Ina Feleo directs celebrity parents Johnny Delgado and Laurice Guillen in a short film

"Sabi ko nga, nung nanonood ako, 'Ay, magaling talaga sila! Ang lalim nila. Kahit tinginan lang yung ipagawa mo, grabe!"says Ina Feleo about her parents.


Dalawang magkasunod na events kamakailan ang naging mahalaga para sa young actress na si Ina Feleo, dahil patunay ang mga ito sa kung gaano na katatag at tumatatag pa ang posisyon niya sa larangang pinasok.

Una, noong July 25, nag-premiere showing sa Tanghalang Manuel Conde (Dream Theater) ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang short film na Labing-Labing, na dinirek ni Ina mula sa isinulat niyang screenplay.

Ikalawa, sa gabi ng parangal kinabukasan, July 26, para sa 5th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival and Competition 2009 ay si Ina ang muling itinanghal na Best Actress para sa Sanglaan, na idinirek ni Milo Sogueco; mula sa screenplay na isinulat niya at mga kasamang sina Audie Gonzales, Jerome Lorico, at Gay Ace Domingo.

Hindi naka-attend sa Cinemalaya awards night si Ina. Instead, ang kanyang sister na si Ana Feleo, isang soprano at gumaganap sa mga zarsuela, ang tumanggap ng Balanghai trophy para sa kanya.

"Nanalo na naman siya!" tuwang-tuwang banggit ni Ana after the awards night.

Pangalawang Cinemalaya best actress award na ito ni Ina. Noong 2007, siya rin ang nagwaging best actress para naman sa Endo, idinirek ni Jade Castro.

Simple and unassuming, at very accomodating si Ina sa press. Nagpasalamat siya sa congratulatory message na natanggap sa kanyang muling pananalo.

SANGLAAN. A day before the awards night ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Ina at walang anumang inaasahang pananalo ng award na makakamit kinabukasan ang young actress.

Pero masayang-masaya siya nang gabing 'yon dahil naroon sa premiere night ng una niyang idinirek na short film ang kanyang buong pamilya, classmates, and closest friends.

Labing-Labing is actually Ina's thesis film para sa basic film course na tinapos sa Marilou Diaz-Abaya Film Institute.

Kinausap ng PEP si Ina sa lobby ng Tanghalang Manuel Conde minutes before the screening. Wala pa kaming idea noon how her debut short film would turn out, pero napanood na namin ang Sanglaan. Masasabing impressive ang pagkakaganap ni Ina rito bilang si Amy, ang jewelry appraiser at isang simpleng dalagang may lihim na pagtingin sa isang dating kaklase, si David (Joem Bascon), na isang seaman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tulad nina Tessie Tomas at Jess Evardone (bilang si Kanor, ang security guard), ang character na ginampanan ni Ina ay mahalagang tauhan sa sanglaan na pag-aari ni Tessie, bilang si Olivia, Amy's aunt.

"Very wholesome talaga siya," pag-describe ni Ina sa ginampanang character. "Ang layo naman sa Endo na sobrang liberated siya [Ina's character in the film], contrast na contrast, na may confidence. Dito naman [sa Sanglaan], baligtad. Demure siya, pero meron ding ibang drive, ibang passion. Matindi."

Dalawa bale ang love interest ni Ina sa Sanglaan. Bukod kay Joem Bascon, ang former high school crush niya, nariyan si Neil Ryan Sese, ang loan shark na si Henry, na openly ay may gusto sa kanya at may tendency na mag-take advantage if given the opportunity.

Sa isang eksena'y nakipag-inuman si Ina kay Neil at ang sumunod na pangyayari'y hindi inaasahan, pero consistent sa takbo ng narrative.

"Meron silang draft, na parang gano'n, may mangyayari, pero in-adjust nila," paglilinaw ni Ina sa bahagi ng kuwento.

Hangga't maaari ay ayaw ni Ina ng sobrang sexiness sa kanyang portrayal, but she couldn't help it.

"Yung role ko ngayon sa TV, sobrang sexy," banggit nga niya, referring to her participation in the afternoon drama series Precious Hearts Romances Presents Bud Brothers for ABS-CBN.

Meron pang sinimulang serye si Ina Feleo, also for the Kapamilya network, yung Agimat (episode na bida si Coco Martin, opposite Nikki Gil). Dito'y policewoman naman ang kanyang role.

Kasisimula pa lang ni Ina sa pagte-taping para sa nabanggit na huling serye.

LABING-LABING. Tungkol sa una niyang short film, marami ang naging curious at natuwa sa napanood na trabaho ni Ina, kung saan gumanap na central characters ang kanyang mga magulang na artista—sina Johnny Delgado at Laurice Guillen.

Bakit Labing-Labing, as starred in by her parents?

Paliwanag ni Ina, "Kasi, tinanong kami ni Direk Marilou kung ano yung gusto naming gawin for our thesis. Pinapili kami ng something closest to our heart, 'tsaka pinaka-knowledgeable kami dun sa topic. Para hindi mahirap buuin, parang gano'n."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod dito, nabanggit ni Ina ang tungkol sa taglay na karamdaman—early stage ng cancer—ng kanyang ama. Na nang mabatid niya'y nataon sa pagbubuo ng konsepto ng maikling pelikula.

"Yun yung time na nalaman namin, may cancer nga si Daddy, so parang madali ko siyang naisulat," sabi ni Ina.

Sumailalim na sa mga unang chemotherapy treatment si Johnny at ayon kay Ina, bumuti-buti na ang kalagayan nito. Katunayan, sa gabi ng short-film premiere, masayang nagkasama-sama sina Ina, ang kanyang sister na si Ana, at mga magulang na parehong kilalang mahuhusay sa larangan.

"Ayaw niyang pumunta sana dahil nahihiya siya," banggit ni Direk Laurice of her actor-husband, na may napaka-"revealing" exposure sa short film ng anak na dalaga.

"Ngayon ko lang ginawa 'yon sa buong buhay ko!" napapailing lang ang aktor nang batiin ng PEP. Pero masiglang-masigla, na proud of her daughter sa naging achievement nito.

Sa Labing-Labing, gumanap si Johnny bilang isang loving husband and father na nadiskubreng may tumubong bukol sa kanyang private part. Yun ang naging simula ng physical and spiritual healing na magkatuwang na ginampanan ng mag-asawang Johnny at Laurice in their respective true-life characters.

Higit sa pagiging daring, na totoong-totoo naman sa karakter na ginampanan, hahangaan si Johnny sa madamdamin nitong pagganap at pag-awit ng Labing-Labing theme song.

LABOR OF LOVE. Bilang debuting short filmmaker, Ina describes her experience as "sobrang sarap" and talks about her film, Labing-Labing, with so much enthusiasm.

"Dahil kumbaga, student film siya, siyempre wala naman akong budget masyado. So lahat ng kasama ko, mga crew... Lahat 'yan, for the love of. At ang sarap ng experience kasi yung dedication nila, na parang bigay na bigay, minsan nakakahiya, e. Kasi parang utang na loob mo sa kanilang lahat 'yon. So, super enjoy! 'Tsaka binonggahan nila talaga... Yun bang naniniwala sila dun sa project, gano'n. Ang saya!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ina thanks some of her friends and relatives na tumulong sa kanya sa pagbuo ng nasabing short film, pati ang iba pang hindi man niya nabanggit ang pangalan, nais niya ring bigyan ng taos-pusong pasasalamat.

Nariyan si Dave Abaya, ang anak ni Direk Marilou, na nagsilbing director of photography (DOP). Si Butch Guillen, ang pinsan ni Ina, bilang sound designer.

Si Toym Imao (anak ng National Artist for Visual Arts na si Abdulmari Asia Imao, isang sculptor) bilang production designer. Si Johnny Danao, isang baguhang indie musical artist, na namahala ng musika.

"Grabe!" bulalas ng young actress. "Labor of love nga lang daw kasi ang lahat. Siyempre, binayaran ko yung equipment, yung mga permit, yung gano'n. Yung mga inipon ko, wala na! Kailangan magtrabaho ulit!"

DIRECTING MOM & DAD. Ayon kay Ina, madaling idirek o paartehin sa pelikula ang kanyang mommy at daddy.

"Kasi magaling sila," katuwiran niya. "At siguro, sobrang familiar na din kasi kami sa material."

Bilang mga artista, marami nang napagwagiang awards sina Laurice at Johnny. Pero sabi ni Ina, lagi pa ring may surprise na naipapakita ang kanyang award-winning actor-parents.

"Sabi ko nga, nung nanonood ako, 'Ay, magaling talaga sila! Ang lalim nila. Kahit tinginan lang yung ipagawa mo, grabe!" buong-katuwaang lahad pa ng young actress-director.

Maging ang kanyang sister na si Ana, who's a celebrity in her own right ay naging napaka-supportive sa undertaking ng kapatid.

"Ginawa ko siyang make-up artist, para involved kaming lahat!" nakangiting banggit pa ni Ina. Na dito'y walang naging pagtutol si Ana.

Gaano nga ba ka-attached sa pamilyang kinagisnan ang premyado na ngayong aktres at film director?

"Ay, sobra! Masyado akong attached, lalo na recently, nung nagkasakit si Daddy," pagpapatotoo ni Ina.

Ang pagiging closely-knit ng kanilang pamilya ay may magandang resulta para sa tagumpay ng kani-kaniyang propesyon. Kaya all-out ang support nila sa isa't isa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento ni Ina, "Dito nga [sa post-production ng Labing-Labing], hindi rin makatiis si Mommy. Kasi nung huli, nagkakatarantahan kami, yung sa post-production, sa sound, nagkaproblema kami."

Hangga't maari, ayaw raw manood ni Direk Laurice ng pelikula habang kasagsagan pa lang ang post-prod.

"Pero andun na rin siya, nakatutok na rin siya," wika ni Ina. "At ang talas talaga ng tenga ni Mommy. Ako kasi, first time ko, pero siya naririnig talaga niya yung mga hindi dapat marinig sa film."

Ina learned so much from her mom. Hindi man sa pag-spoonfeed ng mga pointers, kundi sa tamang paggabay, kung kinakailangan.

Sa pagiging direktor, Ina is left alone kaya anumang makikitang kahusayan sa kanyang produkto ay maki-claim niyang mula sa kanyang puhunang pagsisikap.

"Sa kanila [her mom and dad], 'pag artista sila, artista lang sila. Si Mommy gano'n, hindi siya direktor. Hindi siya agad nanood kasi gusto niya, fresh. Para 'pag nanood siya, isang bigayan lang ng comment.

"Si Daddy ang nood nang nood nang nood! Ay, naku, ang kulit! Sobrang excited! Kunyari, first cut, second cut, final cut... talagang pinapanood niya na! Pero ito, ngayon lang niya makikita, na may music."

Ina recalls further, "Nagpu-post prod kami, sa bahay... Meron kaming post-prod [equipment] do'n... Si Daddy, silip nang silip! Nakailang beses nang mapanood. E, sabi ko, 'Huwag mo nang panoorin, magsasawa ka!'"

Pero si Ina, matindi rin ang enthusiasm na ipinapakita ngayon; o lalo't naging maganda ang resulta ng kanyang unang maikling pelikula.

Tulad ng kanyang actress-director mom, balak din bang magdirek ni Ina para sa mainstream studios kung bibigyan ng pagkakataon?

Positibo ang sagot niya. Ani Ina, "Wala kasi sa akin yung parang pang-mainstream, o pang-indie. Ang maganda siguro sa indie, kasi talagang iyung-iyo yung material ng project, na puwede mo talagang i-flesh out... Well, pero kung magkakasundo naman din kayo ng producer, why not, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Mommy, nagdidirek siya ngayon para sa Star Cinema, sina Angelica [Panganiban] at Derek [Ramsay]," banggit ng young actress. "Gusto rin niyang gumawa ng indie, actually. Never pa daw kasi siya nakapag-direct ng indie."

Gusto rin ni Ina someday na maidirek siya ng kanyang mommy, o magkasama sila sa isang importanteng movie project.

Meanwhile, matinding concern ang laan din niya para sa kanyang daddy, hopefully, hanggang sa tuluy-tuloy nitong recovery.

"Nasa bahay lang siya lagi, para iwas-sakit, kasi madali siyang mahahawa," pagwawakas ni Ina.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN