Coco Martin immediately resumes work after accident

"Ngayon po, medyo okey-okey na. Yung sugat medyo gumagaling-galing na, ang dami ko ngayong sugat sa mukha. Tapos, after the accident nung Tuesday, nung Wednesday, nag-taping na agad ako, kasi naghahabol na kami ngayon. Kasi ilang araw na lang matatapos na ang Tayong Dalawa," says Coco Martin about his condition after he was injured while taping Tayong Dalawa.


Nasa Cebu ngayong araw, September 18, ang ilan sa cast ng Tayong Dalawa—sina Coco Martin, Jake Cuenca, Gerald Anderson, at Kim Chiu—para sa kanilang fans day at mall shows bilang pasasalamat sa lahat ng tumangkilik ng kanilang top-rating primetime series sa ABS-CBN.

Kaninang tanghali, habang nasa Cebu airport pa lang ang grupo ay nakausap sa radio program na Wow! Ang Showbiz! sa DWIZ si Coco via phone patch. Unang tanong sa aktor, ano ang nararamdaman niya ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng Tayong Dalawa?

"Masaya na malungkot, kasi po sa haba ng pagsasama 'saka yung naramdaman namin yung suporta at pagmamahal sa amin ng mga tao. Pero masaya kami, at least, mula simula hanggang katapusan, naramdaman namin na talagang sinubaybayan kami at number one kami sa kanila," sagot ni Coco.

Sa Tayong Dalawa rin napansin nang husto ang husay ni Coco sa pag-arte, kaya marami ang nagsasabing ganap na siyang aktor. Ramdam niya na rin ba ito?

"Ewan ko po. Kasi ako naman, para sa akin, every time na gumagawa ako ng any project, ibinibigay ko lang po yung parang best ko. Lagi ko lang pinagbubutihan ang pagtatrabaho. Kasi, hindi ako do'n sa para maging popular ka o makilala ka ng tao. Lagi akong nando'n sa craft ko na 'eto ang project ko, kahit ano pa 'yon, basta lagi kong ibinibigay yung best ko," paliwanag ng aktor.

TAPING ACCIDENT. Noong Martes, September 15, habang nagte-taping sila ng Tayong Dalawa, tinamaan ang kaliwang mata ni Coco ng isang blasting effect. Agad siyang isinugod sa ospital, pero ni-release din that same day matapos gamutin ang pinsala sa kanya. (Click here to read related story.)

Kumusta na siya ngayon matapos ang aksidente?

"Ngayon po, medyo okey-okey na. Yung sugat medyo gumagaling-galing na... Ang dami ko ngayong sugat sa mukha. Tapos, after the accident nung Tuesday, nung Wednesday, nag-taping na agad ako. Kasi naghahabol na kami ngayon. Kasi ilang araw na lang matatapos na ang Tayong Dalawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And then ngayon, dinadaan na lang sa makeup [yung sugat] para matakpan. Kasi may mga continuity na wala akong sugat sa mukha, e. Tapos yung left eye ko, medyo malabo pa. Kasi medyo nasunog yung parang first layer ng mata ko. Yung labi ko 'saka pisngi, medyo umimpis na, medyo bumalik na sa dati."

Hindi ba mag-iiwan ng bakas o peklat ang mga sugat niya sa mukha?

"Sabi naman po ng doktor, basta huwag ko lang daw piliting matanggal o bakbakin yung pinaka-sugat o pinaka-langib para huwag mag-mark, babalik naman daw sa dati," aniya.

Hindi na rin daw kinailangang sumailalim pa sa operasyon si Coco.

"Nung una, kinabahan kami. Lalo na sa mata ko, may nakuha silang mga copper, yung sa blasting. Pati sa leather jacket na suot ko, may nakuha silang maliliit na ano... Kasi nga pumasok mismo sa mata ko yung pagsabog. Yun nga lang, yung sa mukha ko, merong medyo mabababaw 'saka malalalim na sugat," saad niya.

MAJA SALVADOR. Matapos ang aksidente ni Coco, may mga balitang nagsulputan na agad nag-text sa kanya ang young actress na si Maja Salvador.

Medyo hesitant pa si Coco na sagutin ang isyu. Paliwanag niya, "After nung galing ako ng hospital, sinabihan na agad ako na 'baka mainterbyu ka.' Pasensiya na po, kasi medyo mahiyain ako. Medyo iwas ako sa mga interbyu."

Patuloy ni Coco, "Akala tuloy minsan ng mga tao, mayabang ako, suplado. Kasi nahihiya po talaga ako. Hindi ako sanay magpainterbyu-interbyu. Di ba po nanggaling ako sa indie na hindi naman sanay sa espesyal na atensyon? Kaya minsan sa mga talk show, nangangatog ako, nahihiya ako every time na iniinterbyu ako."

Magkasama sina Coco at Maja sa teleseryeng Nagsimula Sa Puso, kaya hindi maiwasang ma-link din sila sa isa't isa. Gaano kaespesyal sa kanya ngayon ang young actress?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Maja...mabait. Magkasama kami sa trabaho. Kasi ngayon pa lang kami nagkakakilala, e. Ngayon kami nagkakaroon ng time na nagkaka-bonding kapag nasa taping. Mabait! 'Saka nagulat nga po ako nung biglang tumawag siya sa akin para kumustahin ako," sabi ng aktor.

Ang Nagsimula Sa Puso ba ang papalit sa Kambal Sa Uma?

"Hindi po ako gano'n kasigurado. May naririnig ako na baka ilalagay siya sa panghapon, pero di ko pa alam ang desisyon ng management."

May bed scene sila ni Maja sa teleserye at nakunan na ito, anong paghahanda ang ginawa nila sa naturang eksena? Nagkailangan ba sila ng young actress?

"Nung umpisa, siyempre takot kaming pareho. Kumbaga, ngayon lang kami nagkatrabaho tapos 'yon nga, may bed scene. Siyempre natatakot ako na parang ayokong makaramdam siya o makitaan ako ng ibang tao na parang nagte-take advantage ako.

"Bago namin gawin 'yon, kinausap ko siya and then sinabi ko na ganito ako magtrabaho. Tinanong ko siya ano ang limitation niya para makuha ko yung tiwala niya bilang katrabaho ko. Kasi natatakot ako, baka may masabi sila after, e, parang masasaktan naman ako nun. 'Saka dapat alam ko rin kung hanggang saan yung puwede kong gawin," pahayag ni Coco.

FROM INDIE TO MAINSTREAM. Unang lumikha ng pangalan sa indie scene si Coco sa pamamagitan ng Masahista. At ilang beses niya nang nakasama ang veteran actress na si Gina Pareño sa mga nagawang indie films, kaya naman malaki ang pasasalamat ni Coco sa mga naituro ng aktres sa kanya, lalo na't magkasama rin sila sa Tayong Dalawa kung saan gumaganap sila bilang mag-lola.

Aniya, "Sobra po akong nagpapasalamat kay Tita Gina Pareño, yung mga itinuro niya sa akin kung paano mas maging propesyunal pagdating sa trabaho. 'Saka kung paano tumutok ng tama pagdating sa trabaho.

"Kasi bilang isang baguhan, lalo na sa TV, at bilang kabataan, minsan siyempre darating yung pagiging mapusok o nababarkada, minsan nawawala ka sa focus. Yung guidance na ibinigay niya sa akin, sobra-sobra po ang pagpapasalamat ko na malaki ang tulong na nagawa para maayos ang trabaho ko para sa Tayong Dalawa."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa success ng teleserye, maituturing nang houseold name ang pangalan ni Coco. Ano ang mensahe niya sa mga "bago" niyang fans?

"Nagpapasalamat ako sa mga sumusuporta, lalong-lalo na sa mga lola, sa mga nanay na naka-appreciate po sa akin, yung nakaka-relate po. Kasi kung tutuusin, kontrabida ako do'n sa show, pero nagulat din ako sa reaksiyon ng mga tao, napamahal ako sa kanila kahit na medyo bad yung character ko. And then, masaya ako, kasi napansin din nila yung kakayanan ko rin bilang artista."

Nararamdaman niya na ba na "made" na siya?

"Hindi naman feel, pero natututunan ko na po na makisalamuha kahit papaano sa kapwa artista. Ngayon, kahit papaano nakakatikim na akong makapag-mall show. Kasi dati po talaga kapag nakakita na ako ng media, bigla na lang akong nagtatago. Dahan-dahan na lang akong tumatakas, kasi nga hindi ko pa alam kung paano haharapin, hindi pa po ako sanay. Ngayon, at least, natututunan ko nang gawin yung mga bagay na 'yon," sabi ni Coco.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN