Survivor Philippines Palau Update: "Bad boy" Louie Ang booted out

Louie Ang becomes the sixth castaway to be voted off Survivor Philippines: Palau after getting all the votes from his Airai tribemates. Louie also lost the chance to return to the game after he was beaten by first castoff Justine Ferrer in their face-off challenge.


Ang tinaguriang "Bad Boy" na si Louie Ang ang pinatalsik sa pinakahuling Tribal Council ng Survivor Philippines: Palau. Si Louie ang ika-apat na sunod na Airai member na natanggal sa hit reality show ng GMA-7.

Mula sa Koror, napunta si Louie sa Airai nang magkaroon ng switch sa pagitan ng magkabilang tribo. Kasama niyang nalipat sa Airai sina Charles at Tara.

Napilitan si Louie na gumawa ng panibagong alyansa sa Airai, partikular na sa mga original members ng Airai na sina Vlad at Troy. Pero dahil sa sunud-sunod na talo nila sa Immunity Challenge ay nagkaroon ng trayduran at magkasunod na napatalsik sa isla sina Vlad at Troy.

Dahil wala na rin siyang matibay na alyansa sa mga natitirang miyembro ng Airai—kahit pa sa mga kasamahan niya dati sa Koror na sina Charles at Tara—nagtapos ang pakikipaglaban ni Louie para sa three-million cash prize at sa titulong Pinoy Sole Survivor.

Sa pagkakatalsik ni Louie, apat na lang ang natitirang miyembro ng Airai: sina Charles, Tara, Mika, at Cris.

Samantalang anim pa ang natitirang miyembro ng Koror: Marvin, Echo, Suzuki, Jef, Amanda, at Shaun.

Sa kanyang exit interview, nagpakawala ng maaanghang na salita si Louie laban sa kanyang kakampi na si Tara. Bukod sa pagmumura ay tinawag pa niya itong "bobo" dahil kinampihan pa raw ni Tara ang nagpapahirap sa kanila.

Tinawag namang "manipulator" ni Louie sina Cris at Mika, samantalang "bilib" naman siya kay Charles at sana raw ay makaabot ito sa Top 3 o Top 5.

REWARD CHALLENGE. Nagharap muli ang Airai at Koror para sa sumunod na Reward Challenge.

Ang bawat miyembro ng grupo ay kailangang kumapit sa isang kawayan, gamit ang kanilang mga kamay at paa. Kailangan nilang iwasan na mahawakan ng anumang bahagi ng kanilang katawan ang buhangin—maliban sa kanilang buhok at damit—kung hindi ay mae-eliminate sila sa laro. Ang team na may huling miyembro na nakasabit sa kawayan ang siyang mananalo ng reward: full-body massage sa loob ng isang oras, kasama na ang oil, lotions na isasagawa ng dalawang masahista para sa lahat ng miyembro ng mananalong tribo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil sobra ng isang miyembro ang Koror, hindi nakisali sa laro si Amanda.

Lagpas pa lang ng isang minuto ay sumuko na agad si Cris ng Airai.

Sumunod na lumapag si Louie ng Airai pagkalipas ng mahigit anim na minuto.

Pagkatapos ng 21 minutes, sumuko na rin si Jef, na sinundan naman ni Shaun. Parehong taga-Koror ang dalawa.

Sa puntong ito, tatlong miyembro ng bawat tribo na lang ang natitira: sina Mika, Tara, at Charles ng Airai; at sina Marvin, Echo, at Suzuki para sa Koror.

Ang inakala ng host na si Paolo Bediones na challenge na tatagal lamang na 30 minutes ay umabot na ng mahigit isang oras.

Bumaba na rin si Charles pagkatapos ng 1 hour and 27 minutes.

Si Suzuki ay sumuko pagkatapos ng 1 hour and 34 minutes.

Sumunod na hindi nakatagal si Tara, pagkatapos ng 1 hour and 43 minutes.

Sa pagkatanggal ni Tara, si Mika na lang ang natirang miyembro ng Airai.

Pero hindi rin nakatagal si Mika at sumuko na pagkatapos ng 2 hours and 5 minutes. At natira sina Marvin at Echo, na naging dahilan upang manalo na naman ang Koror.

Pagbalik ng Koror sa kanilang camp, naghihintay na sa kanila ang dalawang babaeng masahista para sa masahe na kailangang-kailangan ng kanilang katawan pagkatapos ng sunud-sunod na physical challenges.

Dahil nanalo sa Reward Challenge ang mga dati niyang kasama sa Koror, nakinabang din si Justine nang masahiin din siya sa Isla Purgatoryo.

Pagkatapos ng kanilang masahe ay iniwan na ng mga masahista ang dalawang kama at kutson para magamit ng Koror sa kanilang camp.

ECHO'S ALLERGY. Bukod sa mas kumportableng higaan, natuwa rin si Echo dahil nag-improve na raw ang allergic reaction niya sa alimango. Ang hindi niya alam ay mararamdaman niya ang epekto ng pagkain niya ng alimango kinagabihan.

Pagkatapos magkasayahan ng Koror tribemates ay nagkaroon ng tensiyon sa kampo nila nang biglang maramdaman ni Echo ang epekto ng pagkain niya ng alimango. Nanikip ang kanyang dibdib at nahirapan siyang huminga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napansin din ni Shaun ang pamamaga ng mga pisngi ni Echo. Kaya nagdesisyon na ang mga kasama ni Echo na humingi ng medical help.

Mabilis namang dumating ang medical team at staff upang alamin ang sitwasyon ni Echo. Dinala si Echo sa makeshift clinic kung saan siya tinurukan ng anti-allergy injection. Pagkatapos nito ay kailangan niya munang maobserbahan sa loob ng 12 to 18 hours.

Sa puntong ito ay nanganib ang buhay ni Echo at ang kanyang pagkakataon na makabalik sa laro. Pero mabuti na lang at gumaling siya agad at pinayagan siyang makabalik sa kanilang kampo kinabukasan.


IMMUNITY CHALLENGE. Hindi magiging kumpleto ang Survivor kung walang "exotic food eating challenge." Sa challenge na ito, kailangang kumain ang bawat miyembro ng Airai at Koror ng tigda-dalawang fruit bats.

Ipinakita ni Paolo sa mga castaways ang isang buhay na fruit bat. Saka niya tinawag ang isang Palau native na nagngangalang Beverly upang ituro sa kanila ang tamang pagkain nito. Maaaring kainin ang lahat ng bahagi ng paniki, maliban sa ulo at mga buto nito.

Biniro pa ni Beverly ang mga castaways na mas malasa pa raw sa manok ang fruit bat.

Ang bawat miyembro ng Koror at Airai ay magkaharap na kakain sa isang mahabang mesa, kung saan ang katapat nila ang makakalaban nila. Kailangan nilang kumain ng dalawang fruit bats sa loob ng dalawang minuto. Ang sinumang may mas malinis na plato pagkatapos ng two minutes ang makakakuha ng puntos para sa kanilang tribo. Ang team na makakakuha ng three points ang mananalo sa challenge.

Dahil sobra ng isang miyembro ang Koror, hindi nakasali sa challenge si Jef.

Ganito ang naging labanan: Louie vs. Suzuki, Amanda vs. Cris, Tara vs, Echo, Marvin vs. Charles, at Mika vs. Shaun.

Hindi naman nandiri ang mga castaways sa pagkain ng fruit bat dahil okay naman daw ang lasa nito at masarap din naman daw ito. Pero ang iba sa kanila ay nahirapan lang lumunok dahil sa balahibo ng paniki. Maging ang vegetarian na si Marvin ay isinakripisyo ang kanyang diet para makumpleto ang challenge.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkalipas ng dalawang minuto ay sinuri na ang mga natira ng mga castaway.

Sa labanan nina Louie at Suzuki ay nanalo si Louie para makuha ang unang point para sa Airai.

Naka-two points ang Airai nang manalo si Mika laban kay Shaun.

Automatic namang nakuha ng Koror ang kanilang unang puntos nang sumuka si Cris pagkatapos ng challenge. Si Amanda ang naka-score ng puntos.

Sa pagitan nina Marvin at Charles, nanalo si Marvin para makuha ng Koror ang kanilang second point at maitabla ang score sa 2-2.

Sa huli, nagwagi si Echo laban kay Tara na naging dahilan para magwagi na naman ang Koror.

Pagkatapos ng challenge ay sinabihan muli ni Paolo ang Koror na ibigay ang Immunity bracelet sa isang miyembro ng Airai, na magliligtas dito sa susunod na Tribal Council. Piniling muli ng Koror na ibigay ang Immunity bracelet kay Cris.

Nagulat naman ang magkabilang tribo nang i-announce ni Paolo na magkakaroon na naman ng tribal switch. Ngunit sa pagkakataong ito ay magpapalit ng camps ang Airai at Koror, at kung anumang mga naiwan nilang mga gamit sa kanilang dating camp ay pakikinabangan na ng kabilang tribo.

Labag man sa kanilang kalooban ay sumunod ang parehong tribe. Pero hindi inaasahan ng Koror ang dadatnan nila sa kanilang bagong kampo. Na-realize nila na ang lahat ng pinaghirapan nila sa kanilang dating kampo, kasama na ang mga kama at kutson, ay ang Airai lang pala ang makikinabang, at kailangan nilang magsimula ulit sa kanilang bagong kampo.

Kung ang Koror ay nagalit at nadismaya sa dinatnan nilang camp, masayang-masaya naman ang Airai sa bago nilang kampo. Di hamak naman kasing mas malinis, mas maayos, at mas kumportable ang dating kampo ng Koror kaysa sa iniwan nilang kampo.

THE FACE-OFF CHALLENGE. Pagkatapos ma-vote off ni Louie ay dumiretso siya sa Isla Purgatoryo para harapin ang castoff na si Justine Ferrer sa isang face-off challenge.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Justine ang unang na-vote off sa Survivor Philippines: Palau. Pero dahil nagawa niyang talunin ang iba pang castoffs—sina Carol, Maya, at Troy—sa face-off challenge ay hawak pa rin niya ang Immunity bracelet at ang karapatang tumira sa Isla Purgatoryo hanggang sa dumating ang susunod na castoff. Ang isa pang castoff na si Vlad ay boluntaryong nag-backout bago ang kanilang face-off challenge dahil hindi na raw kaya ng kanyang pag-iisip.

Nagulat pareho sina Louie at Justine nang magkaharap silang muli sa Isla Purgatoryo. Hindi inaasahan ni Justine na si Louie ang natanggal, samantalang hindi naman makapaniwala si Louie na nagawang matalo ni Justine ang mga naunang castoffs sa face-off challenge.

Pinag-usapan ng dalawa ang pagkakatanggal ni Justine sa unang Tribal Council. Nagsinungaling si Louie kay Justine at sinabing sina Tara at Echo ang nagplanong tanggalin siya sa unang Tribal Council dahil "operada" siya. Pero inamin ni Louie sa interview sa kanya na siya lang ang nag-isip ng gano'n.

Pagkatapos itong malaman ni Justine ay lalong umigting ang pagnanais niya na matalo si Louie para makabalik sa merge at ipamukha sa mga dati niyang kakampi na nagkamali sila sa pagbu-vote off sa kanya noon.

Sa kanilang face-off challenge, kailangang umakyat nina Louie at Justine sa isang pole at pagkatapos nito ay patagalan silang nakakapit doon. Muling pinatunayan ni Justine ang kanyang kakayahan nang umayaw agad si Louie.

Si Louie ang ika-limang castoff na tinalo ni Justine sa face-off challenge. Dahil dito ay naibalik sa kanya ang Immunity bracelet at ang karapatang manirahan sa Isla Purgatoryo hanggang sa dumating ang susunod na castoff.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN