Child actor Buboy Villar sports a new hairdo as Ding in Darna

"Excited na nga po akong makasama si Ate Marian ulit. Matagal po kaming hindi nagkasama. Kaya kapag sinabi nilang mag-taping na ako with Ate Marian, matutuwa po ako. Miss na miss ko na po siya talaga," says Buboy Villar about reuniting with Dyesebel co-star Marian Rivera in Darna.


Sa naganap na thanksgiving party ng magtatapos nang primetime series ng GMA-7, ang Zorro, noong Sabado, July 25, kabilang ang child actor na si Robert "Buboy" Villar na nagpasalamat dahil naging bahagi siya ng series na ito, bilang Pepe, na two weeks na lang ang itatagal sa ere.

"Thank you po sa mga parating nag-aabang ng Zorro. Ako po ay sobrang nagpapasalamat na naging kaparte po ako ng show. At maging sidekick pa po ni Richard Gutierrez ay isang malaking karangalan para sa isang tulad ko," nakangiting sabi ni Buboy sa interview sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

TV PROJECTS. Hindi nga nawawalan ng TV projects si Buboy. Pagkatapos ng Zorro ay gaganap naman siya bilang Ding sa pagbabalik ng Darna, kung saan si Marian Rivera naman ang gaganap sa Pinay superhero.

Bale reunion nila ito ni Marian dahil nagkasama na sila noon sa Dyesebel. Nakapag-pictorial na raw si Buboy para sa Darna, pero hindi pa raw siya nakakapag-taping.

"Excited na nga po akong makasama si Ate Marian ulit," sabi ni Buboy. "Matagal po kaming hindi nagkasama. Kaya kapag sinabi nilang mag-taping na ako with Ate Marian, matutuwa po ako. Miss na miss ko na po siya talaga."

Ayon kay Buboy, gaganap siyang barker ng jeepney drivers si Buboy sa Darna. Makikilala raw niya si Narda (ang alter-ego ni Darna) dahil matutulungan niya ito nang makalaban nito ang Babaeng Impakta na gagampanan ni Nadine Samonte.

Pinahaba raw ng GMA-7 ang buhok ng child actor para sa role niya as Ding. Ide-dreadlocks daw kasi ang buhok para sa naturang series. Natawa na lang si Buboy nang may magsabing pinaglalaruan parati ang buhok niya sa mga TV shows niya.

"Oo nga po, e!" sabi niya. "Pero okey lang po. Para raw kasi maiba ako. Tulad po sa Dyesebel, maraming gumaya sa ayos ng buhok ko. Natutuwa raw kasi silang ayusan ako ng iba-iba."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MOVIE PROJECTS. Sa pelikula naman ay sunud-sunod din ang ginagawa niya. Pagkatapos ng indie film na Kamoteng Kahoy ay ginagawa ngayon ni Buboy ang Ang Panday ni Bong Revilla para sa GMA Films at Imus Productions. Kasali rin siya sa Nieves ng Regal Entertainment, kung saan makakasama niya ulit si Marian.

Parehong entries sa Metro Manila Film Festival 2009 ang Ang Panday at Nieves.

Last year ay nanalong best child performer si Buboy sa MMFF para sa "Nieves: The Engkanto Slayer," na episode lang noon sa Shake, Rattle & Roll X.

Umaasa ba si Buboy na manalo ulit this year?

"Ay, hindi naman po," sagot niya. "Baka kasi may mas magaling na sa akin ngayong MMFF, e. Bahala na po. Basta ginagalingan ko na lang ang pagganap ko sa Panday."

Tungkol naman sa singing career niya, paminsan-minsan daw ay may mga shows siya out-of-town kaya nakakakanta pa rin siya. Panay naman daw ang videoke niya sa bahay nila kaya praktisado pa rin ang kanyang boses.

Sa mga hindi nakakaalam, si Buboy ay winner sa Season 2 ng Little Big Star, ang singing contest ng ABS-CBN noon na hinu-host ni Sarah Geronimo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN