Dennis Trillo denies ex-girlfriend Cristine Reyes uses his mother to get back with him

"Mabuti na po itong tahimik na lang kami. Baka kung mag-usap kami uli, baka may di pa magandang mangyari. Gusto ko na pong ipahinga kung anuman ang nangyari sa amin. Sa akin, past is past na," says Dennis Trillo about ex-girlfriend Cristine Reyes.


Isa sa mga napag-usapan sa solo presscon na ibinigay ng Regal Entertainment para kay Dennis Trillo, kaugnay ng horror film nila ni Marian Rivera na Tarot, ay ang tungkol sa pagiging single niyang muli.

Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Dennis kung kumusta ang pagiging single niya.

"Masaya, sarili ko po ang oras ko," nakangiting sabi ni Dennis.

Dagdag niya, "Mag-isa lang po ako sa condominium unit ko. Wala akong maid, ako ang naglilinis ng bahay ko. Hindi ako marunong magluto. Kung nasa bahay ako, nag-o-order lang ako for delivery. Kung medyo late na ako aalis, gumagawa lang ako ng sandwich for breakfast. Hindi ko rin naman problema ang laundry. May laundry shop kasi sa ibaba ng condominium. Pini-pickup na lang nila ang ipapa-laundry ko at inaakyat nila kapag tapos na."

Paano kapag natutulog sa kanya ang anak niyang si Calix Andreas?

"Umuuwi kami sa bahay namin sa Marikina para may katulong akong mag-alaga kay Calix. Ang likot na kasi niya ngayon," tugon ni Dennis.

AFRAID OF... Saan ba mas takot si Dennis, sa babae o sa multo?

"Masarap pong tingnan ang mga babae, nakakatakot po ang multo!" natatawang sagot niya. "Pero siguro dahil takot ako sa multo, wala namang nagpapakita sa akin."

Wala rin daw siyang problema sa mga ex-girlfriends niya kaya wala siyang ikinakatakot sa kanila. 'Tsaka ayaw raw niyang mag-isip pa ng negative things dahil mas maganda na ang nangyayari sa buhay niya ngayon.

CRISTINE REYES. Alam ba niyang may dini-date na ngayon ang ex-girlfriend niyang si Cristine Reyes? May nagsabi pang ang basketball player daw na si Wesley Gonzales iyon.

"Wala na po kaming communication," sabi ni Dennis. "Kung totoong may dini-date siya, okay naman 'yon. Mabuti na po itong tahimik na lang kami. Baka kung mag-usap kami uli, baka may di pa magandang mangyari. Gusto ko na pong ipahinga kung anuman ang nangyari sa amin. Sa akin, past is past na."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gaano katotoo na dahil very close ni Cristine sa mommy ni Dennis, siya raw ang ginamit ng sexy actress para magkabalikan sila?

"Totoong close sila ni Mommy, pero hindi po umabot sa point na gamitin niya 'yon para magkabalikan kami ulit. Kilala naman po ako ng mommy ko," sagot ng aktor.

PAULEEN LUNA. How about Pauleen Luna, na balitang bago niyang girlfriend?

"We are close, nagdi-date kami, pero hindi ko pa siya girlfriend," paglilinaw ni Dennis. "Pero kahit matagal na kaming magkakilala ni Pauleen, ngayon ko pa lang siya talaga nakikilala. Marami pa akong nalalaman sa kanya dahil magkasama nga kami sa Adik Sa 'Yo."

Hindi ba sila nagkakailangan ni Marvin Agustin sa taping ng Adik Sa 'Yo dahil naging sina Marvin at Pauleen noon?

"Wala naman pong ganoon," aniya. "Mabait si Marvin at magkasama rin kami sa SOP every Sunday at wala kaming problema kahit sa taping ng Adik Sa 'Yo."

CARLENE AGUILAR. What about Carlene Aguilar na ina ng kanyang anak na si Calix? Napag-uusapan ba nila ang kani-kanilang lovelife? Nag-a-advise o nagku-comment ba siya kapag nagkukuwento si Carlene?

"Hindi po namin pinag-uusapan talaga. Tungkol lang kay Calix ang pinag-uusapan namin. Minsan, nagkukuwento siya at nakikita ko namang masaya siya. Ako rin, kung minsan, naikukuwento ko sa kanya kung sino ang kasama ko. Hindi ako nagku-comment. Siguro advice lang kung humihingi siya dahil siya pa rin naman ang masusunod kung ano ang gusto niya."

MARIAN RIVERA. Napansin na bagamat magkasing laki ang pangalan nila ni Marian Rivera sa poster ng Tarot ay may "and" naman bago ang pangalan ng aktres. Hindi ba nagreklamo si Dennis dahil noong una silang magtambal sa Pamahiin ay mas malaki ang billing niya?

"Wala pong problema sa akin ang billing," sabi ni Dennis. "Kahit wala ang pangalan ko, okey lang sa akin. Ang mahalaga, ang story at kung paano ko ito ginampanan. 'Saka tama lang po dahil ang story naman ng Tarot ay nakasentro talaga kay Marian."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung magkakasama sila ng kapwa rin niyang Kapuso na si Dingdong Dantes sa isang project, sino ang dapat mauna sa billing?

"No problem po ang magiging billing namin kasi nauna namang mag-artista sa akin si Dong," sagot ni Dennis.

Hindi ba magseselos si Dingdong sa kanila ni Marian sa Tarot? Hindi ba niya niligawan si Marian since sila ang unang nagkasama noon sa ilang soaps na ginawa nila?

"Wala din siyang dapat pagselosan sa akin, kasi nirerespeto ko po ang pagiging parang magkapatid na namin ni Marian dahil iisa ang manager namin [Popoy Caritativo]. Hindi ko po kakataluhin ang itinuturing ko nang kapatid.

"Ang masasabi ko lang po, I'm blessed na nakasama ko si Marian sa trabaho dahil napakabait niya at hanggang ngayon, hindi siya nagbabago, kaya very successful siya. Anuman po ang success niya, success ko na rin," pagtatapos ni Dennis.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN