Director Joyce Bernal: "Yung gusto ko, hindi masyadong masa."

"Ang bala kasi namin sa movie, maganda ang material. Maganda ang script namin. So, nagugustuhan ng film enthusiast. Magugustuhan siguro ito ng mga estudyante. Pero siyempre, ayaw namin ma-alienate yung mga masa. Kasi, gusto rin namin silang maka-relate," says director Joyce Bernal (main photo) about her latest movie, Kimmy Dora, starring Dingdong Dantes and Eugene Domingo (insets).


Ginanap ang presscon ng Kimmy Dora, launching film ng komedyanteng si Eugene Domingo, kahapon, August 13, sa Docelatte restaurant sa Quezon Avenue. Kapansin-pansin nga lamang na wala sa presscon ang dalawang leading men ni Uge—palayaw ni Eugene—na sina Dingdong Dantes at Zanjoe Marudo.

Sa pakikpag-usap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa direktor ng Kimmy Dora na si Joyce Bernal kinahapunan, ipinaliwanag niya kung bakit hindi nakarating ang dalawa.

"Actually, itong day na ito is really for Stairway [To Heaven] na workshop. So, series ito, e. So, nakikisingit lang talaga kami. Dapat, one hour the most lang din sana si Dong sa presscon kanina. Tapos, si Zanjoe, makakasingit daw, one hour lang din. So, Zanjoe, Dingdong...nandoon sana, parehong one hour lang. Pero noong magkaka-delay-delay na kami, nagkakasabit-sabitan na. Sabit sa taping, sa workshop. At kapag isinalang ko sila, kapag nabitin, mas pangit."

Saad pa ni Direk Joyce, "Actually, ako na rin ang nagdesisyon kanina. Hindi namin alam. Kung hindi kaya, huwag na lang. Kaya ngayong natapos na si Dingdong sa workshop ngayong araw na ito, nagawan naman ng paraan kahit magkaroon ng pocket interview naman sa kanya."

Si Direk Joyce din ang magdidirek ng Stairway To Heaven, ang upcoming drama series ng GMA-7 na pagbibidahan ni Dingdong, kasama sina Rhian Ramos, Glaiza de Castro, at TJ Trinidad.

NO QUESTIONS ABOUT KARYLLE OR MARIAN. Nilinaw rin ni Direk Joyce ang lumabas sa text invites ng Kimmy Dora, na nagsabing kung puwede ay wala na lang questions kay Dingdong about Karylle and Marian Rivera—ex-girlfriend at rumored current girlfriend, respectively, ng aktor.

Nagkaroon ng ibang impression ang mga nakatanggap ng naturang text message. Ayon kay Direk Joyce, nagkaroon lang ng ibang interpretation sa pakiusap nila.

"Ang unang gusto namin, si Dingdong kasi, kilala na siya," sabi ng direktor. "So, may sarili siyang issues, di ba? Ngayon, yung promo namin, yung marketing namin, si Uge, hindi kilala. Parang ayaw lang naming mag-beat around the bush lang. Parang sana ma-focus na lang muna kay Uge, sa Kimmy Dora. Kasi, hayan na naman... Kilala na naman siya as Uge, as Kimmy Dora, at hindi na lang siya kilala as Eugene Domingo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, kung puwede sana na yung sasabihin lang ni Dingdong, papunta lang kay Uge. Pero walang negative anything. Like with Marian, kung mapag-uusapan, baka nga makiki-ride pa ang movie sa success ni Marian, baka nga gumano'n pa. Wala naman..."

EUGENE & DINGDONG. Kumusta naman sina Eugene at Dingdong sa Kimmy Dora? Si Uge bilang beterana na sa pagpapatawa at si Dingdong na bago-bago pa lang sumusubok sa pagko-comedy?

"Silang dalawa, magaan na magaan," sagot ni Direk Joyce. "Si Dingdong, natatawa sa rehearsal. Si Uge naman, sa take natatawa! Ang pagdirek ng comedy, sa totoo lang, sine-set-up mo yun na kararating mo pa lang. Yung sine-set mo na ang mood. Ipi-fix mo na meron kang punchline. Timing, e. So, kung maaga, dapat yung mood mo, hanggang sa matapos."

On Dingdong's part, aminado si Direk na medyo nangapa ang aktor noong una dahil bago ang pagpapatawa rito.

"Ang goal namin kay Dong, bilang para lang pumantay kay Uge, siyempre kailangan namin siyang ibaba, papangitin nang konti. Sino maniniwala na magkakagusto... wala! Kahit si Uge siguro, huwag siyang maniwala for a moment. So, medyo pina-sloppy namin nang konti ang pananamit niya.

"Pero madaling naka-adjust si Dingdong. Si Uge kasi, kahit noong sa [Ang Babaeng Hinugot Sa Aking] Tadyang namin, hindi kasi ipinakita yung mga bloopers dun kung paano sayawan ni Uge si Dingdong para akitin. Saka si Uge, siya yung, 'Siya na, Direk, siya na!'"

Kung may maiga-guarantee man daw si Direk Joyce, ito ay, definitely, mas marami pa raw mapapanood ang mga tao sa kabuuan ng pelikula kumpara sa trailer.

"Marami kaming bala! Handa kami sa giyerang ito," confident niyang sabi.

STAR CINEMA-SM CINEMAS ISSUE. Ngayon ay palabas sa mga sinehan ang bagong pelikula ng Star Cinema na And I Love You So, maliban lang sa SM Cinemas. May isyu kasi sa pagitan ng film arm ng ABS-CBN at ng higanteng theater circuit. Ang Kimmy Dora ay idi-distribute ng Star Cinema at may playdate na September 2.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngayong may problema ang Star Cinema at ang SM Cinemas, matutuloy pa rin ba ang regular showing ng Kimmy Dora sa September 2?

"Well, siyempre, ngayon pa lang sa amin yun [opening date], so medyo inaayos pa namin," sabi ni Direk Joyce. "Sa umpisa ay medyo Facebook muna tayo kung saan ipapalabas. Pero, inaayos pa namin. Pero sana, kung anumang issues meron sa Star Cinema at sa SM Theaters, sana hindi kami masama. Kasi, nagsisimula pa lang kami at wala pa naman kaming isyu kahit na kanino. Independent production naman kami, it's just that ang distributor talaga namin ay ang Star Cinema."

(Kamakailan lang, may impormasyong nakalap ang PEP na hindi na Star Cinema ang magdi-distribute ng Kimmy Dora kundi Solar Films.)

KONTRA MASA. Nang huling makausap ng PEP si Direk Joyce sa shooting ng Kimmy Dora, aminado siyang nakakaramdam siya ng kaba bilang producer at direktor ng launching movie ni Uge. Ngayon ba ay nadagdagan o nabawasan ang kaba niya habang papalapit na ang showing ng pelikula nila?

"Nalulunod na 'ko! Dito na, o!" sabay senyas sa kamay niyang lampas ulo. "Marami palang problema. Hindi pala ganun kadali. Buwis future pala ito. Ikakaubos ito ng lahat-lahat—resources, youthfulness, kaluluwa!"

Saan nanggagaling yung kaba niya?

"Gusto ko siya! E, yung gusto ko, hindi masyadong masa. E, iba siya. Ako ha, tested ko na 'to ha, sa mga ginawa namin na soaps, yung mga eksenang gusto ko, hindi talaga nagre-rate. So, yun ang fear ko, kasi gusto ko 'to. Parang kung meron na hindi masyadong ma-tens'yon sa akin, yung hindi ko nagustuhan."

Alam ba ng co-producer niya na si Piolo Pascual itong feeling niya?

"Hindi," sagot ni Direk Joyce. "Kasi, noong na-realize ko na lang, nang makita ko yung movie around two days ago. Nagustuhan ko talaga yung movie. Maganda siya."

Dugtong niya, "Ang bala kasi namin sa movie, maganda ang material. Maganda ang script namin. So, nagugustuhan ng film enthusiast. Magugustuhan siguro ito ng mga estudyante. Pero siyempre, ayaw namin ma-alienate yung mga masa. Kasi, gusto rin namin silang maka-relate."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natsa-challenge ba siya na ang Kimmy Dora ang launching movie ni Uge?

"Alam mo yung naniwala ka. Ito yung material...tama, ang galing! Pero now that I'm starting to mingle outside ng pelikula namin, nakikita mo na kailangan pa palang suportahan, promo talaga. May mga tanong, bakit pumayag si Dingdong? Bakit hindi? Pero yun pala, very personal lang ang mga reasons namin. So, may mga questions. Pero yun nga, sabi ko, we have a very good movie, very good story. Funny siya, especially sa humor ko," saad ng lady director.

Kuwento pa ni Direk Joyce, first draft pa lang daw na ibinigay ni scriptwriter na si Chris Martinez , no revision na agad ang script.

Kumusta naman si Piolo as co-producer?

"Critical!" bulalas ni Direk Joyce. "Hindi niya kailangan malaman kung ano ang nangyayari sa set, although he goes there. Pero, hindi niya kailangang malaman. Pero kapag may napansin siya kaagad, papansinin niya kaagad. Siya yung pinakamarami nang napanood sa pelikula namin. Siya yung ilang beses nang nasa Road Runner at mag-rushes nang mag-rushes."

Ano ang expectation niya sa unang attempt niyang mag-produce ng isang pelikula? Isang pelikula na, ayon sa kanya, ang nagastos ay walang kaibahan sa isang mainstream movie, lalo pa nga't 35mm din ang ginamit nila at hindi digital na karaniwan sa independently produced films.

"Sana kumita siya nang bonggang-bongga to make Eugene a bankable star," sabi ni Direk Joyce. "Yun naman ang aim namin, at pagkatapos, sabay-sabay kaming go tayong lahat. Pero sabi nga, 'You can never can tell.'"

Pero ayon kay Direk Joyce, ngayon pa lang ay may pinaplano na raw ang Spring Films na follow-up movie sa Kimmy Dora.

"So far, wala pa kaming exact details kung ano ang next film. But one thing is for sure, I'm not gonna direct it, bale producer lang talaga ako!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN