Willie Revillame receives two million cash as gift from anonymous Good Samaritan

Willie Revillame breaks down the P2 million he received from an anonymous Good Samaritan and donates the money to the Bantay Bata Foundation, 71 Dreams Foundation, Wowowee Foundation and to a contestant.


Kaninang tanghali sa Wowowee ay in-announce ni Willie Revillame ang natanggap niyang regalo kahapon. Walang pangalan ng pinagmulan ng regalo ang pulang box. Kuwento pa ni Willie, may lamang tatlong large brown envelopes ang natanggap niyang pulang box.

May lamang pera ang tatlong sobre. Dalawa sa mga ito ay may markang "750k" habang isa naman ang may markang "500k." Kung susumahin at base sa mga nakasulat na marka sa mga envelope, nagkakahalaga ng 2 million pesos ang lamang pera ng mga ito.

Ayon kay Willie, hindi naman niya kailangan ang pera bagama't malaking pasasalamat ang ipinaaabot niya sa kung sinumang nagbigay ng regalong ito sa kanya.

Pagkatanggap sa regalo ay nakipag-usap daw siya sa kanyang lawyer at napagdesisyunan niyang i-donate na lang ang perang natanggap niya sa mga tunay na nangangailangan.

Unang napagdesisyunan niyang pagkalooban ng halagang P500,000 mula sa 2 million pesos na natanggap niya, ang Bantay Bata, isang foundation ng ABS-CBN na nangangalaga sa mga batang nakaranas ng hirap at pang-aabuso.

Pangalawang binigyan niya ng P500,000 ay ang 71 Dreams Foundation, isang foundation na itinayo ng ABS-CBN para pangalagaan ang mga kamag-anak ng mga naulila sa Wowowee Ultra Stampede na naganap noong February 4, 2006 sa Ultra Stadium sa Pasig City.

Nagbahagi rin ang host ng Wowowee ng P500,000 sa mga nabalitang OFW (Overseas Filipino Workers) na nasa Dubai na hindi makauwi dahil sa kakulangan ng pera.

P100,000 naman ang tulong ni Willie sa napabalita ring isinilang na conjoined twins na kasalukuyan inoobserbahan ngayon sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Sta. Cruz, Manila.

Ang natitirang P400,000 naman ay ibinigay ni Willie sa Wowowee Foundation para sa mga batang kanilang pinag-aaral.

Ngunit di katagalan sa show ng araw ring ito, isa sa mga contestants ni Willie ang kumurot sa kanyang puso.

Ang contestant na ito ay isang basurerong may anak na naka-incubator sa isang ospital. Sumali raw ito sa Wowowee sa pagbabakasakaling manalo ng perang gagamitin nito upang mabayaran ang ospital na kinalalagakan ng kanyang anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi raw kasi nila mailabas ng misis niya ang kanilang anak dahil wala silang pambayad sa ospital.

Nagdesisyon si Willie, dahil sa kanya naman ang Wowowee Foundation, na bigyan ng P50,000 ang contestant para tulong na rin sa sitwasyon nito ngayon.

Di katagalan din sa show ay in-announce na nailabas na ng mag-asawa ang kanilang anak.

Labis ang pasasalamat ng contestant kay Willie, pero mas lalong nagpapasalamat naman ang Wowowee host sa misteryoso ngunit may mabuting kalooban na pinagmulan ng regalong salapi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN