AJ Perez chooses studies over role in Dahil May Isang Ikaw

"Maraming beses kasi akong mapapa-absent sa school kapag tinanggap ko yung serye, dahil sa mga tapings, kaya tinanggihan ko na lang yun," says AJ Perez.


Dapat pala ay kasama ang young actor na si AJ Perez sa bagong serye ng ABS-CBN na Dahil May Isang Ikaw, na pinagbibidahan nina Lorna Tolentino at Gabby Concepcion. Kaya lang, dahil mas priority niya ang kanyang pag-aaral, tinanggihan niya ito. Sa ngayon ay 4th year high school na siya sa La Salle Greenhills.

"Maraming beses kasi akong mapapa-absent sa school kapag tinanggap ko yung serye, dahil sa mga tapings, kaya tinanggihan ko na lang yun," sinabi ni AJ sa PEP (Philippine Entertainment Portal), kahapon, August 15, sa Red Box, sa Trinoma, Quezon City. Ang okasyon ay ang induction ng UAC—ang Ultimate AJSter Clan, ang grupo ng kanyang mga tagahanga.

Pero aminado naman si AJ na nanghihinayang din siya na hindi siya nakasama sa nasabing serye.

"Maganda kasi yung role ko, e. 'Tapos siyempre gusto ko ulit makatrabaho si Tita Lorna," sambit niya.

Nawalan man ng isang proyekto si AJ sa TV ay may dumating namang offer na pelikula mula sa Star Cinema, ang Ang Tanging Kapamilya. Gumaganap siya rito bilang anak ni Ai-Ai delas Alas at ng dating pangulo ng Pilipinas na si Joseph Estrada. Ate niya sa pelikula si Toni Gonzaga.

"At least, mayroon namang isang project na dumating. At nagkaroon pa ako ng chance na makatrabaho ang dati nating pangulo, si Sir Erap. So, ang suwerte ko."

Nakakausap ba niya si Erap sa set kapag wala pa silang eksena na kinukunan?

"Hindi, e. Kasi madalas, pag dumarating siya sa shooting namin, kinukunan na siya agad. 'Tapos dire-diretso na siya ng shooting kasi gusto niya makauwi na agad.

"Pag halimbawa namang nagsi-set up pa lang for the next scenes, pumupunta na muna siya sa area niya. Kaya ayun, hindi kami nagkakausap. Sa mga eksena lang namin sa pelikula nagkakaroon ng chance na makausap ko siya," kuwento ni AJ.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aminado si AJ na na-star-struck siya noong una niyang makita si Erap.

"Sa story conference kami unang nagkita. Sino ba naman ang hindi mai-star-struck sa kanya, di ba? Nag-'hi' naman siya sa akin. 'Tapos binigyan niya pa ako ng cap na may pangalan niya na Erap. Mabait naman siya."

May mga nasulat na medyo naninibago raw si Erap sa harap ng kamera dahil matagal na raw itong hindi umaarte. Nakakailang takes diumano ito ngayon bago nito makuha nang tama ang mga eksena niya. Gaano ito katotoo?

"Nung first day ng shooting namin, hindi ako kasama, e. Sina Ms. Ai lang at Sir Erap ang kinunan. Wala ako dun kaya hindi ko alam. Pero nung time na nakaeksena ko na siya, naka-one take lang naman kami."

Sa September ay pupunta ng General Santos City ang buong cast ng Ang Tanging Kapamilya para doon mag-shooting. Kasama kasi sa pelikula si Aling Dionisia, ang mommy ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.

"Nakapag-shoot na rin naman sa Manila si Aling Dionisia. Kaya lang ngayon ay nasa Gensan [General Santos City] kasi siya, e. Hindi naman siya makakapunta ng Manila para mag-shoot, kaya kami na lang ang pupunta doon.

"Ang sabi kasi sa akin ng taga-production, may pamahiin daw si Aling Dionisia na pag medyo nakakailang buwan na siya sa Manila kelangan niya nang bumalik ng Gensan, parang ganoon. So kami na nga lang ang magpupunta sa kanya," ani AJ.

Excited na si Aj na magpunta sa Gensan dahil gusto raw niyang ma-meet si Manny.

"Siguradong pagpunta namin sa Gensan ay nandun si Manny. Idol ko kasi siya, kaya gusto ko siyang makita at makilala, e. Sino ba naman ang hindi idol si Manny, di ba?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN