Marian Rivera tries not to think too much about ratings as Darna flies anew on primetime TV

"Parang napakagandang gift naman ni Lord sa akin na, parang noong ibinigay sa akin dati ang Marimar, birthday ko. Ngayon, Darna, tapos birthday ko na naman. So, ano pa ba ang hihilingin ko, di ba? Lahat na lang ibinigay sa akin," says Marian Rivera on playing Darna.


"Queen of Primetime!"

Ito na ngayon ang bagong bansag sa hottest female star ng Kapuso network na si Marian Rivera sa grand launch ng Darna kagabi, August 3, sa Studio 5 ng GMA Network Center.

Hindi naman kataka-taka na tawaging "Queen of Primetime" si Marian. Napatunayan na niya ang hatak niya sa mga manonood sa tatlong primetime shows na pinagbidahan niya sa GMA-7. Inilunsad siya bilang female lead star sa Pinoy adaptation ng hit Mexicanovela na Marimar. Sinundan ito ng telefantasyang Dyesebel, at ang pinakahuli niyang ginawa ay ang TV adaptation ng komiks novel at pelikula ni Carlo J. Caparas, Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang. Sa tatlong nabanggit na proyekto ay si Dingdong Dantes ang nakapareha ni Marian.

Pagkatapos ng presentation ng story at cast ng Darna ay nagpalit muna si Marian ng kanyang Darna costume sa isang pulang gown bago siya humarap sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press.

Ano ang pakiramdam na tinawag na siyang "Queen of Primetime?"

"Happy ako, happy ako!" sambit ni Marian. "Salamat na sinabi nilang ganun, di ba? Kung ganun ang tingin nila, thank you talaga."

Kung siya ang itinuturing na Queen of Primetime, sino naman sa tingin niya ang King of Primetime?

"Siyempre, may sasabihin pa ba akong iba? Malamang si Dingdong ang gusto kong maging King!" natatawang sabi ni Marian.

LIFTING KAPUSO PRIMETIME SHOWS BACK TO TOP. Hindi man binanggit sa presscon ng Darna kagabi, malaki ang expectation ng marami sa pinagbibidahang telefantasya ni Marian.

Ilang araw na kasing nauungusan sa ratings ang primetime shows ng GMA-7 ng mga katapat nitong programa sa ABS-CBN. Ito ay base na rin sa mga pinakahuling survey ng AGB Nielsen Phils. sa Mega Manila households.

Tuloy, marami ang nagsasabi na si Marian at ang Darna ang magtatayong muli sa Kapuso network bilang number One TV network, lalo na sa primetime.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero ani Marian, "Hindi naman sa ako sa magtatayo. Ayoko na lang isipin kasi ang hirap, pagod ka na, hirap ka, sugat ka na, tapos ipe-pressure mo pa yung sarili mo... Enjoy na lang. Tulad ng sinabi ko, hindi lang sa akin, siguro marami kami sa cast na magtataguyod sa Darna."

Papalitan ng Darna simula August 10 ang timeslot ng action-adventure series ni Richard Gutierrez na Zorro, na magtatapos naman sa August 7. Makakatapat ng Darna ang family drama na May Bukas Pa, na isa sa mga nagungunang shows ng Kapamilya network ngayon. May pressure ba kay Marian ang tapatang ito?

"Hindi ko rin masabi, e," sagot niya. "Basta tulad ng sabi ko, enjoy-in ko na lang. Iba naman siguro yung sa kabila, iba naman itong sa atin na pinagbubutihan, hindi lang ako, kundi lahat ng cast, lahat ng staff. To be honest, hindi na sila magkandaugaga sa ginagawa nila para mas maganda, mahabol talaga yung airing nito, yung editing, para maipakita sa inyo. So, dun pa lang, nakikita na naghahanda talaga."

Tinanong ng PEP si Marian kung sa tingin niya ay kasabay ng paglipad ni Darna ang paglipad ulit ng primetime shows ng GMA-7 sa ratings.

"Sana, sana... Sana makatulong kahit papaano," asam ni Marian.

Nararamdaman ba niya yung responsibility na maiahon ang mga programa ng GMA-7?

"Oo, naniniwala din ako," pagsang-ayon niya. "Kasi sa lahat ng ginagawa mong show, may responsibilidad ka. Ke bida ka o hindi, may responsibilidad ka sa show na 'yon."

THE NEW DARNA. Marami nang aktres ang gumanap bilang Darna. Ang pinakahuli nga ay ang dating Kapuso star na si Angel Locsin sa pamamagitan ng isa ring primetime series na ipinalabas din sa GMA-7 noong 2005.

Dahil dito, hindi siyempre maiwasan na pagkumparahin sina Marian at Angel dahil sa pagganap nila ng popular Pinay superhero. Pero ano sa tingin ni Marian ang pagkakaiba niya sa ibang naging Darna?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ayokong sabihin na, 'Ay, ganito ako...' So, ang hirap ikumpara yung sarili ko sa bawat isa dahil lahat naman, unique, e. May kanya-kanyang qualities na, 'Ay, ito siya, mas cute siya, mas sexy siya... Ay, morena, siya, maputi siya...' So, ang hirap. Pero ang masasabi ko lang, saludo ako sa lahat ng naging Darna. Talagang proud ako na isa sa naging Darna, kasi hindi talaga siya biro," saad ni Marian.

May pressure din kaya kay Marian na malampasan ng Darna niya ang 47.1 percent pilot episode ng Darna ni Angel Locsin?

Ani Marian, "Ayokong sabihin sa sarili ko na, 'Ay, kailangan mas mataas ako, kailangan ganito...' Ang priority namin, lahat ng staff, crew, at ng GMA management, ay mapasaya uli ang mga Kapuso natin at lumipad ulit, at mas pagandahin ang shows, mas lagyan pa ng something na kakaiba, na ibalik din yung dating Darna na nagustuhan din ng mga tao. So, ganun yung priority namin.

"Sa ratings," patuloy niya, "siguro isa lang yun sa mga dahilan. Pero mas maganda, i-enjoy ng bawat bata, matanda, lalaki o babae, lahat ng mapapanood sa Darna....Yun ang importante sa akin."

Sa isang hiwalay na interview, nag-wish si Angel kay Marian ng "good luck" para sa pagganap ng huli bilang Darna. Ano ang reaksiyon dito ni Marian.

"Wow! Thank you, thank you sa kanya," sambit ng bagong Darna. "Sa amin namang dalawa [ni Angel], wala naman talagang alitan, e. Wala naman akong naririnig na sinasabi niya na masama sa akin. So, sa pagsabi niya sa akin ng ganyan, thank you sa 'yo. Sana balang-araw ay magkita tayo at mag-usap tayo."

NEW LEADING MAN. Gaya ng nabanggit kanina, ang Darna ang kauna-unahang primetime series ni Marian, simula nang maging bida siya, na hindi si Dingdong ang kapareha niya. Ang katambal ng aktres dito ay si Mark Anthony Fernandez, na makakatrabaho ni Marian sa unang pagkakataon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tinanong ng PEP si Marian kung kumusta si Mark Anthony bilang leading man.

"Okay naman, okay naman kaming dalawa," sagot ni Marian. "'Tsaka sa set naman, okay naman kami. More on kay Valentina [Iwa Moto] kasi siya naka-ano, e, yung eksena nila, more on Valentina. Kasi bigla na siyang napunta kay Valentina, e. So, ganun kaikli lang yung eksena naming dalawa."

Sa tingin kaya niya ay hindi hahanap-hanapin ng mga tao ang tambalan nila ni Dingdong ngayong iba na ang katambal niya?

"Hindi ko rin masasabi 'yan. Pero siyempre, focus tayo kay Darna," sabi ni Marian.

Kinakabahan ba siya na hindi si Dingdong ang partner niya this time?

"Mas ano ko yung pakiramdam na excited ako at sobrang saya ko," sagot niya. "Parang napakagandang gift naman ni Lord sa akin na, parang noong ibinigay sa akin dati ang Marimar, birthday ko. Ngayon, Darna, tapos birthday ko na naman. So, ano pa ba ang hihilingin ko, di ba? Lahat na lang ibinigay sa akin."

Sa August 10 ang pilot episode ng Darna, at sa August 12 naman ang kaarawan ni Marian.

SHOUTING "DARNA!" Binanggit ni Marian na ang sigaw na "Darna!" na napapakinggan at napapanood sa teasers ng Darna ay boses na niya mismo, taliwas sa inaakala ng marami na kay Regine Velasquez pa rin ito. Si Regine kasi ang nag-dub ng sigaw ni "Darna!" tuwing nagta-transform si Angel sa unang Darna ng GMA-7.

Paliwanag ni Marian: "Sigaw ko na 'yon, pina-ano lang nila... Actually, gusto nila, ganung level [kataas] ang sigaw kaya ginaya ko siya [Regine]."

At nang nag-request ang entertainment press na gawin ni Marian ang sigaw ni "Darna!" ay agad siyang nagpaunlak.

Binanggit din ni Marian na tatlong klase ng sigaw na "Darna!" ang ini-record niya para sa transformation niya from Narda to Darna. "Iba-iba 'yan. Yung nagmamadali, ready to fight, takot..." aniya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DARNA COSTUME. Off-limits ba ang rumored boyfriend niyang si Dingdong sa set ng Darna?

"A, wala, wala. Hindi," tanggi ni Marian.

Dumalaw na ba si Dingdong sa taping nila?

"Hindi, at nahihiya din ako," sagot niya. "Parang maku-conscious ako, parang hindi ko pa kakayanin. Pero minsan gusto niyang dumalaw. Sabi ko, 'Minsan dalaw ka.' E, ngayon busy din siya, kasi may next soap [Stairway To Heaven] din siya."

Hindi pa ba nakikita ni Dingdong na naka-costume siya bilang Darna?

"Sa picture lang!" tawa ni Marian.

Ano ang sabi niya?

"Wala naman po, hindi naman po siya nangingialam kung anong suot... Basta isa lang ang narinig ko sa kanya—proud siya sa akin at masaya siya at ako ang naging [bagong Darna]."

What if makita ka niya in person na naka-Darna siya?

"Ayoko, nahihiya ako!" tawa ni Marian.

Paano kung biglang dumalaw si Dingdong at naka-costume siya ng Darna. Ano ang gagawin niya?

"Ay!" sabay tili niya at takip kunwari ng kanyang katawan.

Bakit naman?

"Hindi ko alam, nahihiya talaga ako," sambit ni Marian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN