Mommy Dionisia wants Piolo Pascual as her leading man in a movie

Dionisia Pacquiao, the equally popular mother of popular boxing champ Manny Pacquiao, made a guest appearance today in the morning program Umagang Kay Ganda.


Kanina, July 23, ay nag-guest sa morning program ng ABS-CBN na Umagang Kay Ganda ang ina ni Manny Pacquiao na si Mommy Dionisia.

Sa interview ni Pinky Webb kay Mommy Dionisia, tinanong nito kung totoong magge-guest siya sa noontime show ni Willie Revillame, ang Wowowee, sa darating na Sabado, July 25.

"Oke," sagot na narinig namin na sagot ng tinaguriang "Pac Mom."

Totoo ba na magiging co-host siya ni Willie?

"Oke," sagot nito ulit.

Maliban sa paghu-host, sinabi rin ni Mommy Dionisia na "magda-dancing" siya sa Wowowee. Yun naman daw kasi ang gusto ng mga tao sa kanya—ang makita siyang nagsasayaw.

Gaano ba kahusay magsayaw si Mommy Dionisia? "Marunong naman akong sumayaw, kasi sa GenSan [General Santos City], tuwing Biyernes ay lagi akong nagsasayaw, nagbu-ballroom," aniya.

Totoo bang kinuha siya ng Star Cinema na maging artista sa pelikula nina Ai-Ai delas Alas at dating Presidente Joseph Estrada?

"Oke," sagot nito. "Basta ang sabi ko, huwag lang sa 28, kasi magge-guest ako kay Manny. Twenty-six, 27, 29, at 30 ang shooting ko."

Gaganap si Mommy Dionisia na ina nina Ai-Ai at Sam Milby sa naturang pelikula. Ang tinutukoy naman na guesting ni Mommy Dionisia ay sa sitcom ni Manny sa GMA-7, ang Show Me The Manny.

Pumayag naman daw ang world-class fighter niyang anak na mag-artista siya.

Tinanong din si Aling Dionisia kung totoo bang gusto niyang makapareha si Piolo Pascual kung sakaling gagawa siya ng pelikula.

"Oo," diretsong sagot ni Mommy Dionisia.

Maliban kay Piolo, sino pa ang gusto niyang makapareha? Si Jericho Rosales daw, na gumanap sa life story ni Manny Pacquiao, ang gusto niya.

Pero kung papipiliin siya, sino kina Piolo at Jericho ang gusto niyang makapareha sa pelikula?

"Piolo Pascual," prangka ulit at nakangiti pang sagot ni Mommy Dionisia.

Naikuwento rin ni Mommy Dionisia na marami siyang ginagawang commercials kaya hindi siya makakasama kay Manny sa laban nito kay Miguel Cotto sa Las Vegas sa November. Gusto rin niya na ito na sana ang huling laban ni Manny.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tungkol naman sa pagpasok ni Manny sa pulitika, kung anuman daw ang gusto ng anak ay susuportahan na lang niya ito. Ito raw kasi ang gusto ni Manny, ang tumulong sa kapwa kahit pa sabihing nakakatulong naman siya kahit hindi ito pumasok sa pulitika.

Marami na ba siyang pera at malaki na ba ang kinikita niya sa commercials?

"Sikret," nakangiting sagot ni Mommy Dionisia.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN