Jake Cuenca has mixed feelings about the last few weeks of Tayong Dalawa

"Actually, mixed emotion nga. Siyempre, sobrang lungkot. Ang sa akin, nalulungkot talaga ako na matatapos na. Siyempre, iiwan ko na ang pamilya ko sa Tayong Dalawa. Siyempre, we'll all be moving with our different projects. Pero at the same time, masaya rin kasi finally mako-cross na ang finish line. Alam mo yun, parang excited na rin ako," says Jake Cuenca about the last few weeks of Tayong Dalawa.


Dalawang linggo na lamang ang nalalabi sa primetime series ng ABS-CBN na Tayong Dalawa, na siyam na buwan ding sinubaybayan ng mga manonood. Dahil sa tagumpay at suporta na tinatamasa ng kanilang palabas, puro pasasalamat at hindi makakalimutang mga karanasan ang maiiwan kay Jake Cuenca, na gumaganap bilang Dave sa naturang serye.

Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jake sa pictorial niya para sa Boardwalk ay ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat dahil sa tagumpay ng Tayong Dalawa.

"Sobrang blessed ako at talagang taus-puso akong nagpapasalamat sa Diyos, sa lahat ng supporters... Pero at the same time, ang talagang pinoproblema ko ngayon, yung acting. Kasi ang demand ng show for acting at character ko, medyo mabigat. Kaya lahat ng atensiyon ko, binubuhos ko muna sa last 15 days ng show. Siyempre, nais naming ibigay yung ending na gusto ng lahat ng tao. At confident kami na yung ending na ibibigay namin will cater to everyone," saad niya.

Ano nga ba ang mangyayari sa character niya sa Tayong Dalawa?

"Basta, it's an ending na, kumbaga, speaks for the whole cast," sabi ni Jake. "Kumbaga, it's an ending na maraming tao ang nagde-debate, kasi siyempre may Team Dave, Team JR, Team Ingrid... So, this in an ending na tingin ko, hindi magde-debate ang mga tao at magiging masaya siya sa ending. Ako naman, masayang-masaya rin ako kung saan papunta ang character ko, that's why buhos talaga ang atensiyon ko sa last 15 days dahil critical talaga."

Hindi pa raw nila hawak ang last two to three pages ng script ng Tayong Dalawa. Iaabot lang daw ito sa kanila sa mismong taping day. Ang alam pa lang daw niya, yung build up sa characters nila sa pagtatapos nito.

"Lahat naman kami nag-agree that we want to shoot the ending that way," banggit ni Jake.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nahihirapan ba siyang bitawan ngayon ang character niya at ang show mismo?

"Actually, mixed emotion nga," sagot niya. "Siyempre, sobrang lungkot. Ang sa akin, nalulungkot talaga ako na matatapos na. Siyempre, iiwan ko na ang pamilya ko sa Tayong Dalawa. Siyempre, we'll all be moving with our different projects.

"Pero at the same time, masaya rin kasi finally mako-cross na ang finish line. Alam mo yun, parang excited na rin ako. Yung role ko na Dave, nadadala ko minsan. Pag-uwi ko ng bahay, parang miserable rin. So, as much as possible, kapag nakakaramdam ako ng lungkot dahil sa character ko, I hold on to it, hindi ko binibitawan."

Ayon kay Jake, pati personal life niya ay isinakripisyo niya para sa show.

"Actually, kahit itanong n'yo sa pamilya ko... Umuwi sila recently. Yung daddy ko babalik ng Lunes sa Spain. Ang mama ko, gusto muna raw niyang tapusin ang Tayong Dalawa. Fan kasi yun ng Tayong Dalawa.

"Pero minsan, parang inintindi nila na kung meron akong ibigay na oras na para sa sarili ko lang, kinukuha ko muna yun. Ginagawa ko homeworks ko. Nanonood ako ng movies, ine-explore ko rin yung characters at aralin din yung sarili para maiba ang mga eksena."

JAKE'S NEXT PROJECT. Nakikita naman ng network ang dedication na ibinubuhos ni Jake sa trabaho niya. In fact, hindi pa man tapos ang Tayong Dalawa, sinisimulan na rin niyang gawin ang next project niya—ang Pinoy remake ng hot Mexicanovela na Rubi, kung saan siya ang gaganap bilang Alejandro.

"Yung character ko naman dito, kung titingnan mo, sobrang simple, pero hindi siya kasing kumplikado ng character ko as Dave. Pero ang maganda kasi sa Rubi, it will gonna run for a long time, so maraming tatakbuhin ang character.

"For now, gina-grasp ko muna yung oportunidad na medyo maging magaan. Para kapag nanood naman ang tao ng Rubi, ibang Jake naman ang makikita nila at hindi yung super-bigat."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Makakasama ni Jake sa Rubi sina Angelica Panganiban, Diether Ocampo, at Shaina Magdayao.

Hindi pa raw alam ni Jake kung kailan maipalalabas ang Rubi.

"I don't know, e. Before kasi, ang Tayong Dalawa was supposed to be aired later. Pero mas napaaga kasi naging malaking impact sa tao ang trailer. Siyempre, yung Rubi, as much as possible, mas gugustuhin ko rin na medyo ma-late siya ng konti para may konting time difference. Pero siyempre, kung eere rin agad yun, okey lang din sa akin, game!" natatawa niyang sabi.

"PALAKASAN" ISSUE. Sa kabila ng dedikasyon ni Jake sa kanyang trabaho, tila kakambal na yata niya ang intrigang "malakas" siya sa ABS-CBN dahil pagkatapos nga ng Tayong Dalawa ay nasa cast din siya ng Rubi at magbibida rin siya sa isang episode ng Agimat.

Naaapektuhan pa ba siya kapag nakakarinig ng mga ganitong isyu tungkol sa kanya?

"Ang sa akin naman, tulad nga ng sinabi ko dati, my work speaks for itself. I work hard. I try to be as professional as I can be. At the same time, sa eksena, ibinibigay ko buong puso at sarili ko talaga.

"At para sa akin, kahit walang tulog, diretso ko 'yan, go! Kasi mahal ko talaga ang trabaho ko. I'm very blessed at napakasuwerte ko na nagtiwala sa akin ang network ng ganito. Napakasuwerte ko na ganito nila ako sinusuportahan. Basta ako, hindi ko rin sila bibiguin. Basta ako, kung kailangang maging professional, I just try my best to be professional as I can be," pahayag ni Jake.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN