John Lloyd Cruz renews friendship with ex-girlfriend Liz Uy

"Ngayon, ang nangyayari po, kaming dalawa ay buhay na buhay ang communication. At kung puwede siya at puwede ako, we get together. Ang dami niyang kuwento, ako, ang dami ko ring kuwento. So, ganoon lang—yung ginagawa ng mga dating magkasintahan na sinusubukang maging magkaibigan ngayon," says John Lloyd Cruz about his current relationship with ex-girlfriend Liz Uy.


Isang bonggang launching cum fashion show ang ginanap sa Skydome sa SM North EDSA kagabi, August 18, para sa pinakabagong celebrity endorser ng Joel Cruz Signatures. Ito ay walang iba kundi ang Box-Office King na si John Lloyd Cruz.

First perfume endorsement ni John Lloyd ito, kaya naman natutuwa siya't natupad, sa wakas, ang matagal na nilang pinag-uusapan ng mismong may-ari nito na si Joel Cruz.

"I'm very happy na finally nai-launch na 'ko at member na naman ako ng isang pamilya ng isang produktong talagang excited ako na gumawa ng collaboration, with Mr. Joel Cruz at yung buong team niya. Kasi, kakaiba rin naman 'to dahil scent naman, di ba?" pahayag ni John Lloyd sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press.

GOING OUT WITH LIZ AGAIN. Pagkatapos ng fashion show ay nagkaroon ng pagkakataon ang entertainment press na kausapin si John Lloyd. Siyempre, ang kalagayan ng kanyang buhay pag-ibig ang naging paboritong paksa.

Ang unang inusisa sa aktor ay ang napabalitang lumabas daw sila recently ng kanyang ex-girlfriend na si Liz Uy.

"Alam n'yo, kami naman ni Liz, matagal na kaming hindi nagkita magmula noong mag-Europe siya kasama sila Anne [Curtis]. Siguro thrice na kaming nagkita, tatlong beses na kaming nagkita, and hindi naman nawawala ang communication namin," pahayag ni John Lloyd.

Tinanong ng PEP si John Lloyd kung sa mga pagkikita ba nila ni Liz ay nandoon ang attempt na ibalik muli ang kanilang relasyon?

"Nagkikita kami as friends," sagot niya. "Hindi naman nawala yun, e. Until now, kung meron kaming... well, in every relationship naman, natatapos lahat, napuputol lahat, pero umaasa ka na sana, huwag mawala yung friendship."

May intensiyon pa ba siyang magkabalikan sila o baka naman nagkabalikan na nga sila?

"Kung meron man kaming wino-workout at this point, yun lang yung gusto naming ma-preserve—yung friendship," paglilinaw ng aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Itinanggi rin ni John Lloyd na nililigawan niya ulit si Liz. Pero hindi naman daw niya kayang panghawakan kung ano ang puwedeng mangyari sa future.

"Puwede kong sabihin ngayon na wala na, wala nang chance. Pero sino ako para magsalita at sino ako para malaman kung ano ang mangyayari bukas? Ang masasagot ko lang at maise-share ko lang, yung nangyayari ngayon.

"Ngayon, ang nangyayari po, kaming dalawa ay buhay na buhay ang communication. At kung puwede siya at puwede ako, we get together. Ang dami niyang kuwento, ako, ang dami ko ring kuwento. So, ganoon lang—yung ginagawa ng mga dating magkasintahan na sinusubukang maging magkaibigan ngayon," sabi ni John Lloyd.

HIS EX-GIRLFRIEND'S NEW SUITOR? Nali-link ngayon si Liz sa kapatid ni LJ Moreno na si Francis Ricafort, isang model-actor. Naikukuwento ba ito ni Liz kay John Lloyd at nanliligaw nga ba si Francis sa kanyang ex-girlfriend?

"Huwag n'yo akong tanungin," iwas niya. "Kasi siyempre, ang sinasabi niya lang... well, ang hirap kasi hindi naman ako siya. I cannot speak for them. Pero ang alam ko lang, they are good friends. They became good friends."

May selos factor ba?

"E, kasi, pinapangunahan natin ng ano... Hindi kasi, hindi naman natin alam kung nagliligawan. Ako, alam ko na magkaibigan sila. Mabuting magkaibigan. So, di ba, yun lang ang alam ko at magre-react lang ako sa mga bagay na alam ko."

SINGLE JOHN LLOYD. Natawa naman si John Lloyd nang hingan ng reaction sa isang survey na ang lumabas raw ay mas gusto ng mga tao na single siya kaysa may karelasyon.

"Ang taong-bayan ay nagsalita na! John Lloyd Cruz, maging single ka!" natatawang biro ng aktor.

"Pero alam n'yo," patuloy niya, "I'd like it better kung ang mangyayari, e, kung saan ako magiging masaya, doon ako mapunta. Kung magiging masaya ako bilang single, then doon ako mapupunta, hopefully.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masaya ba siya ngayong single siya?

"Nae-enjoy ko naman ang more time ko with my friends, with my family, and more time for myself. So, wala akong dapat ikalungkot now that I'm single," sagot niya.

WOWOWEE HOST? Sa gitna ng kontrobersiya kaugnay ng pag-leave ni Willie Revillame sa noontime show niya sa ABS-CBN na Wowowee, may usap-usapan na ang napipisil na pumalit sa kanya ay si John Lloyd. Ano ang masasabi ng aktor dito?

"Wala pong puwedeng pumalit sa posisyon ni Kuya Willie sa Wowowee," diin ni John Lloyd. "Nakakahiya nga na nababanggit ang pangalan ko kapag may mga nagtatanong na, 'Sino ba ang dapat pumalit?' Alam n'yo, walang makakapalit kay Kuya Willie sa Wowowee. Show niya yun. Lugar niya yun. Para sa kanya yun."

Pero okey lang sa kanyang maging host ng Wowowee kahit pansamantala lang?

"Honestly, this time, medyo yung circumstances, medyo sensitibo. So, hayaan muna nating maayos kung anuman yung inaayos ng programa and then, hintayin na lang natin," saad ng aktor.

(Matatandaang naging malaking isyu ang pagpapatanggal ni Willie ng live feed ng funeral cortege ni dating Pangulong Corazon Aquino habang ipinapalabas ang Wowowee noong August 3. Binatikos ng marami ang naging pahayag ni Willie—kabilang na ang Movie and Television Review & Classification Board (MTRCB) at ng ilang grupo ng mga mamamahayag—hanggang sa umabot na nga sa pag-alis niya pansamantala.)

If given the chance, gusto ba ni John Lloyd na kagaya ng Wowowee ang ihu-host niyang programa?

"At this point in my career, I have to consult my manager," sagot niya. "Siyempre, part ng career move 'yan, e. Hindi ba, lahat ng ginagawa mo, especially kapag nasa ganito ka, lahat ng gawin mo, crucial? Lahat ng step, crucial. So, masyadong nagma-matter yung opinion ng management ko."

ANGEL & LUIS RUMORED BREAKUP. Tinanong din si John Lloyd tungkol sa napapabalitang breakup nina Angel Locsin at Luis Manzano. Si Luis ay co-star ni John Lloyd sa pelikulang In My Life with Ms. Vilma Santos, samantalang si Angel naman ay makakasama ng award-winning actor sa isang teleserye.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tila nagulat si John Lloyd sa balita. Aniya, "Nakakalungkot naman yun. Wala naman siyang [Luis] nasabi. Kasi ano yun, that's a very personal matter. Kahit comment, ayoko munang magbigay ng comments. Hindi ko alam. Nakakalungkot lang kung totoo man."

AND I LOVE YOU SO. Sobrang saya naman daw ni John Lloyd para sa ka-loveteam niya na si Bea Alonzo dahil sa outcome ng movie nito na And I Love You So.

"Sobrang saya ko para kay Bea, para kay Derek [Ramsay], para kay Sam [Milby], at para kay Direk Lauren [Dyogi]. Ultimately, para kay Direk Lauren at para kay Bea. Although, siyempre, nakakalungkot yung fact na nagkaroon ng problema. Nagkataon pa na doon pa sa pelikula ni Bea [natapat].

"Kasi, ang pinanggagalingan ko lang, kung hindi sana nagkaproblema... I don't know, marami rin namang theaters ang nag-open, pero sana, mas malawak yung naabot nung pelikula. As Bea would always put it, ang lagi lang naman niyang hiling in every project na ginagawa niya is to touch lives. Para sa akin, mas maganda sana kung walang naging problema," saad ni John Lloyd.

Ang tinutukoy ni John Lloyd na "problema" ay ang hindi pagpapalabas ng And I Love You sa alinmang SM Cinema. Ito ay dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng SM Cinemas at ng Star Cinema, na siyang producer ng pelikula ni Bea.

Alam daw ni John Lloyd na hindi sa kanya dapat manggaling ang patotoo. Pero simula pa lang daw ginagawa ang And I Love You So ay nandoon na ang suporta niya by endorsing it, lalo't higit nang mapanood na niya ang pelikula.

"Noong napanood ko siya, talaga namang nadoble ang suportang ibinigay ko," sambit niya.

Napangiti naman si John Lloyd nang sabihin niyang posible silang mapanood muli ni Bea sa isang pelikula.

"Meron na po kaming niluluto," banggit niya. "Ang Star Cinema, may bagong niluluto na talagang ikakasorpresa ninyo. Hindi pa yata siya this year ipapalabas, pero hopefully, magkatotoo. At hopefully, mabuo ni Tita Malou Santos at ng Star Cinema."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Excited ba siyang muli to work with Bea in a movie?

"Matagal na akong excited to work with her again. Siyempre, naghihintay lang ako ng timing. Pero siyempre, lahat ng 'yan, may timing. Lahat 'yan, may kanya-kanyang panahon. Natapos na ang panahon ko sa paggawa ng projects na hindi siya kasama. And now, I'm looking forward to something na muli, magkakasama kami ni Bea," nakangiting sabi ni John Lloyd.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN