Ogie Alcasid says Michael V is dependable friend, never a rival

"Walang problema sa akin kung sa palagay ng iba, mas mahusay siya. Kanya-kanya namang opinyon 'yan. Pero ever since, hindi naging karibal ang dating ni Bitoy sa akin. Isa siyang kaibigang laging maaasahan at simula pa noon, sa lahat ng bagay, nagtutulungan kami," says Ogie Alcasid about Michael V.


Nakatanggap ng unofficial report ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na P6 million daw ang kinita ng Yaya & Angelina (The Spoiled Brat Movie) sa opening day nito last Wednesday, September 23. Kaya masasabing kumita ang pelikulang ito ng GMA Films at APT Entertainment.

Isa sa mga tuwang-tuwa rito ay si Ogie Alcasid, na gumaganap bilang Angelina sa pelikula. At least daw, hindi siya matatatakang "jinx."

Pero ano ang reaksiyon niya sa sinasabi ng ilan na ang malaking factor daw kaya nag-hit ang pelikula nila ay si Michael V, na gumaganap naman bilang Yaya?

"Group effort ang success ng pelikula namin," sagot ni Ogie. "Hindi ko masosolo ang credit kung bakit tinangkilik ito ng mga tao. Siguro, nasapol lang namin ang pulso ng masa sa comedy. May following na kasi sa Bubble Gang ang characters na ginampanan namin ni Bitoy rito. Kumbaga, naka-create na kami ng loyal fan base sa TV pa lang, kaya kinagat din sa pelikula. Naniniwala akong mas lalakas pa ang pelikula, lalo na sa weekend."

Hindi malaking deal para kay Ogie ang sinasabi ng ibang si Michael V ang nagdadala sa tandem nila. Kasi, sa tagal nila sa Bubble Gang, hindi puwedeng sabihin na isa lang ang maaasahan para sa success nito.

"I owe it a lot kay Bitoy," ani Ogie. "Walang problema sa akin kung sa palagay ng iba, mas mahusay siya. Kanya-kanya namang opinyon 'yan. Pero ever since, hindi naging karibal ang dating ni Bitoy sa akin. Isa siyang kaibigang laging maaasahan at simula pa noon, sa lahat ng bagay, nagtutulungan kami."

Ang mahalaga kay Ogie, makakahinga na siya nang maluwag dahil ang huli niyang nagawang pelikula ay box-office hit, 'ika nga.

"Sabi nga nila, you're only as good as your last movie. Nagpapasalamat na lang ako sa mga sumuporta. Panalo ang lahat ng may kinalaman sa paggawa ng pelikulang ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Magko-concentrate muna kasi ako sa recording. Medyo matatagalan bago ako gumawa uli ng pelikula. Nakakapagod kasi itong mga ginawa ko lately. Hindi lang simpleng characters ang binibigyan ko ng buhay sa movies," sabi ng songwriter-comedian.

Pero ang talagang bread and butter ni Ogie ay ang TV. Masasabing nag-hit ang Yaya & Angelina dahil sa na-orient nang husto ang audience sa TV, na na-extend pa sa game show na Hole In The Wall.

"Nagpapasalamat na lang ako at hindi pinababayaan ng GMA na matengga ako. Laging may trabaho para sa akin sa Kapuso network. Forever na tatanawin kong utang na loob ang lahat ng ito, kaya mananatili akong loyal sa kanila," saad ni Ogie.

Bukod sa Bubble Gang at Hole In The Wall, napapanood din si Ogie sa SOP at Celebrity Duets.

BIG PLAN NEXT YEAR. May malaking balak si Ogie at ang girlfriend niyang si Regine Velasquez next year. Hindi naman ito tungkol sa kasalan dahil hindi pa plantsado ang mga bagay-bagay na may kinalaman dito.

"Tungkol sa career," paglilinaw ni Ogie. "We're trying to cook up something ni Reg. Collaboration. Hindi ko pa masasabi, but it's something that will excite a lot of people. As of now, it's all talks. Busy rin kasi si Reg, pero gusto kong pagpursigihan yung magkaroon kami ng isang project together—an album perhaps or a movie.

Wala ring problema sa pamilya niya. Nakatakda na ngang maisaayos ang lahat sa pagitan ng ex-wife ni Ogie na si Michelle Van Eimeran at ng Australian boyfriend nitong si Mark Murrow.

"Everybody happy na, at ang gusto ko na lang, yung nabibisita ko naman ang mga anak kong sina Sarah at Leila. Yun ang gustung-gusto kong gawin ngayon, at naka-schedule na 'yan next month or November. I'll fly to Australia.

"Nagpapasalamat na lang ako sa Diyos na bukod sa magandang career na ibinigay sa akin, nagagawan ko ng paraan na makita ko ang mga anak ko. Normally, hindi ito nagagawa ng isang ordinary parent lang na, let's say, nagtatrabaho abroad at naiiwan sa Pilipinas ang mga anak at napapawalay nang matagal sa mga ito, for years," sabi ni Ogie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN