Survivor Philippines: Palau castoff Louie Ang says "bad boy" image was just part of his strategy

Tagged as Survivor Philippines: Palau's "bad boy," Louie Ang explained his behavior while on the island. He said that it was just part of his strategy to stay in the game.


"Demonyo."

Ito ang tawag ng isang castaway sa pinakahuling napatalsik sa Survivor Philippines: Palau na si Louie Ang. Si Louie ang tinaguriang "Bad Boy" ng ikalawang season ng hit reality show ng GMA-7.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Louie ilang oras bago ipalabas ang kanyang pagkaka-vote out sa press conference na ipinatawag ng GMA-7 kahapon ng tanghali, September 25, sa Dezaato Pan restaurant sa Banawe, Quezon City.

Bukod kay Louie, humarap din sa press ang mga kasamahan niya sa Airai na sina Cris Bolado, Charles de Vera Fernandez, Tara Macias, at ang mga nauna nang na-vote off na sina Maya Segovia, Troy Perez, at Vlad Nesas. Hindi naman nakarating si Mika Batchelor dahil kasalukuyan daw itong nasa Palawan.

Ayon kay Louie, "strategy" lamang ang pagiging "demonyo" o "bad boy" niya sa isla ng Palau. Sa tunay na buhay ay mabait naman daw ang 24-year-old IT specialist na ito mula sa Pasig.

Aware din daw siya sa bansag na ito sa kanya ng kanyang mga kapwa castaway.

"Opo, demonyo daw po... Demonyo, ahas pa nga po, e," nangingiti niyang sabi.

Pero aminado naman si Louie na nagulat ang pamilya niya nang mapanood ang pinaggagawa niya sa isla.

"Yung una, sinabi sa akin ng family ko na parang iba daw, iba daw na ako. Kasi iba naman ako sa bahay, ganun. So, sabi ko, dun ko lang ginawa yun sa game... Tapos yun, national TV siya. So, talagang makikitang negative ng buong bayan, negative talaga," saad niya.

Hindi ba siya nakakakuha ng masamang reaksiyon mula sa mga tao pag nakikita siya sa labas?

"Na naiinis po sa akin? Hindi po... Nagpapa-picture sila, okay naman," nakangiting sabi ni Louie.

Ayon kay Louie, front lang niya ang pagiging masama para magtagal siya sa laro.

"Kasi kapag hindi mo kilala yung mga kasama mo, mag-iiba talaga yung ano, e... Kumbaga, totally stranger. Kailangan mag-iba ka," paliwanag niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero binanggit ng PEP kay Louie na ang Survivor Philippines ay isang social game, kaya importante ang pakikitungo niya sa mga kasama niya upang masiguro ang pagtatagal niya sa laro.

"Actually, hindi ko naman nakikita na nakikinig sila sa akin. Kasi ginawa ko lang, parang naging ano lang, naging leader lang ako sa kanila," banggit ni Louie tungkol sa una niyang tribo noon, ang Koror.

Pero nagbago bigla ang ihip ng hangin para kay Louie nang magkaroon ng tribal switch. Napunta siya sa Airai, kasama sina Charles at Tara. Dahil dito ay nasira ang kung anumang alyansa meron siya sa dating Koror.

Nang nasa Airai na raw siya ay naging "passenger na lang ako ng bus, hindi na ako yung driver."

Kahit natanggal na siya, naniniwala si Louie na nakatulong ang strategy niya para tumagal sa laro.

"Yes, oo, na-prove ko na yun, e. Kasi di ba nga, yung last episode po between Vlad 'tsaka ako, siya yung nalusutan ko rin po. So yun, parang effective pa rin, effective pa rin," ani Louie. (Ang tinutukoy ni Louie ay ang plano ni Vlad na siya ang tanggalin pagkatapos nilang matalo sa Immunity Challenge. Pero sa huli, si Vlad ang natanggal at hindi si Louie.)

Ikinukumpara rin ngayon si Louie sa "bad boy" ng first season ng Survivor Philippines na si Marlon Carmen. Pero ayon kay Louie, magkaiba naman daw sila ni Marlon.

Nang tanungin kung sino ang mas mabait sa kanila ni Marlon, "Ako" ang mabilis na sagot ni Louie.

CHARLES & TROY. Sa panayam namin kay Charles ay diretsahan niyang tinawag na "demonyo" si Louie. Base na rin ito sa mga napanood nang episodes kung saan gano'n na lang murahin at sigawan ni Louie si Charles, lalo na sa mga challenges. Bakit nga ba gano'n ang trato ni Louie kay Charles?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi yun yung parang way ko na parang i-push siya up to the limit, para maibuhos niya yung lakas niya. Kasi kapag darating sa mga challenges, makikita mo sa TV, sobrang dali lang, parang sasabihin mo, 'Uy, kaya ko 'to!' Pero pag nandun ka na, sobrang hirap!" paliwanag ni Louie.

Kumusta na sila ni Charles ngayon?

"Kami ni Charles, sobrang okay naman kami. Kagabi, lumabas kami, uminom kami," banggit ni Louie.

Isa pang "nakabangga" ni Louie sa Airai ay ang mentalist na si Troy. Very vocal silang pareho na ayaw nila sa isa't isa. Pero ang nakapagtataka ay mukha naman silang magkasundo. Paano nga ba ito nangyari?

"Kasi parang ano, e, meron kaming same na ugali, 'tsaka qualities. So, parang yun, naging close kami... Sobrang close friend ko siya, tinuturuan niya akong mag-painting," aniya.

"CHICKBOY" NO MORE? Nang unang ipakilala ang 16 castaways ng Survivor Philippines: Palau ay tinaguriang "chickboy" si Louie. Sa tingin ba niya ay nakaapekto ang napanood sa kanya ng mga tao sa pagiging "chickboy" niya?

"Actually, okay naman po. Okay naman po yung mga chicks, mas lalo pang dumadami! Joke!" natatawa siya sabay kabig.

Nagamit ba niya ang pagiging "chickboy" sa Palau?

"Hindi ko siya nagamit, parang nag-iba ng landas, e. Parang nahiwalay po, e, parang naging bad boy!" natatawang sagot ni Louie.

Isa sa mga "pinagtuunan ng pansin" ni Louie sa Airai ay ang sexy chef na si Mika. Pero tila hindi umubra ang "kamandag" ni Louie dito. Pero okay naman daw sila ngayon. Sa katunayan ay iniimbitahan pa raw siya ni Mika sa kanila sa Palawan.

THE HARDEST PART. Ano ang isang bagay na nagawa niya sa Survivor Philippines na akala niya ay hindi niya magagawa?

"Makagawa ako ng fire," sagot ni Louie. "Kasi, di ba, dito lighter, posporo, gas stove... E, dun, talagang gagawin mo. Nung mga unang days, wala kaming flint, e. Kasi natatalo kami sa mga challenges, wala kaming reward. So, talagang sa bamboo [kami gumagawa ng apoy]."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ipinakuwento rin namin kay Louie ang pagkain nila ng fruit bat sa huling Immunity Challenge.

"Sobrang sarap niya, sobrang sarap!" sambit niya. "Kasi po nung mga time na yun, sabik kami sa karne. So, yun. Mas masarap sa chicken para sa akin, malinamnam, sobrang linamnam! Luto lang sa... boiled, boiled lang po siya."

Hindi ba siya nandiri noon?

"Ay, hindi, hindi ako nandiri nun, kasi talagang ano, ano naman ako, adventurous naman po ako pagdating sa food. So, gusto kong mag-explore ng mga pagkain, mga ganun."

LIFE AFTER SURVIVOR. Ano ang nabago sa buhay niya pagkatapos ng Survivor Philippines: Palau?

"Ayun, naging masipag na ako!" tawa niya. "Oo nga po, kasi nga tamad ako noon. 'Tapos, ako gumagawa ng household chores. Napapakinabangan na ako sa bahay ngayon."

Ano ang plano niya pagkatapos ng Survivor Philippines: Palau?

"Ako, ang plan ko po, ayun, balik nga po ako sa normal na buhay. Balik work lang po ako," sagot niya.

Magsisimula daw siya sa bago niyang trabaho bilang IT expert sa isang malaking kumpanya sa Ortigas sa Lunes, Sept. 28. Hindi raw niya sinabing sumali siya sa Survivor Philippines at talagang nag-apply siya kagaya ng ibang mga aplikante.

How about showbiz?

"Showbiz, kasi hindi ko masyado pino-focus sa showbiz, kasi marami nang artista!" natatawa niyang sabi.

Paano kung may offer?

"Kung may offer, I will grab it. Why not, di ba?" sagot ni Louie.

Wala pa bang nag o-offer sa kanya?

"Wala, wala naman po. Yun nga po, hindi ko naman po ine-expect na sa showbiz po ako."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN