Actress Sylvia Sanchez and her family trapped in their house during typhoon Ondoy

Sylvia Sanchez and her family were among thousands of Filipinos affected by typhoon Ondoy. They were trapped on the second floor of their house in Ortigas Extension, Pasig City. They were saved by a rescue team aboard a dinghy a few hours later.


Matinding kalamidad ang humampas sa bansang Pilipinas, partikular na sa Metro Manila, sa pananalasa ng bagyong Ondoy. Napakaraming sinalanta ng bagyo—buhay, mga ari-arian, at mga tahanan ay winasak. Mahirap man o mayaman, artista man o pangkaraniwang tao ay hindi pinalampas.

Isa sa naapektuhan nang husto ng bagyong Ondoy ay ang aktres na si Sylvia Sanchez. Nakatira si Sylvia at ang kanyang buong pamilya sa Riverside Subdivision sa Ortigas Extension sa Pasig City. Anim na buwang buntis ang aktres.

Sabado pa lang daw ng tanghali, September 26, ay mataas na ang tubig sa loob ng bahay nina Sylvia. Sa bilis ng rumaragasang tubig, hindi na nagawang makalikas nina Sylvia, kaya nakulong sila sa second floor ng kanilang two-story house.

Labimpito silang lahat sa loob ng bahay. Kasama ni Sylvia ang asawa niyang si Art Atayde; ang kanilang tatlong anak na sina Arjo, 18; Ria, 17, at Gela, 4; ang ina ng aktres na si Rosielyn; ang kaibigan ni Arjo na si Adrian Atanacio; at iba pang mga kasama sa bahay.

Buong first floor ng bahay nila ay lumubog na sa tubig-baha. Lumulutang na ang lahat ng mga kagamitan at appliances sa unang palapag ng kanilang tahanan. Kahit ang kanilang mga sasakyan sa garahe ay nakalubog na rin sa tubig.

Sumapit na ang gabi ay stranded pa rin sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sina Sylvia at patuloy na tumataas ang tubig. Mansanas, chips, at tinapay lamang ang ipinantatawid nila ng gutom.

Ang kanilang mga cellular phones, either wala nang signal o wala nang baterya. Isang telepono na lamang ang gumagana sa magkakasama, ang cell phone ng ina ni Sylvia na si Mama Rosielyn. Dahil mahina ang signal, text message lamang ang ginagamit nilang pakikipag-ugnayan sa mga kakilala. Hindi na nakalulusot ang phone call. Ito ang ginagamit ng aktres at ng kanyang asawa sa pagte-text sa kung sino man na maaaring makapagligtas sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isa ang writer na ito sa pinadalhan ng text message ng aktres kaya nag-text-brigade kami sa mga kaibigan at kakilala na maaring tumulong sa pamilyang nasa peligro. Ang ilan sa mga napadalhan namin ng text ay sina Amy Perez at Nene Tamayo na nagpaabot ng mensahe sa DZMM, kaya nai-announce agad sa DZMM ang sitwasyon ng pamilya Atayde. Ipina-announce din ni Nadia Montenegro sa GMA-7—sa pamamagitan ni Ms. Mel Tiangco—ang dinaranas ng pamilya Atayde.

THE RESCUE. Dahil sa mga announcements sa radyo at telebisyon, marami agad ang nakaalam sa sitwasyon ng mga Atayde.

May tumawag sa amin na rescue team, ang San Antonio Relief Team, at sinabing tinawagan sila ng aktres na si Ara Mina at ipinaalam ang kundisyon nina Sylvia. Nanggaling na raw sila sa Riverside, pero hindi nila magawang sagipin ang pamilya na chopper ang gamit. Paghahatid lamang ng relief goods at pagkain ang maaari nilang gawin.

Nakapunta agad ang naturang rescue team sa Riverside at nakapagdala ng pagkain, pero dahil sa sama ng panahon at estado ng mga kalye at bahay, hindi nila matukoy kung isa ang pamilya nina Sylvia sa nahatiran nila ng pagkain.

Sa pamamagitan rin ni Nadia Montenegro ay nakontak namin ang businessman na si Atong Ang, na nagkataong kaibigan ng mister ni Sylvia na si Art. Agad na kumilos si Mr. Ang at magpapakuha na sana ng chopper, ngunit dahil sa malakas na ulan, paghampas ng hangin, at maliit na espasyo sa pagitan ng mga bahay, tulad ng San Antonio Relief Team, hindi rin maililigtas sina Sylvia kung helicopter ang gagamitin.

Ang sumunod na hakbang na ginawa ni Mister Ang ay ang paghahanap ng bangka dahil iyon lamang ang maaaring makarating sa mismong bahay ng mga Atayde. Gamit ang isang fiberglass boat (dinghy), sinubukan ng mga rescuers ni Mr. Ang na puntahan ang Atayde residence, ngunit dahil sa malakas na agos ng tubig, nahirapan ang mga ito, kaya napilitang bumalik muna.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Makalipas ang ilang sandali, muling pinabalik ni Mr. Ang ang dinghy sa bahay nina Sylvia, this time ay para magdala muna ng pagkain dahil hindi pa rin kakayanin na magsakay ng mga tao sa bangka dahil sa malakas na alon.

Ngunit pagdating ng bangka sa bahay nina Sylvia, nagdesisyon na rin ang aktres at pamilya nito na sumakay na sa dinghy at sagasain ang rumaragasang alon.

Dahil maliit ang bangka, tatlong tao lamang ang kasya dito. Kaya ang sumakay na lang ay si Sylvia, si Gela, at ang ina ni Sylvia. Habang ang mister ng aktres, dalawa pang anak, at isang kaibigan ay kumapit na lamang sa gilid ng dinghy.

Ang mga naiwan pa sa bahay ay in-assure na babalikan agad.

Matapos ang mahabang oras, nakarating din sa safer ground sina Sylvia. Agad silang inihatid sa tahanan ng in-laws ng aktres sa Corinthian Gardens.

Ipina-check din agad sa ospital si Sylvia at sa awa ng Diyos ay nasa mabuti namang kalagayan ang sanggol sa sinapupunan ng aktres.

Hinang-hina dahil sa gutom, takot at tensiyon, ngunit labis-labis ang pasasalamat nina Sylvia sa mga taong tumulong sa kanila, at higit sa lahat daw ay sa Poong Maykapal dahil nakaligtas sila mula sa trahedya.

JUDAY & RYAN. Tumawag din sa amin si Judy Ann Santos para itanong kung ano ang maitutulong niya kay Sylvia at sa pamilya nito. Kasalukuyang on the way sila ng mister niyang si Ryan Agoncillo para i-rescue ang kaibigang si Gladys Reyes at pamilya nito.

Sinabi namin kay Judy Ann na may naka-standby na naman na bangka malapit sa area na kinarooronan nina Sylvia.

Tinanong din sa amin ni Judy Ann kung ano ang kalagayan ng talent manager ni Sylvia na si Tita Angge (Cornelia Lee) dahil alam ng aktres na sa iisang area nakatira sina Gladys at Tita Angge.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi namin kay Juday na kausap namin si Tita Angge earlier at kahit lubog din ang bahay nito ay safe naman ito sa second floor ng bahay nila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN