Zanjoe Marudo won't upstage Piolo Pascual in Lovers in Paris but...

"Sana po, sana po talaga magustuhan nila yung gagawin ko rito sa Lovers bilang Martin. Hindi ko talaga masasabi na masasapawan ko si Carlo [Piolo] sa pag-akting, pero sa kaguwapuhan medyo, baka lumamang tayo!" says Zanjoe Marudo about his role as Martin in Lovers in Paris.


Isa si Zanjoe Marudo sa most in-demand actors ngayon sa telebisyon at pelikula. Natawa nga ang PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa pagbati ni Zanjoe sa ginanap na grand press launch ng bagong ABS-CBN romantic series na Lovers In Paris, directed by FM Reyes.

"Magandang gabi po. Pangsampung teleserye ko na po ito ngayong taon. Sana po hindi kayo magsawa sa akin!" hirit ni Zanjoe na umani ng tawa at palakpakan.

Bago ang Lovers in Paris ay kasama rin siya sa umeere pa ngayong Florinda, at ang katatapos lang na The Wedding. Pa'no niya hina-handle yung pagiging in-demand actor niya?

"Siguro ano lang, e... siguro dahil lang sa timing," sabi ni Zanjoe. "Timing lang na ngayon nagkakasabay-sabay ang trabaho. Marami rin naman kaming ganyan sa ABS na hindi na alam kung paano aayusin yung schedule dahil nga nagkakasunud-sunod ang mga trabaho. So, hindi lang naman ako. Halos lahat naman ng lalaking bida dito sa ABS, hindi pa man tapos yung isang show, may ginagawa na agad na bago. Pare-pareho lang kami. Ang maganda lang dun, hindi kami pare-parehas ng style, pati ng mga characters na ginagawa. Iba-iba rin kami ng mga hitsura. So, maganda yun para sa aming lahat."

Tila naging "life" of the presscon nga si Zanjoe dahil sa kanyang mga nakatutuwang pahayag, lalo na kapag pabiro niyang pinatututsadahan ang mga bida ng Lovers In Paris na sina Piolo Pascual at KC Concepcion.

Ginagampanan ni Zanjoe ang role ni Martin, na ka-love triangle nina Vivian at Carlo, played by KC and Piolo, respectively.

Gaano kahirap gampanan ang role na given or existing na dahil may nauna nang gumanap sa kanya rito?

"Sobrang hirap gumawa talaga ng remake, lalo na mayroon nang nakagawang iba. Gagayahin mo lang yung character ng Martin. Pero challenge siya, e, para sa isang artista na magkaroon ng ganung klaseng opportunity. Pero nararamdaman mo yung saya pag nagagawa mo nang tama," tugon ni Zanjoe sa tanong ng PEP sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ginanap ang presscon ng Lovers In Paris, na hango sa isang hit Koreanovela, kagabi, September 17, sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound.

WORKING WITH PIOLO & KC. How is it working with Piolo and KC?

"Okay lang!" muling banat ni Zanjoe na ikinatawa ulit ng mga press. "Lahat naman kami ganun ang pakiramdam. Ako, makasama ko lang ang mukha ni Piolo, makasama ko lang sa screen, at saka mukha namin ni KC, di ba, yung makasama ko lang sila sa isang shot, pati yung ibang malalaking artista, makasama ko lang sila, masaya na po ako. At saka yun nga, habang ginagawa namin ito, pagkatapos ay mami-miss ko talaga itong show na ito. Lalo na yung direktor namin, tinututukan ako sa bawat eksenang gagawin ko."

Patuloy niya, "At siyempre yung EP [executive producer], para silang ano, e, mga anghel sa likod ko. 'O, galingan mo, ha, galingan mo, ha. O, Tito Boyet [Christopher de Leon] 'yan, ha. Si Piolo kaeksena mo ha.' Ganun, laging ganun. Akala nila siguro hindi ako marunong magsalita. Pero nagpapasalamat ako sa mga ganun, siyempre yun ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob na kahit minsan nakakarindi na. Pero yun, salamat sa tiwala nila sa akin, mas napagbubuti ko ang trabaho ko. At saka napakasuwerte ko na ang babait ng mga katrabaho ko—si KC, PJ [Piolo], at saka yung ibang katrabaho ko. Napakasaya nilang kasama."

Dahil kasama niya ang itinuturing na isa sa top leading men ng ABS-CBN na si Piolo sa serye, ano ang ginawa ni Zanjoe para ma-feel ng viewers ang presence niya rito?

"Sa lahat naman po ng nagawa namin siguro... mula sa Paris hanggang ngayon, e, talagang iniingatan ko naman. Talagang lahat na ibinibigay ko na kung anuman yung alam ko. Siyempre, tinuturuan pa ako ni Direk at saka yung suporta rin ng mga kasama ko. Confident naman ako na kahit papaano, e, makakalimutan n'yo si Piolo nang sandali. At saka kilala n'yo naman ako, e, kaya medyo mapapansin n'yo ako doon," biro ni Zanjoe.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinuri ng veteran columnist na si Mario Bautista si Zanjoe at sinabing sa tingin niya ay hindi ito mahihirapan sa akting niya sa Lovers In Paris. Effortless daw kasi umarte ang aktor. Sa katunayan daw sa pelikulang Kimmy Dora, after ng bidang si Eugene Domingo, si Zanjoe raw ang susunod na pinakamahusay.

Kaagad namang humatag ang palad ni Zanjoe kay Piolo at pabirong nanghingi ng bonus. Si Piolo kasi ang isa sa producers ng box-office hit na Kimmy Dora.

Nagpasalamat naman si Zanjoe sa papuring ito.

Dahil dito, natanong tuloy si Zanjoe kung posible kayang masapawan niya si Piolo at ang iba pa nilang kasama sa Lovers In Paris?

"Hindi po, hindi naman siguro," sabi niya. "At saka wala naman sigurong ganung bagay na tumatakbo sa isip ko habang ginagawa namin itong project na ito. Kasi nga ako, makasama lang talaga sa show na ito, makasama ko lang sila, e, kinakabahan na nga ako. Paano ko pa kaya gagawin kung mananapaw pa ako ng ibang artista, di ba? So, ako, ginagawa ko lang kung ano yung gusto ng direktor, kung ano yung kailangan sa show. Kaya kung mayroong matutuwa, e, di mas okay."

Umaasa naman si Zanjoe na maibibigay niya ang expectation ng mga tao sa kanya.

"Sana po, sana po talaga magustuhan nila yung gagawin ko rito sa Lovers bilang Martin. Hindi ko talaga masasabi na masasapawan ko si Carlo [Piolo] sa pag-akting, pero sa kaguwapuhan medyo, baka lumamang tayo!" hirit na naman ni Zanjoe.

MISSING IN PARIS? Bagama't punung-puno ang schedule ni Zanjoe ay hindi na niya alintana ang pagod. Mas mabuti na raw yung konti ang pahinga, pero marami ang trabaho kaysa puro pahinga at walang trabaho.

Samantala, nilinaw naman ni Zanjoe ang intriga tungkol sa umano'y bigla raw siyang nawawala sa set after ng takes niya noong nagte-taping sila sa Paris.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ako nawawala, naglilibot ako pag wala akong eksena. Kasi, di ba, importante ang oras dun, e. Kailangan makita mo lahat ng mga lugar habang nandun ka. Kasi hindi muna ako babalik dun, e," paliwanag ni Zanjoe.

Hindi ba siya naligaw sa paglilibot niya?

"Maliligaw ka pero makakauwi ka naman. Kasi nga, may mga signs naman, babasahin mo lang. Madali lang."

So, hindi naman ba siya nanligaw o nakipagkilala sa ibang girls sa Paris habang nandun sila?

"Napakalabong mangyari kasi hindi kami nagkakaintindihan ng mga tao dun. Iba kasi ang language dun," nakangiti niyang sabi.

Dagdag pa ni Zanjoe, hindi niya raw kayang gawin yun dahil faithful siya sa girlfriend niyang si Mariel Rodriguez.

Bukod kina Piolo, KC at Zanjoe, kasama rin sa cast ng Lovers In Paris sina Christopher de Leon, Mark Gil, Maricar Reyes, Assunta de Rossi, K Brosas, Mickey Ferriols, John Wayne Sace, Hyubs Azarcon, Rachel Ann Wolfe, Ching Arellano, Soliman Cruz, at Aaron Junatas.

Papalitan ng Lovers In Paris ang Tayong Dalawa na magtatapos sa September 25. Mapapanood naman ang Lovers In Paris simula sa September 28 sa ABS-CBN Primetime Bida.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN