Tanya Garcia urgently seeks help for typhoon victims in Pampanga

"Maiiyak ka sa mga makikita mo sa Pampanga ngayon. Ang daming nawalan ng bahay at wala silang naisalba. Yung iba, nawalan pa ng family members dahil grabe ang nangyari talaga," says actress Tanya Garcia about the victims of typhoon Ondoy in Pampanga.


Halos lahat ng local celebrities ngayon ay gumagawa ng kanilang paraan para marami matulungan ang mga naging biktima ng bagyong Ondoy. Kabilang sa kanila ay si Tanya Garcia at ang partner nitong si Mark Lapid, na kumikilos para naman sa mga nangangailangan sa Pampanga.

Sa naging panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Tanya sa pamamagitan ng text messaging kaninang umaga, September 30, noong nakaraang Sunday (Sept. 27) pa raw sila kumukontak ni Mark ng mga puwedeng tumulong sa mga taga-Pampanga, particularly sa bayan ng Arayat dahil nagkaroon ng malaking landslide doon at lagpas tao ang tubig dahil sa flash flood.

Ayon pa kay Tanya, maraming pamilya ang nawalan ng tirahan samantalang marami na raw ang natagpuang patay dahil nga sa rumagasang tubig at sa mga malalaking bato na nagbagsakan.

"Maiiyak ka sa mga makikita mo sa Pampanga ngayon," sabi ng aktres. "Ang daming nawalan ng bahay at wala silang naisalba. Yung iba, nawalan pa ng family members dahil grabe ang nangyari talaga.

"Pareho kami ni Mark na kumukontak sa local government agencies sa kung sino ang puwedeng makapagpadala ng rescue teams dito dahil ang dami nang nangangailangan ng tulong. Pero up to now, wala pang dumarating talaga."

Naka-concentrate kasi ang halos lahat ng rescue teams sa mga naging biktima ng malaking baha sa Marikina, Pasig, at Cainta, Rizal. Sa dami nga naman ng nangangailangan ng tulong, kulang na kulang ang mga tauhan ng gobyerno para sa iba pang naging biktima ng kalamidad.

"Lahat kasi ng rescue teams nakasentro sa Metro Manila," ani Tanya. "Pati mga relief goods, nagiging priority ang mga taga-Marikina, Pasig, at Cainta. Kawawa naman ang mga taga-Pampanga dahil since Saturday and Sunday pa sila naghihintay ng tulong, pero wala pang dumarating. Kaya kami na nila Mark ang nakaisip ng paraan. We have to do something para makatulong kami sa mga taga-Pampanga."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagtawag nga sina Tanya at Mark ng kanilang mga kaibigan at ibang kamag-anak na tumulong sa pag-donate (in cash or in kind) ng mga relief goods para matulungan ang maraming biktima sa Pampanga.

Nagpapasalamat si Tanya at maraming tumugon sa kanilang mga tawag at tulung-tulong silang nag-ayos ng mga naipon nilang pansamantalang pangtulong sa Pampanga.

"Alam namin na hindi ito sapat, pero we did the best that we could. Nagpapasalamat kami ni Mark dahil marami ang nag-respond sa paghingi namin ng tulong. Marami ang dumating na tulong in cash and in kind. Kaya buong magdamag kami nag-pack ng mga relief goods.

"We'd like to thank our families, relatives, at friends na nagbigay ng time na tumulong sa amin na magbalot ng mga ipamimigay namin. Kahit na wala pa kaming tulog lahat, ginawa namin ang nararapat. Kung maghihintay pa kami ng tulong mula sa Maynila, kawawa naman ang mga tao rito sa Pampanga.

"Nagdarasal kami na sana ay mabigyang pansin na ang ibang lugar, hindi lang sa Marikina, Pasig, Cainta, or Pampanga. Alam namin na maraming lugar pa ang kailangan ng tulong ng gobyerno at ng ibang tao. Alam namin na mahirap mapagbigyan lahat kaya we are all doing are own way to help," saad ni Tanya.

Sa mga gustong magpaabot ng tulong sa mga nangangailangan sa Pampanga, magtungo lang sa designated evacuation centers at doon na idiretso ang mga ibibigay na tulong ninyo. Ang mga kailangan doon ay mga pagkain (canned goods, rice, instant noodles, etc.), malinis na tubig, damit, at gamot.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN