Rio Locsin remembers classic films with acclaimed directors

"Yung edge ko kasi [sa iba pang aktres ngayon, award-winning man o hindi], nauna ako sa kanila. Nakatrabaho ko si Lino Brocka, si Ishmael Bernal," says Rio Locsin.


Malaganap ang naging pagsubaybay ng publiko sa teleseryeng Kambal Sa Uma ng ABS-CBN. Tampok din sa programa ang orihinal na bidang aktres na gumanap sa pelikulang pinagbasehan ng afternoon series na ito, si Rio Locsin. Gumanap siyang ina ng kambal na ipinaglihi sa daga na ginampanan naman nina Shaina Magdayao at Melissa Ricks.

Dahil nga sa tagumpay ng show, mae-extend ito hanggang sa katapusan ng Agosto. Nakatakda tuloy na magkaroon ng problema sa schedule si Rio dahil may dumating na offer sa kanya para sa isang pelikulang indie.

This month, ratsada si Rio sa pagtapos ng mga eksena niya sa digital-indie film na Si Baning, Si Maymay, at ang Asong si Bobo (para sa Cinema One Originals Filmfest sa November 2009) dahil nagtuluy-tuloy pa rin ang scheduled tapings niya for the drama series.

Sa malayong location shooting ng pelikula sa Lobo, Batangas dumayo ang PEP (Philippine Entertainment Portal), upon the invitation of supervising producer Rica Arevalo.

In between takes, na-interview ng PEP si Rio, na isa sa maituturing na "reyna" ng pelikulang adult drama noong late 1970s hanggang '80s (with her launching picture Disgrasyada in 1979, directed by Elwood Perez).

Sa pelikula at telebisyon, may likas na "quiet charm" ang personalidad o karakter ni Rio. Nagpapa-sexy man noon sa pelikula, ang pribadong pagkatao'y hindi pa rin nasalaula. Kaya mataas ang pagtingin sa kanya ng mga kasamahan at dating nakatrabaho.

Sa interview ng PEP, lumutang ang ganitong katangian ng maganda at mahusay na aktres.

May kasimplehan ang pananaw ni Rio, sa pagiging artista niya hanggang sa kasalukuyang panahon. 'Ika nga, walang masyadong pananangan sa ego, walang hang-ups. Basta, trabaho lang nang trabaho.

"Ang katotohanan talaga," simula niya, "'pag may trabaho ka sa panahon na ito, mapalad ka na, o talagang blessed ka na. Kailangan talaga magpasalamat na hindi ka nawawalan ng trabaho..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At lalong thankful si Rio dahil sa gitna ng kaabalahan niya sa telebisyon ay may dumating pang offer sa pelikula.

"Nakakatuwa naman na na-consider nila ako sa pelikulang ito na pambata," sabi niya, na nangingiti. "Kasi nga, schedule ko ang nagiging problema, e, nag-adjust sila, nag-adjust din naman ako."

Sa panulat at direksiyon ni Milo Tolentino (in his feature film debut), ang Si Baning... ay isang mistulang "paanyaya" sa mga manonood na pasukin ang mundo ng mga musmos, sa likas nitong kagandahan at kabutihan.

Sa pamamagitan naman ni Rio—her producers and others on the set call her Ms. Rio—ay nabatid ng PEP ang iba pang detalye tungkol sa ginagawang pelikula.

Napaka-enthusiastic ni Ms. Rio sa ginawang pagtatrabaho. In fact, tinapos niya ang lahat ng kanyang eksena sa pelikula within four straight shooting days. She plays the mother of Baning, na ginagampanan ng 8-year-old na si Gene Karley Largueza.

"Ipinapakita dito yung buhay ng mag-iina, na yung character ko, malilimutin," pagtukoy ni Rio. "Yung mga bida namin, mga bata, 'tsaka yung asong si Bobo [an askal, o asong kalye], na aso ng kapitbahay, si Domeng [played by Simon Ibarra].

"Simpleng-simple ang aming set. Wala kaming makeup. Dadalawa ang costumes ko, papalit-palit lang, pero makulay. Sabi nila, ang ganda raw ng texture ng aming ginagawa. Nakakatuwa, happy naman ako."

Ms. Rio appreciates working, especially with the project's young blood tulad ng kanilang direktor at ng cinematographer na si Hermann Claravall, not to mention kids like Gene Karley at ang gumanap na kaklase nitong si John Harley Rebanal Hicana, 8.

INDIE ACTRESS SINCE '05. Hindi ito ang unang pagkakataon na gumawa ng indie movie si Rio.

Sa unang Cinemalaya Filmfest, noong 2005, tampok siya sa Pepot Artista (idinirek ni Clodualdo del Mundo Jr.) na nagwaging Best Picture. Noong 2006, nagbida naman siya sa Mudraks na idinirek ni Arah Jell Badayos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi pa rin naman "suki" ng indie movies si Rio. Aniya, "Maraming mas madalas, pero basta puwede yung schedule ko, at gusto ko yung script.

"Ngayon lang ako gagawa [para] sa Cinema One. Maganda naman, nag-e-enjoy ako. Tsaka ang sarap ng pagkain namin. Kasi, di ba, pag medyo tight ang budget mo, ang pagkain ang pinakahinihigpitan?"

Pero sabi rin ni Rio, hindi sa produksiyon ng Si Baning... "May meryenda pa kami dito, na nananaba na nga kami!" dagdag pa niya na natatawa.

Tungkol sa bago niyang direktor na si Milo Tolentino, sabi ni Ms. Rio: "Alam mo 'yon? Amazing! Siya ang direktor at writer, siya rin ang production designer. So, lahat talaga!

"First full-length niya, di ba? Maganda naman ang material... Ano nga ako, ang daming dialogue, e. Ganun daw talaga 'pag writer ka, naeengganyo kang sumulat nang sumulat. Puwede raw namang i-shorten. Magaganda naman ang mga linya niya, e."

Bilang short filmmaker, premyado si Milo, para sa kanyang Cinemalaya entries na Andong (2008) at Blogog (2009).

"Pambata raw talaga ang ginagawa niya," saad pa ni Rio.

JOEY GOSIENGFIAO. Sa kainitan ng pagiging artista ni Rio noong '70s at '80s ay naging gabay niya ang mga direktor na tulad ng yumaong si Joey Gosiengfiao at ang premyadong si Elwood Perez, her "launching director."

Nabanggit ni Rio si Direk Joey G. dahil ito ang nagdirek ng ngayo'y klasiko na ring Kambal Sa Uma. Malaking bagay ngayon kay Rio, na nire-recognize ang importansiya ng papel na ginampanan niya noon.

"Orig," she proudly states, "although, yun nga, wala na si Joey Gosiengfiao. Wala ako dito nung namatay siya [March 2007], nasa States ako. Nabalitaan ko lang. Nag-start din ako [noon] sa Regal. Yung mga ginawa ko, like Bedspacers, Kambal Sa Uma... siya [Gosiengfiao] ang direktor."

ELWOOD PEREZ, THE "LAUNCHING DIREK..." Sa magagandang pananalita ni Elwood Perez, lalo naman nating makikilala si Rio Locsin, noon at ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya: "Rio is as lovely as ever, gracious and well-informed. Her beautiful daughters are well-bred. Her husband is the brainy jock Padim Israel, PBA star turned preacher, Padim Israel..."

Rio Locsin's two elder daughters, Paula Bianca and Costa Palma, are by estranged actor-husband, Al Tantay. Ang youngest, si Joses, in her early 20s, ay anak ni Rio sa asawang si Padim Israel.

"Hindi lang 'luster' ang mayroon si Rio," pagtukoy rin ni Direk Elwood. "Matalino at mabait kaya masuwerte [rin] si Rio. She exudes confidence because she is a fulfilled artist, wife, and parent.

"The last time Rio and I worked together was in Waikiki, in 1980... Although just a week ago, she and I bumped into each other at Greenbelt 5 and she looked great. She was ever so warm and so were her two gorgeous daughters to whom she introduced me as 'the Launching Director.'

"Ako nga naman ang nag-launch sa kanya in 1979 in the phenomenal hit Disgrasyada, which started her reign as a movie queen with several lead and title roles, directed by the best directors of the '70s and '80s.

"She and I worked again [in the early '80s], in Stepsisters, with her then screen 'rival,' Lorna Tolentino. Her longevity as a working actor does me proud..."

BROCKA AND BERNAL. Sa talaan ni Rio Locsin ng mga ipinagmamalaki niyang pelikula ay kabilang nga ang mga pinagbidahang idinirehe nina Joey Gosiengfiao at Elwood Perez. Pero hindi rin niya kinakalimutan ang iba pang naging paboritong pelikulang ginawa ng ibang nakatrabahong direktor, tulad ng:

Unang Yakap, idinirek ni Eddie Rodriguez; romance-drama, na katambal niya si Lloyd Samartino, at ka-love triangle si Alma Moreno.

Gising sa Magdamag, dinirek ni Leroy Salvador. "Gustung-gusto ko yung pelikulang yun ni Tito Leroy. Underrated siya. Hindi masyadong napansin, pero matindi yung mensahe, tungkol sa prostitution at yung mga babaeng nasadlak dito, na gustong magbagong-buhay..." pagbabalik-tanaw ni Rio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Haplos. Nabanggit ito ni Elwood Perez; sa direksiyon ni Butch Perez, gumanap si Rio bilang isang nagbabalik na multo ng nakaraan ni Christopher de Leon, katambal si Vilma Santos.

Burlesk Queen at Aliw-Iw, by Direk Celso Ad Castillo. Says Rio, "Sa Burlesk... dinaanan lang naman ako ng camera. Yung Aliw-Iw, maganda talaga, ang ganda ng lightings no'n. Iba talagang gumawa si Celso Ad Castillo."

Nakatrabaho rin ni Rio sina Mario O'Hara (a scene in Condemned with lead actress Nora Aunor) at Maryo J. de los Reyes (Disco Madhouse, with Lorna T.).

Of course, memorable ang mga classic films na ginawa ni Rio, at idinirek ng dalawang National Artists for Film—Lino Brocka at Ishmael Bernal.

"With Ishma [Bernal], ginawa ko yung Menor de Edad, Salawahan, Working Girls 1, at Manila By Night (City After Dark), na puro classic na ngayon. Ahead of its time nga raw yung comedy na tulad ng Salawahan, e. Siyempre, nung bagets pa ako!" natawa siya.

Dagdag niya, "Ang una kong ginawa with Lino Brocka, yung Init. Kami nina Tita Chato [Charito Solis], Laurice Guillen, si Tito Leroy [Salvador] at Phillip Salvador. Ang gagaling ng mga kasama ko!"

LOLITA IS LOLITA! Rio Locsin is particularly proud of having worked with the legendary Lolita Rodriguez, who played her aunt, Pura, in the Lino Brocka film Ina, Kapatid, Anak, na si Charito Solis naman ang gumanap bilang kanyang ina, si Emili. Ang pelikula ay mula sa dulang pampelikula ni Mel Chionglo; produksiyon ng Regal Films, taon 1979.

"Yung edge ko kasi [sa iba pang aktres ngayon, award-winning man o hindi], nauna ako sa kanila. Nakatrabaho ko si Lino Brocka, si Ishmael Bernal. Mapalad [din] ako, na nakasama ko si Lolita Rodriguez. Wala na siya [as in, retired actress]. Lolita is Lolita!"

At marami pang anekdota si Rio Locsin tungkol sa mga natatangi niyang pagganap sa mga pelikulang lalagi sa alaala.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN