Director Mario O' Hara still not giving up on his dream to do another movie with Nora Aunor

"Ang kailangan lang talaga, magkita [kami ni Nora] para matuloy. Kasi, 'pag nakuha mo ang 'oo' niyan... ang funding niyan... kausapin mo lang ang mga tao, e. You know, like, punta ka sa Star Cinema, o sa Channel 7[GMA Films], o sa OctoArts... matutuloy 'yan!" says director Mario O'Hara (inset) about his desire to do another movie with her favorite actress, Nora Aunor (main photo).


Hanggang ngayon, hindi pa rin isinasantabi ng premyadong manunulat at direktor na si Mario O'Hara ang planong paggawa ng isang natatanging pelikulang pagbibidahan ng superstar na si Nora Aunor.

Maituturing na si Nora ang "signature actress" ni O'Hara, mula nang gawin nila noong 1976 ang pelikulang Tatlong Taong Walang Diyos. Dito unang nanalo ng Best Actress awards si Nora Aunor, sa unang taon ng Gawad Urian (1977) at FAMAS '77.

In an interview with PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Mario O'Hara, sa panahong mayroon nang kuwestiyunableng National Artist Awards, hindi muna ang kontrobersiyang nabanggit—na ngayo'y nasa Korte Suprema na ang kaukulang desisyon—ang naging topic, kundi ang paboritong aktres pa rin ng mahusay na writer-director. On the side, may pagbanggit si direk Mario tungkol sa indie cinema at iba pang problema ng industriya ng pelikula.

Pero lagi talagang nababanggit ni Direk Mario ang movie project na laan lang sa Superstar.

"Prepared na 'yon, e. Ang nasa isip ko, [pang-] closing curtains," sabi niya.

Ito yung pelikulang mayroon nang natapos sulating script (by O'Hara), na ang magiging title ay Sumakay Tayo Sa Buwan.

Mayroon ding script na isinulat ni Lualhati Bautista, screenwriter ng Bulaklak Sa City Jail (1984) na tinampukan ni Nora Aunor at idinirek ni O'Hara.

"Iba yung kay Lualhati... This (Sumakay...) is another story," pagtukoy ni Direk Mario.

Meaning, hindi pa pang-"closing curtains" ni Nora ang O'Hara planned project, kung sakali.

In fact, mayroon pang movie offers kay Nora ang ibang direktor; not to mention several movie outfits na interesadong gumawa siya ng "comeback movie" for them.

Ang kaso, nasa U.S. pa rin si Nora at hindi pa definite ang sinasabing pagbabalik sa bansa.

"Actually, ang gusto ko, mag-shoot doon [USA], hindi dito," saad ni Direk Mario. "Kasi, para makatiyak ba? Kasi, baka hindi na siya makabalik..."

Hindi sa pagiging pessimistic, ang naisip ng direktor, tila nasa States na ang buhay na gusto ni Nora para sa sarili.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maiaalis mo ba 'yon? Siyempre, ang boyfriend niya, nandoon. E, yun ang ligaya niya," nakangiting sabi pa ng director-friend ni Nora.

Dati, may balitang gagawa si Nora Aunor ng pelikulang ang magiging title ay An Affair To Remember, o may kuwentong halaw sa pelikulang Hollywood na gano'n ang pamagat. Nabalita kasing nagkita at "nagkabalikan" sina Nora at ang naging leading man niya noong si Sajid Khan na ngayo'y US-based na.

Si Sajid Khan ay isang Indian actor, na naging leading man ni Guy noong early '70s sa pelikulang The Singing Filipina, idinirek ni Artemio Marquez, for Tower Productions.

Natawa si Direk Mario nang marinig ang ganu'ng ulat. Hindi siya naniniwala. "Masyado namang dated 'yon! Dated na 'yon," palagay nga niya.

Tinanong namin si Direk Mario kung sinong lalaki ang mas pinaniniwalaan niyang karelasyon pa rin ni Nora sa ngayon.

"'Yung dati, di ba? Ewan!" sabi niya, na hindi rin tiyak sa kanyang isipan.

Sa mga TV interviews, sinasabi naman ni Nora na sila ni John Rendez ay nananatiling magkaibigan na lamang dahil pamilyado na rin ang dating rapper.

Anyway, kung sino man ang karelasyon ni Ate Guy, sabi pa ni Direk Mario, "Siyempre, nando'n ang kanyang ligaya, hayaan natin 'yon. At least, nag-stick siya ngayon, di ba?

Ang mahalaga sa direktor, matuloy ang pelikula niya for Nora Aunor.

"Ripe na to do one for her. It's right time to do one," sabi niya.

Maituturing na true-blooded Noranian director, hindi gumawa si O'Hara in his entire career ng isa mang pelikulang bida si Vilma Santos, ang pinakamahigpit na karibal ni Nora pagdating sa kasikatan. Bagama't nag-guest si Vi sa 1988 O'Hara comedy na Takot Ako, Eh! starring Nora's kids—Lotlot, Ian, and Matet de Leon.

In the '70s and '80s, maraming acting awards mula sa Gawad Urian, FAMAS, at Catholic Mass Media Awards o CMMA, ang napanalunan ni Nora para sa mga ginawang pelikula with Direk Mario, kabilang ang mga sumusunod: Tatlong Taong Walang Diyos (1976), Kastilyong Buhangin (1980), Bakit Bughaw Ang Langit (1981), Condemned (1984), Bulaklak Sa City Jail (1984), at Tatlong Ina, Isang Anak (1987).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bilang direktor, naging premyado rin si Mario O'Hara sa unang PMPC Star Awards for Movies noong 1985 para sa Bulaklak Sa City Jail, at sa 1986 Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa Halimaw ("Banga" episode) na iprinodyus ng NCV Productions ni Nora; si O'Hara din ang nagwaging best actor, para sa huling nabanggit na pelikula.

Kaya hindi isinasara niDirek Mario ang anumang option para sa bagong movie project with Nora, bagama't alam niyang may ibang direktor na gusto ring gumawa ng pelikula na ang Superstar ang bidang aktres.

"Si Celso [Ad Castillo], may project, e. Maganda, magaling din si Celso," banggit pa ni Direk Mario. (Ito naman 'yung nabalitang digital movietitled Do Filipinos Cry In America?)

Ano sa palagay ni Direk Mario ang naging problema sa tila "naudlot" na project na 'yon ni Guy?

"Baka walang buyer," aniya. "Gano'n lang naman 'yon, e. Nasabi ko na 'yan. Ang kailangan lang talaga, magkita [kami ni Nora] para matuloy. Kasi, 'pag nakuha mo ang 'oo' niyan... ang funding niyan... kausapin mo lang ang mga tao, e. You know, like, punta ka sa Star Cinema, o sa Channel 7[GMA Films], o sa OctoArts... matutuloy 'yan!

"E, wala si Nora rito, nandun siya[sa States]," napapakibit-balikat na nga lang si Direk Mario O'Hara, pero ang mga huling kataga, positibo pa rin: "Matutuloy 'yan!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN