Former sexy actor Leandro Baldemor resumes acting career

"May commercial si Robin Padilla, sabi niya doon, 'Kung mabigyan ka ng break, kagatin mo agad. Galingan mo.' Para akong nangangapa sa dilim. Hindi ko alam kung tatanggapin uli ako ng mga tao. Kung puwede pa ako, pumapasok yung ganyang thoughts sa akin," says returning actor Leandro Baldemor.


Matagal nang hindi nakakausap ng entertainment press ang dating sexy actor na si Leandro Baldemor. Kaya nagulat ang PEP (Philippine Entertainment Portal) nang makita namin ang sigla sa kanya pagkatapos ng premiere night ng indie film na Last Viewing noong Martes, July 28, sa SM Megamall.

Ikinatuwiran ni Leandro na hindi naman talaga siya nawala dahil nagkaroon pa siya ng show sa NBN-4. Pero natawa si Leandro nang sabihin naming talagang na-miss siya ng mga tao dahil wala namang masyadong nakakapanood ng kahit na anong show sa naturang TV station na pag-aari ng gobyerno.

"Kahit hindi ako napapanood, may practice pa rin!" natatawang sabi ni Leandro. "Nang i-offer sa akin yung Last Viewing at kasama ko raw si Janice de Belen, naku, umoo agad ako! Hindi na pinag-usapan ang talent fee. Wala na akong sinabi pa. Basta na-excite ako. First time ko pang mag-indie, with Janice pa. Kasi karaniwang interpretasyon sa indie, yung may bold. Naiba itong pelikula namin."

NO MORE SEXY ROLES. Inilalagay ni Leandro sa lugar ang sarili niya. May mga nag-offer ng sexy roles sa kanya, pero nag-alangan siya.

"Hindi na kasi ako bagay sa ganoon," katuwiran niya. "Puwede pa rin naman kung hahanapin sa eksena. Pero kung yun ang pinaka-selling point, hindi na ako uubra sa ganoon.

"Sa dami ng bago at mas bata, hindi na ako para dun. Hindi na ako click dun. Hindi naman sa sinasabi kong tapos na ako dun, puwede pa siguro. Kaya lang, para gawin ko yun at doon ako babayaran, malabo na yun."

Natatawa nga si Leandro kapag nasisilip niya ang pagpapalabas muli ng mga luma niyang pelikula sa Cinema One, na nagawa niya noong nakakontrata pa siya sa Seiko Films ni Robbie Tan.

"Walang Leandro kung walang pa-sexy-sexy noon sa Seiko Films, di ba?" tawa niya. "Naiisip ko lang, kung babalik ako, dapat iba na. Hindi na rin dapat ganoon, yung makaalis na ako sa ganoong image.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Marami akong gustong gawin. Gusto ko, challenging roles. Gutom ako sa magagandang roles. Gusto kong malaman ngayon kung hanggang saan ako, hindi yung basta maghuhubad lang, magdadayalog, mangyayakap, manghahalik. Yung may mas malalim pa akong magagawa.

"Puwede pa rin naman, pero ang mas gusto ko, yung mapapansin na may kakayahan na akong makaganap ng ibang klaseng roles," asam ni Leandro.

MISSING SHOWBIZ. Sa Last Viewing, nakatutuwa ang reaksyon ng mga nakapanood. Hindi raw nagbabago ang boyish appeal ni Leandro. Paano ba niya naalagaan ang sarili niya?

"Tumaba ako, a!" sabi ni Leandro. "Nag-gym ako at nag-diet uli. Twenty-five pounds ang nawala sa akin. Mahirap. Mga two years siguro akong nagdiyeta bago bumalik yung dati kong katawan."

Aminado si Leandro na nagtrabaho siya sa Japan noon.

"Three months ako doon noon, then balik another six months. Wala akong ginawa doon kung hindi uminom. Mag-e-entertain ka, siyempre iinom ka," aniya.

Patuloy niya, "Na-miss ko ang showbiz, kasi iba 'pag nandidito ka. Yung nakikilala ka ng tao, nakaka-miss yun. There was a time, hindi na ako kilala, ang taba-taba ko na, wala nang nakakapansin. May lalapit pa noon, ang tanong, ''Di ba, ikaw yung bold star noon?' Natutuwa ako kasi kahit ganoon, at least, natatandaan pa rin. May recall. Malaki na ang tiyan ko, at ang taba ko na!

"Na-miss ko rin ang umarte. Hindi ako hypocrite. Mabilis kasi ang pera sa showbiz. Nasa paghahawak mo lang kung paano mo aalagaan yung ipon mo kung magaling ka. Malaking bagay yun, lalo na negosyo. Yung easy money, mapalalago yun. Sa parteng yun, malaki naman ang naitulong ng showbiz sa akin."

UPCOMING PROJECTS. May kasunod nang project si Leandro pagkatapos ng Last Viewing. Ito ay ang Multo, isa ring indie film na idinidirek din ni Ronald Bertubin.

Sa TV, kasama si Leandro sa Dahil May Isang Ikaw ng ABS-CBN, na pinagbibidahan nina Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, Jericho Rosales, at Kristine Hermosa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Parang nasa third episode ako," banggit ni Leandro. "May concept yung drama diyan, nasa pangatlong kaso bale ang istorya ng character ko diyan. Tungkol sa custody ng mga bata."

Aminado si Leandro na nahihirapan siyang magsimulang muli.

"'Yan ang natutunan ko," napapailing na sabi niya. "Minu-minuto, may pumapasok na bago. May commercial si Robin Padilla, sabi niya doon, 'Kung mabigyan ka ng break, kagatin mo agad. Galingan mo.' Para akong nangangapa sa dilim. Hindi ko alam kung tatanggapin uli ako ng mga tao. Kung puwede pa ako, pumapasok yung ganyang thoughts sa akin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN