Lorayne Pardo: "Paano kung si Nomar nabuhay at si Richard ang namatay, sa palagay n'yo, nasa'n ngayon ang asawa ko?"

"Kung masakit sa kanila, mas masakit sa amin. Sila pupuwede nilang palitan yung kaibigan, may friends silang artista. Pero ang mga anak ko, hindi nila puwedeng palitan ang tatay nila. Hindi sila puwedeng humanap ng ibang tatay," says Lorayne Pardo (main photo) about the statements made by the Gutierrez family in connection with her husband's death.


Kaninang tanghali, July 29, ay nakausap sa radio program na Wow! Ang Showbiz sa DWIZ si Lorayne Pardo. Si Lorayne ang biyuda ni Nomar Pardo, ang nasawing personal assistant ng aktor na si Richard Gutierrez sa vehicular accident na naganap noong May 22 sa Silang, Cavite.

Isa-isang sinagot ni Lorayne ang mga naging pahayag ni Annabelle Rama nang mainterbyu ito sa parehong radio program noong Martes, July 28. (Click here to read related story.)

"HUSTISYA." Ano ba ang ipinaglalaban niya sa kasong ito?

"Gusto kong mabigyan ng justice para kay Nomar," agad na sagot ni Lorayne.

Gusto niya ba ng settlement o may maparusahan sa pagkamatay ng asawa?

Paliwanag ni Lorayne, "Actually, kasi ang ipinayl namin sa kanya [Richard] is Reckless Imprudence Resulting to Homicide. Sa ngayon po, wala kaming settlement do'n. Ngayon, 'pag napatunayan po na mayroong reckless sa kasong ito, isasampa po 'yan sa korte. Ang korte na po ang maglalagay do'n ng 'People of the Philippines vs. Richard Gutierrez.' 'Pag nando'n na po, magkakaroon ng dalawang aspeto—which is the criminal aspect and the civil aspect."

"WALANG FOUR MILLION." Totoo bang humihingi sila ng four-million pesos na settlement sa pamilya Gutierrez?

"Nasagot ko na po 'yan. Wala po kaming hinihingi na kahit ano sa kanila," diin ni Lorayne.

Patuloy niya, "Nung una, ang sabi nila, may demanda daw ako na four million [pesos]. Ngayon naman po, ang sabi nila, humihingi ako ng four million. Sabi po ni Richard, ang gusto ko daw four million. Papa'no pong masasabing nag-ask ako sa kanya ng four million? Ni minsan hindi ko po siya nakausap. Ni minsan hindi po kami nagkausap.

"So, wala pong hinihinging four million ang kampo ko o ako sa kanila. Lahat po ng mga bagay na 'to, sa kanila po nanggagaling. Sila po ang nag-o-offer sa amin, wala po akong hinihingi."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I HAVE ALL THE RIGHT TO KNOW...." Nilapitan daw siya ni Richard sa burol ni Nomar, pero ayaw raw ng aktor na makausap si Lorayne?

Kuwento ng 29-year-old na biyuda ni Nomar: "Nung dumating si Richard do'n, nagkamay lang kami at nag-hug. Yun lang. Napakaraming tao nun. So, papa'no ko sasabihin na inisnab ko siya?

"Nagkataon na merong isang bakanteng upuan sa tabi niya. Umupo ako sa tabi niya. Hindi niya naman ako in-approach na kausapin, so ako ang nag-start ng conversation. Ang sabi ko sa kanya, 'Chard, babalik ka ba dito bukas?' Ang sabi niya, 'Oo, babalik ako hanggang sa mailibing si Nomar.' Sabi ko, 'Okay.'

"So, nagtanong ako sa kanya, 'Chard, puwede ba tayong mag-usap?' And he said, 'Yes.' Sabi ko sa kanya, 'Pupuwede ba tayong mag-usap nung tayong dalawa lang?' And he said, 'We can talk here,' doon sa wake ng husband ko.

"Sabi ko sa kanya, 'No, puwede ba tayong mag-usap nang tayong dalawa lang? 'Pag makakahanap ba ako ng place dito, na kuwarto, na puwede tayong mag-usap...pupuwede ba? Okay lang ba sa 'yo?' Sabi niya, 'Yeah.' So, ako, tumayo ako, lumabas ako ng chapel, naghanap ako ng kuwarto."

Patuloy ni Lorayne, "Nung time na nakahanap na ako, sinabi ko kay Monching [Ramon Christopher, Richard's stepbrother], 'Tito Mon, puwede na kaming mag-usap [ni Richard].' Nung makita ni Annabelle na bumubulong si Monching kay Richard, tinanong niya, 'Monching, ano yung binubulong mo kay Richard?' Ang sabi ni Monching, 'Tita, gusto lang pong makausap ni Lorayne si Richard.' At nagalit po mama niya, tinanong, 'Ano pa ba gusto mong malaman?'

"Tapos, pagbalik ko sa chapel, wala nang tao. Wala na sila. Wala na yung mga artista. In short, family ko na lang ang natira do'n."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi talaga sila nagkaroon ng pagkakataon na magkausap ni Richard na sila dalawa lang?

"Wala," sagot ni Lorayne. "Ang hinihiling ko lang naman sa kanya, makausap ko siya para malaman ko kung ano ang nangyari sa aksidente. Bilang wife ni Nomar, I have all the right to know kung ano ang nangyari."

Sa puntong ito, hindi na napigilan ni Lorayne ang maiyak.

Sabi niya, habang umiiyak, "Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung ano ang nangyari sa kanya [Nomar]. Only Richard can tell me dahil siya ang may hawak ng manibela nung mga panahong 'yon."

"RECKLESS DRIVING." Ito rin ba ang isa sa mga dahilan kung bakit siya nagdemanda?

"Alam mo, kasi hindi naman maganda ang ipinakita nila, e," sabi ni Lorayne na garalgal na ang boses. "Lately na lang napapanaginipan ko yung asawa ko. Sa ilang years naming pagsasama ni Nomar, ni minsan hindi ko pa [siya] nakitang umiyak. Sa panaginip niya sa akin, ang lungkot-lungkot niya. Do'n ko lang siya nakitang umiiyak. So, ano pa ang gusto ni Nomar mangyari? Ano pa ba ang dapat kong gawin.

"Tapos nitong mga nakaraang araw, may nag-uudyok sa akin na tingnan ko ang bag niya. Kasi yung bag niya, hindi ko ginagalaw 'yon. Do'n sa wallet niya, meron akong nakitang tiket ng LTO [Land Trasnportation Office] na nakapangalan kay Richard, reckless driving. Isa 'yon sa nagpapatunay na may negligence na nangyari do'n sa aksidenteng sinasabi nila."

Inisyu ang tiket noong February 5, 2009. So, parang mensahe sa kanya ni Nomar 'yon?

"Hindi ko alam, e," sagot ni Lorayne. "Kasi nung time na 'yon, hindi mo mapapansin na may tiket do'n, kasi nasa kaloob-looban siya nung pitaka ng asawa ko. So, parang siya na rin ang gumagawa ng means para malaman ko kung ano ang totoo. Siya na mismo ang tumutuong sa amin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

(Sa hiwalay na panayam naman ng PEP kay Lorayne, sinabi nitong six years na silang kasal ni Nomar. Pero bago ito ay seven years silang naging magkasintahan. Kaya lumalabas na 13 years sila naging couple.)

"PAANO KUNG SI RICHARD ANG NAMATAY?" Ang ipinupunto ng kampo ni Richard ay aksidente ang nangyari at walang may gusto na may mamatay.

"Opo, aksidente ang nangyari," pagsang-ayon ni Lorayne. "Pero paano mo masasabing aksidente kung may taong namatay?"

"Ang aksidente," patuloy niya, "pupuwede po nating maiwasan kung mag-iingat. Paano po kung si Nomar nabuhay at si Richard ang namatay, sa palagay n'yo po, nasa'n ngayon ang asawa ko? Sa palagay n'yo ba sasabihin nilang aksidente ang pangyayari kung si Richard ang nawala? For sure, ngayon nasa kulungan na rin ang asawa ko. For sure, hindi na nila tinanong kung ano ang nangyari. Right there and then ay ipadadampot nila si Nomar."

"EDUCATIONAL PLAN O LUMP SUM?" Sa Abante kolum ni Jun Lalin, ang publicist ng Gutierrez family, lumabas ang breakdown ng mga perang naibigay ng mga Gutierrez kay Lorayne. Pero sinabi noon ni Lorayne na wala silang natanggap na pera mula sa kampo ni Richard. Ano ang totoo rito?

"Wala naman po kami talagang natatanggap mula sa kanila, e," giit ni Lorayne. "Kasi po ang sinasabi nila, tinurn down daw po namin yung educational plan at yung lump sum."

Sa puntong ito ay itinuon ni Lorayne ang kanyang pahayag sa publicist ng mga Gutierrez. Aniya, "Jun Lalin, nando'n ka nung mga panahong nagkausap kami ni Ma'am Annabelle, alam mo ang pinag-usapan do'n. Ang sinabi niya sa amin, 'Ano ba, educational plan o lump sum?' Pinapili niya ako.

"Bilang nanay, kailangan kong mag-isip kung ano ba ang kailangan. Kung educational plan, sabi ko nga, maraming educational plan ang nagsasara ngayon. 'Pag nagkaroon ng problema, poproblemahin ko pa 'yon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi nila, kung educational plan, educational plan lang. Wala kaming perang makukuha sa kanila. So, nag-agree ako do'n sa pera na inaalok nila, which is three years na suweldo ng asawa ko amounting to 432,000 [pesos].

"Do'n sa lump sum na kukunin namin," patuloy ni Lorayne, "do'n na namin kukunin ang pag-aaral, ang panggatas, ang pangkain, pati damit ng mga anak ko. Umokey na ako do'n sa maliit na halagang ibinibigay nila sa amin.

"Nung natapos 'yon, sinabi sa akin ni Ms. Annabelle na mag-uusap sila ni Richard. Lumipas ang araw, linggo, buwan, wala akong natatanggap sa kanila. Nagkakaro'n lang kami ng komunikasyon 'pag tumatawag sa akin si Ma'am Annabelle o nagte-text. Pero never akong nag-text sa kanya o tumawag para mag-follow up."

"PINA-STOP PAYMENT." Doon daw sa burol ay may iniabot na abuloy si Annabelle na 80,000 pesos na cash? At pati raw ang kanyang ama ay naabutan ng 15,000 pesos?

"Yun pong 80 thousand cash na 'yon sa abuloy, hindi po cash 'yon," paglilinaw ni Lorayne. "Inabot po sa akin yung 80 thousand cash na 'yon nung June 3, sa Tomas Morato, nung nag-usap kami. Kasi po, yung abuloy ni Ruffa [Gutierrez], ni Heart [Evangelista], ni JC [de Vera], mga tseke po 'yon, ibinigay sa akin nung wake. So, nung malaman nila na may demanda daw po na four million, pina-stop payment ni Annabelle.

"Yun pong 80 thousand na sinasabi nila, ipinalit lang po niya do'n sa pina-stop payment niyang tseke. Yung 80 thousand na 'yon, abuloy po 'yon. Sa patay, ang abuloy, talagang dumarating."

So, nakuha pa rin niya 'yung pera?

"Ibinigay po niya sa akin, tapos kinuha niya [Annabelle] yung tseke," sagot ni Lorayne.

"WALANG WILMA GALVANTE SA KASONG ITO." Nabanggit ni Annabelle na ang nagpi-finance sa kanya ay si Wilma Galvante, may katotohanan ba ito?

"Unang-una, hindi po ako kilala ni Ms. Wilma Galvante. Pangalawa, si Ms. Wilma Galvante, sa TV ko lang siya nakikita. Wala pong Wilma Galvante sa kasong ito," diin ni Lorayne.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May nakakita raw sa kanya sa GMA-7, sa office ni Ms. Wilma, nag-abot daw si Lorayne ng mga resibo?

Paliwanag ng biyuda ni Nomar, "Yun pong resibo na 'yon, ibinalik ko. Kasi po, di ba, GMA Network ang nagbayad sa burol at sa palibing ng asawa ko? So, yung mga dokumento po, yung mga resibo, kailangan ko pang hiramin sa kanila. Tapos, ibinalik ko po sa GMA para sa liquidation nila. Yun lang po ang naging dahilan kung bakit ako pumunta ng GMA Network.

"Nung pumunta ako ng GMA Network, wala po akong Ms. Wilma Galvante na pinupuntahan do'n," diin niya.

Bakit ang GMA ang gumastos sa burol at libing ni Nomar?

"Hindi ko rin po alam," sagot ni Lorayne. "Basta nung nasa ospital ako, sinabi lang sa akin ng isang taga-GMA na, 'Huwag po kayong mag-alala, GMA Network po ang magso-shoulder ng burol at palibing ni Nomar.' I'm so thankful. Kasi kung iisipin n'yo po, hindi naman po nila empleyado yung asawa ko, pero nagbigay po sila ng tulong sa amin."

Kung alukin siya ng settlement, tatanggapin niya ba?

"Itong kaso pong ito, criminal po ito, wala po ditong settlement," sabi ni Lorayne. "At saka bago po ito tanggapin ng mga abogado ko, sinabi po nila, 'Tatanggapin namin itong kasong ito kung ilalaban mo kasi sa huli.' Dahil ang mga lawyers ko po, hindi po sila mga collection agent."

"HINDI NA NILA MABUBUHAY SI NOMAR." Sa pagsampa niya ng demanda tila ang pinalalabas ng kampo ng mga Gutierrez ay nabalewala ang mga naitulong nila kay Nomar at sa pamilya nito?

Sagot ni Lorayne: "Ang asawa ko, nagtrabaho kay Richard, mas madalas na kasama niya asawa ko kesa sa amin. Totoo 'yon. Maraming importanteng okasyon sa buhay namin, lalo na sa mga anak ko, na wala ang asawa ko dahil nagtatrabaho siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Lahat ng mga sinasabi nila ngayon, irrelevant 'yon kasi wala na si Nomar. Lahat ng mga tulong na sinabi nila noong nabubuhay si Nomar noong nabubuhay. Pero ngayong patay na siya, kahit sabihin na magbigay sila ng anumang halaga, hindi na nila maibabalik yung buhay ng asawa ko...tatay ng mga anak ko.

"Paano mo i-explain sa isang five-year old at three-year old na si Nomar, naaksidente, pero namatay ang tatay nila? Paano? Paano mo sasabihin sa kanila na aksidente 'yon, na nawalan sila ng tatay? Kahit kailan hindi nila mapapalitan yung tatay nila. Lumalaki sila na walang tatay. Hindi na nila maibabalik 'yon. Hindi na nila mabubuhay si Nomar, kasi wala na siya.

"Kung masakit sa kanila, mas masakit sa amin. Sila pupuwede nilang palitan yung kaibigan, may friends silang artista. Pero ang mga anak ko, hindi nila puwedeng palitan ang tatay nila. Hindi sila puwedeng humanap ng ibang tatay," pahayag ni Lorayne.

Aware na ba ang mga anak nila na patay na ang tatay nila?

"Alam nila na wala na yung papa nila. Alam nila, naaksidente. Pero 'pag dumating ang panahon, 'pag lumaki na sila, nagkaroon ng tamang isipan at tanungin ako, 'Ma, ba't ba naaksidente si Papa? Anong nangyari?' Ano'ng isasagot ko? 'Hindi ko alam anak, e. Kasi wala namang nagsabi sa akin kung ano talagang nangyari.'Ano sa palagay mo mararamdaman ng mga anak ko? Siyempre, magagalit sila sa akin. Bakit hindi nila nalaman kung ano ang talagang dahilan? Kasi, walang kumausap sa amin. Hindi niya kami kinausap. Hindi pumayag si Ms. Annabelle na kausapin ko si Richard.

"Yun lang naman ang hinihingi ko, e, makausap at malaman kung ano talaga ang nangyari," saad ni Lorayne.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN