Annabelle Rama defends son Richard Gutierrez against detractors of his rescue effort

"Kaya sa mga nang-iintriga kay Richard, huwag na kayong gumagawa ng script. Nakikiusap ako sa inyo. Kung kayo kaya ang nagpunta dun, tingnan ko lang kung hindi kaya kayo malulunod! Kung si Cristine nalunod, namatay, sisihin si Richard. Ngayong buhay, na-rescue ni Richard, sisihin na naman si Richard. Hindi ko alam ang gagawin ko sa kanila, 'day!" says Annabelle Rama.


Live na nag-guest ang talent manager na si Annabelle Rama sa showbiz talk show ng GMA-7 na Showbiz Central kahapon, October. 4. Ang pagge-guest ni Annabelle ay may kinalaman sa pagtulong ng anak niyang si Richard Gutierrez sa kasagsagan ng bagyong Ondoy. Iniintriga kasi ang pag-rescue ni Richard kay Cristine, ang leading lady ng aktor sa upcoming film na Patient X. (CLICK HERE to read related story.)

Kinumusta muna ng co-host ng programa na si Pia Guanio kay Annabelle si Richard. Pero tuluyan nang nagkuwento si Annabelle.

"Okey naman si Richard," sabi ng talent manager. "At sinabi ko sa kanya na tibayan niya ang loob niya, tibayan niya ang puso niya kasi ang dami-dami talagang naiinggit kay Richard, at isang grupo lang yun, Pia.

"Since from the start, may sarili silang PR para pabagsakin si Richard. Sorry na lang kayo sa anak ko. Ang kakampi ni Richard, ang guardian angel niya. Meron siyang guardian angel, Pia, 'no. Hindi siya pinapabayaan ng Diyos. At saka, ang pagdarasal ko sa kanya every day, nandiyan pa rin yun.

"Actually, yung araw ng Sabado [September 26], hapon pa lang, tumatawag na sa akin si Richard. 'Ma, tumatawag sa akin si Cristine, nasa bubong daw siya.' Ako, ginawa ko na lang lahat ng tulong, mga kaibigan ko, lahat ng mga contacts ko, including GMA News department 'saka sa ABS, kasi gusto ko talaga na ma-save si Cristine. Kasi, alam ko kapag hindi siya na-save, si Richard ang pupunta dun.

"E, yun ang pinaka-delikadong araw na yun, di ba? So, 7:30 ng gabi, dumating si Richard sa bahay. 'Ma, until now, si Cristine, nandun pa rin sa bubong.' 'Chard, pupunta dun ang kaibigan ng manager ni Cristine, kumuha na ng contacts, meron daw jet ski papunta dun.

"Sabi ni Richard, 'Ma, hindi totoo 'yan. Nasa bubong na raw sila, malulunod na raw sila, delikado na raw ang buhay nila,' sabi sa aking ganoon. Sabi ko, 'Chard, hintayin natin.' 'Hindi puwede, Ma, kawawa si Cristine, delikado na ang buhay nila.' So, pinayagan ko. Sabi ko, 'Pasasamahan kita kay Rocky, yung elder brother.' Tapos, ito namang si Ruffa, sasama na rin daw siya. Siya raw ang mag-aano ng flashlight, lahat-lahat. So, tatlo sila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy na kuwento ni Annabelle, "Habang umalis sila Richard, nagdasal na 'ko sa altar ko. Sabi ko, 'Samahan Mo si Richard. Kasi, delikado ang panahon.' Ang ikinawo-worry kasi ni Eddie [Gutierrez, Annabelle's husband], yung mabilis ang currents, baka malunod, baka tangayin sila ng baha.

"Noong mga 9:30 ng gabi, may contact pa kami. Noong mga 9:30 to 10:30, wala na kaming contact, hindi ko na ma-contact si Richard. Tapos si Ruffa, na-contact ko pa. Sabi ko, 'Nasaan si Richard?' Hindi kami isinama ni Rocky, e. Hindi raw magkasya sa speedboat. Kasi, four to five [persons] lang magkasya. Pag more than that, malulubog na raw sila. So, sabi ko, 'Saan mo siya iniwan?' Doon daw sa dagat. Umalis na raw yung speedboat sabi ni Ruffa."


"HINDI GUMIGIMIK ANG ANAK KO." "Magka-clarify lang ako, Pia... Ang sinabi pa rin sa news, si Richard daw may baong camera, gimmick lang daw yun. Sorry, wala siyang kamerang dala! At hindi gumigimik ang anak ko. Never siyang gumigimik. Kaya maraming kamera dun sa Marikina, kasi dumating si President Gloria Arroyo, napakaraming press.

"Ako, kahit anong disguise ko, hindi ko alam kung bakit ako nakuhanan ng Showbiz Central. Nasa baha ako, 'day! Alam mo, ang kaba ko talaga hanggang langit, Pia. Hindi ako makakain, tumaas ang blood pressure ko! Noong in-interview si Ara [Mina, Cristine's sister] kanina, nasa loob ako ng kotse ni Ara. Kasi, wala akong kotseng dala, Pia. Hindi makakapasok. Umangkas lang kami dun sa isang police para dalhin kami sa baba, sa may baha. Nagpasalamat pala 'ko sa police na nagdala sa amin dun. Nakalimutan ko pangalan mo, dong, pero maraming-maraming salamat sa 'yo, dong, kung sino ka man.

"Wala kaming dalang kamera, okay?" giit ni Annabelle. "Kaya kina-clarify ko lang, Pia, yun. Noong dumating ang kapatid ni Ara, sinabi ni Ara, 'Nasaan si Richard?' Wala akong nakitang Richard, merong speedboat na walang laman. Naihi talaga ako, mamatay man, sa sobra ko talagang nerbiyos! Hindi ko alam, hindi ako makahinga. Sumugod na ako sa baha. Pinigilan kami ng mga tao. Sabi nila, 'Huwag na kayo kasi lampas na ng ulo ang tubig dun.' Tapos, nakita ko si Richard, nandoon na naka-park. So, kinatok ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ika-clarify ko lang... Sabi kasi, tinalakan ko raw si Richard, yung gumagawa ng script. Dong, hindi ko tinalakan si Richard, ang tinalakan ko, si Rocky. Sabi ko, 'Bakit ka nagpaiwan, hindi ka sumama sa kapatid mo? Hindi ko na siya makontak.' Sabi niya, ayaw na niyang magpasama. Kailangan dalawa lang sila, siya at yung may-ari ng speedboat. Sabi ko, 'Hindi ka ba naawa sa kapatid mo?' Alam ko, napakahirap pumunta kala Cristine dahil nasa dulo raw ang bahay nila. Sabi niya, talaga, ayaw raw magpasama ni Richard. Ang tinalakan ko si Rocky, hindi si Richard.

"Si Richard, hindi ko nakita that night. Nalaman ko na lang sa news, ala-una, nasa bubong pa raw si Cristine. Wala pa rin si Richard. So, ine-expect ni Eduardo, naku, huwag naman sanang madala sa baha or ano na ang nangyari, knock on wood! Parang hindi na ako makahinga. 'Halika, sumugod tayo sa ano... lahat ng nanggagaling, naka-army, naka-uniform. Sabi ko, 'Dong, nandiyan ang speedboat ni Richard, puwede pakihanap? Nalunod na yata! Wala na yatang tao sa speedboat.'

"Noong tinawag ako ng driver ko na nandiyan na si Richard kasama si Cristine, so tinawagan ko si Rocky. Nakausap ko si Richard. Sabi sa akin, 'Nakuha ko na!' 'Anong nakuha mo?' Nakalimutan ko na si Cristine nga pala ang ni-rescue ni Richard. Ako, i-rescue ko si Richard. Kami, mag-rescue kami kay Richard, kami nila Nadia [Montenegro], nakalimutan ko na... 'Ma, 'wag ka nang mag-worry, nakuha ko na!' 'Anong nakuha mo? Bakit, sinong nakuha mo, dong?' 'Si Cristine nakuha ko na! 'Eto na, dala-dala ko na!' Sabi ko, 'Alam mo, Chard, gusto mo yatang mamatay ang nanay mo. Bakit hindi ka kumokontak sa akin?' Wala palang cell phone. Kasi, tumalon pala siya dahil ang kanyang speedboat, babangga na pala sa isang bahay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi niya, 'Ma, napakahirap talaga ng dinaanan ko. Nightmare, hindi ko talaga makakalimutan sa buong buhay ko. Paano ako nakarating dun sa bubong ni Cristine.' Kaya ang pagdarasal ko sa kanya ngayon, sana lahat ng nangyaring tragedy sa kanya, makakalimutan niya. Sabi ko, 'Darling, huwag mo namang anuhin sa totoong buhay yung pagka-hero mo sa TV. Kasi, akala mo meron kang pakpak, lumilipad. Hindi ganun, darling. Mamatay ako sa nerbiyos talaga, Richard!' Alam mo, sa isang nanay, napakahirap talagang mabalitaan ang anak nila is in danger. Hindi ko alam ang gagawin ko."

IN DANGER. Ayon kay Pia, twice daw na nalagay sa peligro ang buhay ni Richard. Twice din siyang nakaligtas sa ganitong pagkakataon. Ang tinutukoy ni Pia ay ang pagkakabangga ng sports car nito noong May 22 sa Silang, Cavite, kung saan namatay ang P.A. niyang si Nomar Pardo, at ang ikalawa nga ay ang pag-rescue ng aktor kay Cristine.

"Yun nga, Pia, lahat ng pasasalamat. Nagpapamisa ako. Lahat ng simbahan, nagpapasalamat ako. Lahat ng santo. First time akong umapak sa ano, putik-putik, kahit naka-tsinelas lang ako. At first time akong naihi sa ano ko... for the first time talaga sa sobrang nerbiyos talaga!

"Kaya lahat ng naiinggit kay Richard, tigilan n'yo na, dong, huwag n'yo na siyang pabagsakin. Hindi n'yo kayang pabagsakin si Richard. Napakabait na bata. Hindi na uma-attend ng party, kasi minsan lang siyang um-attend ng party, nanunutok daw ng baril. Di ba, ang script nila, grabe! Hindi na nagpupunta sa mga bar. Tahimik na lang sa bahay, naiintriga pa rin, Pia.

"Palagi na lang siyang nagsisimba ngayon. Natututo na rin magsimba si Richard. Pasasalamat sa mga nangyari sa buhay niya kaya sana, lahat ng nag-support kay Richard, yung mga hindi naniniwala sa mga negative sa kanya, maraming-maraming salamat. Marami rin nagsu-support kay Richard, Pia," tuluy-tuloy na kuwento ni Annabelle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Pia, ang balitang pag-rescue ni Richard kay Cristine ay nakarating din daw sa international press. Ano ang masasabi ni Annabelle dito?

"Nagpapasalamat ako sa mga taong naniniwala kay Richard," sabi niya. "At saka, Pia, ang dala ni Richard, kung barko, sumisigaw ng tulong, matutulungan ni Richard. Kaso nga, maliit na speedboat lang ang gamit niya. Humihinto pa raw sila, matagal daw umandar.

"At i-clarify ko lang, may bata raw, may namatay raw, hindi raw sinakay ni Richard, walang lumapit, na isasakay anak niya. Wala. Alam n'yo kung bakit? Lampas poste ng Meralco ang tubig, paano makakalakad? At saka ang dilim! Akala nga raw ng mga tao, magnanakaw si Richard kasi, hindi siya nakilala. Walang ilaw, kasi brownout ang buong Marikina. Ako, nakilala 'ko ng Showbiz Central sa boses ko, kasi talak ako nang talak!

"Kaya sa mga nang-iintriga kay Richard, huwag na kayong gumagawa ng script. Nakikiusap ako sa inyo. Kung kayo kaya ang nagpunta dun, tingnan ko lang kung hindi kaya kayo malulunod! Kung si Cristine nalunod, namatay, sisihin si Richard. Ngayong buhay, na-rescue ni Richard, sisihin na naman si Richard. Hindi ko alam ang gagawin ko sa kanila, 'day! Magdasal na lang tayong lahat na matapos ang gulong 'to. Yung mga nang-intriga, wala kayong ginawa kundi computer nang computer, panira nang panira! Magdasal na lang kayo, dong.

"Alam mo, Pia, hinahamon ko kayong lahat! Walang kayang pumunta dun sa gabing yun sa ginawa ni Richard. Nagpapasalamat na lang talaga ako, dong, na buhay ang anak ko," saad ni Annabelle.

Hirit naman ni Pia, just imagine daw kung may tumawag sa kanilang kaibigan at nasa ganoon ding sitwasyon.

Sabi naman ni Annabelle, "Siyempre naman, kasi biro mo, sabi ni Richard, 'Ma, tumawag na sa akin si Cristine, ipag-pray ko na lang daw siya. Kawawa naman si Cristine, pupuntahan ko talaga siya.' Wala akong magawa, Pia, gusto niyang tumulong. Pero nakakatakot talaga."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Pia, proud daw sila dahil may anak si Annabelle na kagaya ni Richard.

"Napakabait naman talaga. Lahat naman ng anak ko, mababait. Pero iba ang pagkabait ni Richard. Mabait din naman si Raymond... Hi Mond! Pero, iba ang pagkabait ni Richard talaga," sambit ni Annabelle.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN