John Regala won't run for office without seeking Iglesia Ni Cristo approval

In a freewheeling interview, John Regala talks about political offers as well as showbiz offers, including the one he couldn't resist, a part in the much-lauded Cannes entry, Kinatay.


Isa si John Regala sa mga kilalang artista ngayon na hinihimok pumasok sa pulitika o tumakbo sa darating na eleksiyon sa taong 2010. Pero hindi pa desidido ang character actor. Instead, nagtutuluy-tuloy lamang muna siya sa aktibong pagganap.

Sa telebisyon ay may standing offer siya upang mag-guest sa top-rating na May Bukas Pa ng ABS-CBN, at kasali rin siya sa kontrobersiyal na pelikulang Kinatay (The Execution of P), ang pelikulang nagpawagi sa direktor na si Dante "Brillante" Mendoza sa Cannes International Filmfest noong Mayo 2009.

Nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP) si John Regala tungkol sa pagpasok niya sa pulitika. Ano nga ba ang katotohanan ukol dito?

"May nag-o-offer sa Cavite [kung saan nakatira ngayon si John Regala at ang pamilya niya], as board member. Sabi ko, wala akong pera, pinag-iisipan ko...."

Masigasig umano ang humihimok kay John, sa puntong sinasabi raw nito na, "Susuwelduhan kita... popondohan kita!"

"Ang sabi ko naman," ani John, "ang nasa isip ko, puwede, puwede... [dahil] hindi naman ako gagawa ng katarantaduhan dito, e! Hindi rin ako magnanakaw. Tutulungan ko lang yung mga taong nangangailangan ng trabaho.

"Kaya pinag-iisipan ko [ito] nang malalim na malalim," sabi niya.

IGLESIA'S APPROVAL. Ano ang bagay na makakahadlang sa ngayon kay John upang hindi pumasok sa pulitika?

"Pag hindi ako pinayagan ng Iglesia [Ni Cristo]," sagot niya. "Siyempre, mas yun ang priority ko, e. Yung pananampalataya ko."

Samantala, bukas ang isipan ni John hinggil sa gagawin, kung sakali.

"Ang [pagiging] board member, mas mataas pa sa congressman, mas malaki pa ang hawak no'n. Kung matutuloy, sabi ko nga, kung popondohan ako ng 30 million [pesos], di, ang 15 milyones, ibibigay ko sa tao. Ang 15 milyones, itatago ko, ha-ha-ha!" birong saad ni John.

Ayon kay Regala, ang pulitikong si John Vic Remulla ng Imus, Cavite ang nagbanggit sa kanya ng tungkol sa posibilidad ng pagpasok niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, last term na ni [Cavite Governor Ayong] Malicsi, e, nagkakilala kami ni John Vic sa isang okasyon," lahad ni John.

GOOD IMPRESSION. Maganda umano ang impresyon ni Remulla sa pagkatao ng aktor.

"E, hindi naman basa ang papel ko sa mga taga-Cavite. Dahil taung-tao ako sa kanila; kumakain ako sa palengke, gano'n. Simpleng tao. Gano'n ako sa Imus, Cavite, nagta-tricycle ako, pag malapit lang, pasyal ako sa Robinson's, katapat lang namin. Ganu'n ako kasimple."

Sa mga sinabing katangian ay maiisip na tila "pampulitika" nga si John Regala.

"Pero hindi naman ako katulad ng iba diyan, tumatakbo sa pulitika, [na] nagbubutas ng bangko," kuwelang sabi niya. "Kung papasukin ko 'yan, dahil may nagawa ako. Hindi ko papasukin 'yan dahil kikita ako."

Bilang artista, wala raw yung tinatawag na "star complex" si Regala.

"Wala. Tao lang talaga ako," pagtukoy pa niya. "Hindi lumaki ang ulo ko. Ang mga kapitbahay ko, mabuti lahat ang turing sa akin, nirerespeto ako dahil nirerespeto ko rin sila. Nangangapitbahay ako."

LIFE STORY. Sariwa pa sa isipan ng manonood ang naging simula ng tuluy-tuloy na pagiging aktibong muli ni John Regala bilang artista. That was when he decided to have his life story aired in an episode of GMA-7's Magpakailanman (then hosted by Mel Tiangco).

Batbat ng drama at makabuluhang aral sa buhay ang kuwento ni John Regala, mula sa magulong buhay-teenager at pag-aartista, pagsikat at pagiging premyadong aktor, pagkalulong sa masamang bisyo, at pagkakita ng kaliwanagan sa pamamagitan ng kinaaanibang relihiyon.

Iyon nga ang naging bagong simula niya, na nagkaroon ng magandang tunguhin.

Ang kanyang ina ngayon (dating aktres na si Ruby Regala), ayon kay John, ay namamalagi na sa Amerika.

"Pinag-e-enjoy ko siya ro'n," aniya. "Ang mga kapatid ko sa ama, ang dami nila, magaganda naman ang buhay ng mga kapatid ko, natutuwa ako. Awa ng Diyos naman..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Higit sa lahat, ang asawa't mga anak ngayon ni John Regala ay naninirahan sa Imus, Cavite at mapayapa ang kanilang buhay.

Samantala, nagpapasalamat si John Regala na hindi na siya ngayon "banned" sa industriya at malayang nakakatanggap ng mga alok para umarte sa telebisyon at pelikula.

Mas kilala nga siya sa mainstream industry, dahil sa mga kontrabida roles na ginagampanan sa TV (ang pinakahuli, na markado ang pagganap niya'y sa nagwakas na seryeng Pieta, ng Channel 2).

Dahil in demand, nakakatanggap na din ng higit na mataas na talent fee si John, pero aniya'y negotiable pa rin ang lahat.

"Puwede namang pakiusapan, kung maganda kang makisama, puwede, di ba?" sabi ni John. "Okey lang. That is a matter of approach. Lahat 'yan ay napag-uusapan. At lahat ay puwedeng ibaba. At puwede rin namang itaas. Lahat ay naia-adjust 'yan. Hindi naman puwedeng hindi i-adjust."

Meaning, madaling kausap ang aktor, na minsa'y inapi sa kanyang paghahanap-buhay. Pero napatunayan niyang hindi talaga natutulog ang Diyos, at lalaging may bukas pa sa mga sumasampalataya sa Kanya.

"Sarado isipan nila, e. Wala tayong magagawa," at natawa na lang si John.

INDIE NEWBIE. Malinaw na pruweba ng mabuti niyang pakikitungo sa mga taga-industriya sa ngayon ang pagpayag niyang gumanap sa isang indie movieā€”ang kontrobersiyal na Kinatay (The Execution of P) ni direktor Brillante Mendoza.

Batid nga ng publiko ang tagumpay na natamo ng pelikula sa prestihiyosong Cannes International Film Festival '09, kung saan nanalong best director si Brillante Mendoza.

Sa Philippine premiere ng pelikula kamakailan (July 30), sa Cine Adarna ng UP Film Institute, ay kabilang si John sa cast na dumalo at naging bahagi ng open forum matapos ang screening. Sa open forum at outside interviews ay hindi nawawalan ng mga anecdotes ang character actor tungkol sa pagkakaganap niya sa Kinatay, na siyang una niyang pagtatrabaho sa isang pelikulang indie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natatawa si John Regala as he recalls nung alukin siya ng famed director para sa mahalagang papel sa pelikula.

"Hindi ko kilala yung Dante Brillantes na tumawag sa akin. Siya pala si Dante Mendoza, na production designer ng Seiko [Films] noon.

"Pagdating ko lang dito [sa set, meeting place nila ni Direk Dante], di, sinalubong ako, 'Ikaw ba si Dante Brillantes?'" tanong daw ni John, sabay-napatungayaw siya... "'Dante Mendoza! Ikaw pala 'yan?! Hayop ka! Dante Brillantes ka pa, leche!'"

Natatawa lang si John Regala. May pinagsamahan na kasi sila noon, during his heyday as a Seiko Films contract star.

"Tinawagan niya ako sa telepono, 'yes, direk...' pa-direk-direk pa ako... 'put... ikaw lang pala 'yan, hayop ka!'"

Kumusta naman ang pagtatrabaho nila ni Direk Dante, pagkatapos ng meeting at negosasyong iyon?

"Itanong mo sa kanya kung sumakit ang ulo niya sa akin?" balik-tanong ni John. "Wala! Maaga pa akong dumarating sa kanya sa set. Professional tayo... paminsan-minsan, hahaha!"

'KINATAY' SHOOT. Mas kuwela ang mga kuwento ni John Regala tungkol sa actual shooting nila ng nasabing indie movie.

"Seven days, puro night [scenes]... long nights! And, natapos namin ang pelikula na para kaming naglalaro lang. Walang pressure," simula ni John.

"First time naming nagkasama ni Julio [Diaz] sa pelikula, nag-bonding kaagad. Si Coco [Martin], si Lauren [Novero], si Jhong Hilario, mga baguhan.

"Una, naiilang sila sa akin," sabi pa ni John. "Baba ako ng kotse, adjust ako... para di sila mailang. Kasi nung una, ramdam ko kaagad, e. Parang ayaw [nila] lumapit. Parang gusto na ayaw na nag-aalangan. Ako na ang nag-approach. 'O, 'tol,'" sabi pa raw niya, 'kumusta ba?'"

Hindi suplado, o ma-pride si John Regala, kaya marami siyang kaibigan sa showbiz.

"Yun naman ang sinasabi ko. Wala namang masama, hindi naman kawalan sa inyo ngayon, isang karagdagan pa nga sa mga katangian niyo, yung i-approach niyo kahit na sinong artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ngayon, kapag tinanggihan kayo, e, siya na ang may kakulangan nu'n," lahad pa ni John, bilang tip o advice on effective personal dealings.

MARIBEL'S "ORDEAL." Sa shooting proper naman ng Kinatay, may kuwento si John, na naikuwento rin ng female lead ng pelikula, si Maria Isabel Lopez.

"Si Maribel Lopez dito, grabe ang inabot sa akin dito, e," ani John. "Napukpok ko [siya] ng baril! Napukpok kong ano..."

Kasi raw, "Hindi naman kita sa camera, galaw nang galaw... pinipigilan ko na, galaw nang galaw. E, yun tinamaan ko ng baril! O, di bukol!"

"Sabi ni Julio, 'Hindi, katangahan mo rin kasi, Maribel, e!"

Nabanggit nga ng former beauty queen, sa hiwalay naming interview, ang masaklap niyang karanasang pisikal sa pagsu-shooting ng Kinatay.

"Tapos, yung bukol, inapakan pa ni Lauren... e, di nagdugo!" hindi na natatawa si John Regala pagbanggit nito. Sa kuwento ni Maribel Lopez, nagkaroon sila ng konting sagutan ni Direk Brillante, na naayos din naman, at nakasama pa nga siya sa Cannes.

Para kay John Regala, hindi niya malilimutan ang shooting na 'yon ng Kinatay dahil sa matinding physical pressures na nabanggit, na hindi man niya gustuhin o sinadya'y wala siyang magagawa.

"Alam mo, sa isang eksena, may mga dapat mag-sakripisyo, e. May kailangang masaktan. At kung kinakailangan ng eksena, ibigay mo lang," pagwawakas niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN