ang mga lugar na malapit sa puso ko?

"At nalaman ko nga na rito sa Pampanga, dito rin pala ang origin ng pamilya namin. Kaya sabi ko, it's a good venue rin to host for KIDS Foundation. Kung natulungan ko ang mga bata sa Cavite, bakit hindi rito sa Pampanga?" saad ni Diether.

May apat na taon na rin ang KIDS Foundation ni Diether at iba't ibang lugar na raw sa Pilipinas ang napupuntahan at natutulungan nila.

"Yung ibang staff ko, yung ibang member ng KIDS Foundation, kagagaling lang nila sa Bukidnon dahil may feeding program kaming inilunsad doon. Hindi na lang ako nakasama dahil nagte-taping ako ng Only You. Pero nagpasabi ako sa kanila na pupunta at pupunta ako sa kanila para at least... Kasi ako, lahat ng proyekto ng KIDS Foundation, ako mismo. Very hands-on talaga."

BIRTHDAY BOY. Kahapon, July 19, ang actual birthday ni Diether. Noong nakausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ay hindi pa siya sigurado kung magbi-birthday party.

"Ako kasi mismo, the past few years, palagi naman akong nagse-celebrate, di ba? Friends, family... Every year din, tumutulong ako at nagse-celebrate with the kids. Yung mga kabataan na 'yan, nagsimula lang sa maliit na grupo na 'yan. Every year, nari-realize ko kung gaano ako ka-blessed hanggang sa itinaguyod ko na ang KIDS Foundation at hanggang sa na-realize ko na ganito karami na ang mga batang tinutulungan namin," sabi ng aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kahit ang anak daw niya na si Dream, kahit paano ay tinuturuan na niya kung paano tumulong sa kapwa.

"Well, itinuturo ko sa kanya ang value ng pagsi-share. Na kung ano ang meron ka, kailangang i-share mo."

Hindi pa nga lang daw niya nae-expose ang kanyang anak sa mga events ng KIDS Foundation.

"Hindi pa, bata pa, e. Kapag lumaki-laki n'yan, isasama ko siya."

HEALTH CONDITION. Bagamat hindi pa rin nawawala ang pag-alala sa health condition ng aktor dahil nga sa pagkahimatay niya sa Star Magic world tour sa U.S., nakangiting ipinagdiinan ni Diether na mabuti na ang kalusugan niya ngayon.

"Okey na okey na. Siguro naman, nakikita ng mga tao na malakas na malakas ako at walang problema. Yung nangyari sa akin sa Amerika, ano yun, dala lang talaga ng sobrang pagod," nakangiti niyang sabi.

Overfatigue lang ba talaga ang cause ng pag-collapse niya?

"Oo," sambit ni Diether. "Nagpatingin ako sa cardiologist at neurologist just to make sure dahil baka nga mag-isip ang mga tao na baka may problema. Ayokong mag-alala ang tao. Sabi nga ng doctor ko, 'Malakas ka pa sa kalabaw!'

"Malaking tulong din na yung lifestyle ko, very healthy, walang bisyo. Umiinom pa rin ako ng gatas. Kaya sabi ko nga, malaking pakinabang na bigyan mo ng pansin yung kalusugan mo, hindi lamang sa tulad naming mga artista."

Mas careful ba siya ngayon dahil sa nangyari?

"Hindi, mas binibigyan ko ngayon ng halaga ang kalusugan ko kasi puhunan 'yan, e. Yung nangyari talaga sa Amerika, pagod. Minsan kasi yung katawan mo... Sinasabi ng utak mo, kaya mo pang magtrabaho, pero yung katawan mo, hindi na pala kaya. E, ang mga Filipino, masisipag 'yan. So, may delayed effect 'yan, e. It takes time for me bago ko naramdaman ang totoong pagod."

Bumbaba raw ang blood sugar niya dahil sa pagod. Pero nilinaw ni Diether na wala naman daw siyang diabetes at wala rin siyang sakit sa puso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"You can also check with my doctors, sa Makati Medical. Dalawa ang doctors ko, neurologist at cardiologist. And then, sabi nila, 'Kung hindi ka maalaga sa katawan mo, baka napinsala ka na. Mabuti na lang, inaalagaan mo talaga ang katawan mo.'

"Sa trabahong ginagawa mo, ang dami ko talagang ginagawa. Maliban sa taping na regular, may KIDS Foundation pa ako. Maliban diyan, may mga negosyo pa ko sa publishing. Mahirap... So, sabi ko nga, kulang ang 24 oras sa akin, kulang na kulang," saad ni Diether.

Kinuha rin namin ang reaksiyon ni Diet tungkol sa balitang lumalabas na sinasabing baka gumamit daw siya ng steroid sa pagpapaganda ng katawan kaya siya nagkasakit. Mariin naman itong itinanggi ng aktor.

"Ako kasi, totally against ako diyan," sabi niya. "Ang kinuha ko kasing kurso sa college, Physical Therapy. So, more or less, kabisado ko, pinag-aralan namin ang anatomy. Nagtayo pa ako ng gym kaya well-educated ako pagdating sa katawan.

"Ako kasi, kahit anong kainin mo, available lahat 'yan. Normal fruits makukuha mo lahat ng nutrients na kailangan mo. Ako, gatas at Vitamin C lang."

DIET'S LOVELIFE. Natawa si Diether nang sabihin namin na may "lovelife" pa rin siyang inaasikaso. Pero ayon sa aktor, sobra raw nag-worry ang non-showbiz girlfriend niyang si Rima Ostwani dahil sa pangyayaring yun.

"In fact, gusto niyang lumipad papuntang Amerika the same day na nangyari yun. Pero wala siyang magawa, e. Pero awa ng Diyos, okay naman," sabi niya.

Wala pa ba silang planong magpakasal?

"Hindi pa, pinaplano 'yan," nakangiti niyang sabi, habang ang kanyang girlfriend ay katulong nitong namamahagi ng pagkain sa mga bata nang oras na yun.

Natawa naman si Diether nang tanungin namin kung ilang taon na siya ngayong birthday niya at kung ano ang birthday wish niya.

"Palagi kong sinasabi, wala sa kung ilang taon ang inilagi mo sa mundo. Nasa hitsura mo, nasa pagdadala mo. Nasa outlook mo sa buhay. Kaya kailangan palagi lang i-maintain ang child at heart. Kapag nawala 'yan, ang bilis mong tatanda," sabi niya. (Pero napag-alaman ng PEP na 33 years old na ang aktor ngayong birthday niya.)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Birthday wish?

"Birthday wish ko? Sana sama-sama tayong mapalago at maitaguyod ang industriya natin. Personally, ano pa ba ang mahihiling ko? Nasa akin na ang lahat. Siguro, mahabang buhay para mas marami pa tayong matulungan at ma-inspire na mga tao," pahayag ni Diether.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN