Kim Chiu and Gerald Anderson thank viewers of Tayong Dalawa

"Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng viewers, supporters, fans po ng Tayong Dalawa dahil hindi n'yo po alam kung paano n'yo binago ang mga buhay namin. Maraming salamat po sa pagsuporta dahil sa simula pa lang napakataas ng ratings namin hanggang sa dulo," says Gerald Anderson about the success of his teleserye with Kim Chiu, Tayong Dalawa, which ended last Friday, September 25.


Dahil sa matinding pananalanta ng Bagyong Ondoy sa ating mga kababayan, kabilang na ang ilang celebrities, noong Sabado, September 26, naging sentro rin ng usapan sa ABS-CBN showbiz talk show na The Buzz ang idinulot na perhuwisyo ng naturang bagyo.

Sa live guesting noong Linggo, September 27, sa The Buzz, ng Kapamilya loveteam at Tayong Dalawa stars na sina Kim Chiu at Gerald Anderson ay unang tanong agad sa dalawa ng mga host na sina Boy Abunda, Ruffa Gutierrez, at Kris Aquino kung paano sila naapektuhan ng bagyo.

Hindi nakaligtas si Kim sa ngitngit ng Bagyong Ondoy dahil nalublob sa baha ang kanyang kotse.

"Yung kotse ko lang po naman. Akala ko hindi na siya aandar kaninang umaga. Umandar naman," sabi ni Kim.

Malaki naman ang pasalamat ni Gerald dahil hindi naman binaha ang bagong tayong bahay niya sa Quezon City.

In-acknowledge naman ni Kris ang nakuhang donasyon ng ABS-CBN Sagip Kapamilya mula sa sponsor ni Gerald na Fit n' Right.

"Nagbigay po sila ng one million pesos worth of Fit n Right," ani Gerald.

Maging ang Payless Shanghai ni Kim na manufactured ng Universal Robina Corporation ng mga Gokongwei ay nagbigay rin ng donation.

TAYONG DALAWA. Tinutukan nga ng mga Kapamilya ang huling linggo ng top-rating show na Tayong Dalawa na nagtapos na last September 25. Sa survey ng Taylor Nelson Sofres (TNS) sa National households ay nakapagtala ito ng 45.8 percent rating.

Ang Tayong Dalawa ay pinagbidahan nina Kim at Gerald bilang sina Audrey King at David "JR" Garcia Jr., respectively. Isa rin sa mga bida ang ka-love triangle nilang si Jake Cuenca bilang kakambal ni JR na si David "Dave" Garcia Jr.

AUDREY'S DEATH. Maging si Kris, na umaming masugid na tagasubaybay ng naturang teleserye, ay may sariling istorya. Sobrang nalungkot daw siya at ang kanyang Auntie Pacie nang mamamatay ang karakter ni Kim na si Audrey dahil sa itinuloy niya ang kanyang panganganak kahit na may sakit siya sa puso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yung Auntie Pacie ko, my favorite aunt, is so upset nung Thursday, ang lungkot niya talaga. And I think si Auntie Pacie is a reflection of the feelings of millions of Filipinos, and ako mini-makeup-an ako, ayaw talagang kumapit nung makeup ko dahil iyak ako nang iyak nung mamamatay ka. I really followed your series all throughout," kuwento ni Kris.

Naitanong tuloy ni Kris kay Kim kung ano ang nararamdaman nito na gano'n ang pagmamahal ng mga tao kay Audrey.

"Nung una ko pong nalaman na ang dami pong nag-email and daming nag-react, ang dami kong natanggap na text message na naiyak sila. Kahit ako nung nanonood ako, sabi ko, 'Bakit ako umiiyak? Alam ko naman yung kuwento,'" tugon ni Kim.

Noong una nga raw ay hindi rin agad matanggap ni Kris na namatay ang karakter ni Kim sa soap, pero in-analyze niya raw mabuti kung bakit kailangan ito sa story.

Ani ni Kris: "I kept trying to analyze it, why it had to happen that way. Siyempre ang ginawa ko, in-intellectualize ko talaga. Kasi the only way the brothers to finally have unity, sorry ha, it's not Audrey's fault na maganda siya at pinag-agawan siya. Pero, di ba, si Dave at si JR, na-in love sa kanya talaga, e? So, no matter what happens, as long as she's there, they'll hate each other. Pero the sacrifice came from you [Kim's character]. So, napakadakila na in order for the child to live, you gave your life. Siyempre, iyak ako nang iyak talaga."

Dagdag ni Kris, "Sorry, remember when it's death, Ruffa, you understand I really get affected. Kahit teleserye naa-affect ako. Pero sana ma-explain mo rin sa mga fans mo [Kim] na it made Audrey an even more lovable character."

Singit na tanong ni Boy kay Kim, "May mga nagtatanong ba na tagahanga kung bakit ka pumayag na mamatay? Anong sinasabi mo sa kanila?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko, hindi naman yun tungkol sa akin. Yung Tayong Dalawa, tungkol yun sa isang kuwento ng pamilya. Hindi yun tungkol kay Kim," sagot ni Kim.

FROM HEARTTHROB TO SERIOUS ACTOR. Pinuri naman ni Kris si Gerald sa breakdown scene nito sa beach. At tanong ni Boy, "You have groomed into a fantastic actor. May paliwanag ba yun?"

"Ewan ko po. Siguro po dahil sa Tayong Dalawa po talaga, e, I mean the pressure," sabi ni Gerald.

Pati raw ang pagta-Tagalog ni Gerald ay nag-improve.

"Nag-practice po ako. At saka yung role, si JR, talagang mahirap siya, e. So, kailangan yun sa role," paliwanag ni Gerald.

Pero saan siya humuhugot ng emosyon?

"Alam n'yo, I think para sa amin, kasi it's time talaga para ipakita yung talent namin. I just really want to do Tayong Dalawa just really, really good, to the best I could. Talagang ibinigay ko po lahat dito sa Tayong Dalawa," paliwanag ni Gerald.

KIM'S NOSE. Bukod sa pagpuri ni Kris sa pagiging mahusay na aktres ni Kim kahit 19 years old pa lang ito, sinabi ni Kris na idini-defend niya rin ang young actress sa mga tanong na pinagawa raw ba ang ilong nito kaya mas maganda ito ngayon.

Para patunayan naman ni Kim na hindi siya nagpagawa ng ilong ay pinisil-pisil niya ang ilong niya sabay sabing, "Totoong noseline ko po ito."

"If you can do that to your nose, it means it's real, right?" ani Kris.

STATUS OF RELATIONSHIP. Sumunod namang napag-usapan ang tungkol sa relationship nina Kim at Gerald. Matagal na kasi nang aminin nila na nasa mutual understanding o MU stage ang kanilang relationship. Ang tanong tuloy ni Boy, "Bilang pasasalamat sa mga tagahanga n'yo sa Tayong Dalawa, ito ang tanong: Ano ba talaga ang estado ng inyong mga puso? Kayong dalawa na ba?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually ako, hindi na po ako magsasalita dahil alam na po ng lahat kung ano ang nararamdaman ko para kay Kim," bitin na sagot ni Gerald.

"Sabihin mo ulit ang iyong nararamdaman. Nakalimutan na namin, e," pamimilit nina Boy at Ruffa.

"Nakalimutan na kaagad. Siyempre po, napaka-special po si Kim para sa akin. Sobrang iba na po yung nararamdaman ko," sabi ni Gerald.

Tanong ni Kris, "Is she the only one in your heart?"

"She's the only one... besides my mom," pag-amin ni Gerald.

Tanong naman ni Kris kay Kim, "Bukod sa tatay mo, siya lang ba ang lalaki sa buhay mo?"

"Sa ngayon, siya lang naman ang tanging lalaking nagte-text sa akin. Wala na namang iba," sagot ni Kim.

Ang tanong tuloy ng mga hosts ay kung ano ang huling text sa kanya ni Gerald.

"Ano, kumusta ako, kahapon sa bagyo," ani Kim.

Mas pinalalim pa ni Boy ang tanong, "What was the last personal, romantic text message na pinadala sa iyo ni Gerald?"

"Yung farewell ng Tayong Dalawa. Sabi niya, kahit magkahiwalay na kami, sana magkita pa rin kami," wika ni Kim.

KRIS TO WORK WITH KIMERALD. After ng sagot na ito ni Kim ay hindi na nakapagpigil pa si Kris na isiwalat ang kanyang nalalaman.

"Okay, wait, meron akong ire-reveal. Hindi kayo magkakahiwalay kasi, di ba, you'll start shooting a film very soon, directed by Ruel Bayani? And sa November magkakatrabaho tayong tatlo," rebelasyon ni Kris.

Nanay ni Kim ang magiging role ni Kris sa gagawin nilang teleserye sa ABS-CBN.

"But take note, I had her when I was 16!" natatawang paliwanag ni Kris. "Klaruhin natin yun ha, 16 ako nang ipinanganak ko si Kim!"

Ayon pa kay Kris, ayaw raw sana ng asawa niyang si James Yap na tanggapin nito ang naturang project dahil mapupuyat daw si Kris at mababawasan ang oras nito sa mga anak na sina Josh at Baby James.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"It's a teleserye. Honestly, ito ha, only because James and my sisters are such big fans of Tayong Dalawa, ang family ko sinabi, 'Ano, magpupuyat ka? Kawawa ang mga bata.' Pero ang mga ate ko, nung nalaman na kayong dalawa ang katrabaho ko, sinabi kay James, 'James, payagan mo na, 'no! Kim and Gerald 'yan.' And the other thing is, hindi kayo magagalit kasi walang ka-triangle, silang dalawa lang. Yun na lang. Hanggang dun lang dahil papagalitan na po ako," salaysay ni Kris, na ang tinutukoy ay ang ABS-CBN management.

Na-excite din sina Kim at Gerald sa big revelation na ito ni Kris. At bilang pagtatapos ng kanilang interview nagpasalamat na sina Kim at Gerald sa lahat ng sumuporta sa Tayong Dalawa.

"Una sa lahat, nagpapasalamat po kami sa lahat ng mga Kapamilya na sumubaybay sa Tayong Dalawa. Maraming-maraming salamat po at sinamahan n'yo kaming maging masaya at napaiyak po namin kayong lahat. Buong puso po kaming nagpapasalamat sa suportang ibinigay ninyo. Maraming-maraming salamat po," pahayag ni Kim.

Ayon naman kay Gerald, "Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng viewers, supporters, fans po ng Tayong Dalawa dahil hindi n'yo po alam kung paano n'yo binago ang mga buhay namin. Maraming salamat po sa pagsuporta dahil sa simula pa lang napakataas ng ratings namin hanggang sa dulo."

Out na rin daw sa market ang DVD version ng Tayong Dalawa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN