Survivor Philippines: Palau castoff Justine Ferrer gets second chance, returns to the game

"Actually nung una, hindi ko alam yung dahilan. Kaya gusto kong makabalik, kasi gusto kong malaman. Gusto ko silang tanungin isa-isa, 'Ano yung dahilan bakit n'yo ako vinote-out?' Yung mga babae, medyo nagbuo pa kami ng alliance team.Biglang in the end, pinagkaisahan pala nila ako. Yun yung gusto kong malaman, yung sagot kung bakit nila ako binoto," says Survivor Philippines: Palau castoff Justine Ferrer about being voted by her tribemates because of h


Nagbunga ang paghihirap ng kauna-unahang na-vote off sa Survivor Philippines: Palau na si Justine Ferrer. Nakabalik sa laro si Justine pagkatapos niyang talunin ang iba pang castoffs sa anim na sunud-sunod na face-off challenges, kabilang na ang pinakahuli at pinakaimportanteng challenge.

Bagamat natanggal si Justine sa unang Tribal Council ay hindi siya tuluyang namaalam sa Palau. Sa twist na ginawa sa second season na ito ng Survivor Philippines, ang bawat castoff ay dadalhin sa Isla Purgatoryo kung saan maghihintay sila ng tatlong araw para sa pagdating ng panibagong castaway na na-vote off. Ang dalawang castoffs ay maglalaban sa isang face-off challenge, kung saan ang mananalo ang siyang bibigyan ng karapatang manatili sa Isla Purgatoryo hanggang sa dumating ang susunod na matatanggal.

Dahil si Justine ang unang natanggal sa Tribal Council, siya rin ang kauna-unahang castaway na nanirahan sa Isla Purgatoryo, kung saan ang tangi niyang kasama ay ang isang aso na nagngangalang Jumbo. Natalo lahat ni Justine ang lahat ng anim na castaways na sumunod sa kanyang na-vote off—sina Carol Gementiza, Maya Segovia, Vlad Nesas, Troy Perez, Louie Ang, at ang dating PBA player na si Cris Bolado; si Vlad ay nag-backout kaya hindi natuloy ang kanilang face-off challenge.

Labing-walong araw nanatili si Justine sa Isla Purgatory.

Sa pinakahuling face-off challenge, kinailangan nina Justine at Cris na magtayo ng shelter na magsisilbing tirahan ng merged tribe, ang Sonsorol. Binigyan ng halos isang araw sina Justine at Cris upang gawin ang kanilang shelter, gamit ang iba't ibang mga materyales na ibinigay sa kanila.

Ang nagsilbing judge kung sino ang may mas magandang shelter ay walang iba kundi ang mga natitirang castaways na kinabibilangan nina Echo Caceres, Marvin Kiefer, Suzuki Sadatsagu, Shaun Rodriguez, Amanda Coolley Van Cooll, Jef Gaitan, Charles de Vera Fernandez, Tara Macias, at Mika Batchelor. Pero hindi alam ng mga castaway na sina Justine at Cris ang gumawa ng shelters na idya-judge nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Base sa mga criteria na ibinigay sa kanila, iiskoran nila ang dalawang shelters. Kung sino ang may gawa ng shelter na mas mataas ang score, siya ang babalik sa laro at makakasama sa merged tribe.

Sa huli, ang shelter na ginawa ni Justine ang nakakuha ng mas mataas na score kaya siya ang nakasama sa merged tribe.

PROVE THEM WRONG. Last Friday, October 2, ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Justine, at ang iba pang miyembro ng merged tribe, sa isang presscon na ipinatawag ng GMA-7 sa Sulo Hotel, Quezon City.

Nang makausap namin si Justine ay hindi pa naipapalabas ang episode kung saan nakabalik siya sa laro, kaya maingat na maingat siya sa pagbibigay ng pahayag.

Pero ano ang naging pakiramdam niya nang maging sunud-sunod ang panalo niya sa face-off challenges?

"Hindi maipaliwanag na saya!" sambit ni Justine. "Kasi hindi ko rin naman inaasahan na yung totoong lalaking lakas, matatapatan ko. Kasi hindi lang yung lakas yung ginamit ko, e, strategy. So, very blessed pa rin ako siguro.

"Pero ang naging puhunan ko kasi, actually, kaya ako nakaabot ng ganito katagal, yung galit ko [sa Koror tribemates niya], na gusto kong ipakita sa kanila, ipamukha sa kanila na maling-mali kayo, gano'n. Pero habang tumatagal, natutulungan nila ako unknowingly sa mga pagpapanalo ng challenge. Medyo humuhupa yung sama ng loob ko."

Sa bawat panalo kasi ng mga dating kasamahan ni Justine sa Koror ay nabibiyayaan din siya sa mga reward na natatanggap nila, na lingid sa naman sa kaalaman nga mga dati niyang katribo.

Sa lahat ng mga nakalaban niya sa face-off challenge, kanino siya pinaka-kinabahan?

"Actually, kinabahan ako kay Vlad kasi alam ko malakas siya, e. Pero hindi ko ine-expect na susuko siya, na hindi siya lalaban sa akin," sabi ni Justine.

ALONE IN ISLA PURGATORYO. Pagkatapos lamang ng tatlong araw ay na-vote off si Justine. Lingid sa kanyang kaalaman ay hindi pa pala dun nagtatapos ang kanyang pakikipagsapalaran para sa tatlong milyong piso na premyo at sa titulong Pinoy Sole Survivor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi naging madali ang tinahak na landas ni Justine para lang makabalik sa laro. Tiniis niyang mamuhay nang mag-isa sa loob ng 18 days.

Gaano kahirap para sa kanya ang mamuhay nang mag-isa sa Isla Purgatoryo, na pinamumugaran ng mga ahas, at wala siyang contact sa ibang castaways?

"Unang una, hindi ako loner na tao," aniya. "Hindi ko kayang mabuhay mag-isa. So, pinakamahirap yun sa akin. Pangalawa, fear of snake, takot ako sa ahas. Snake Island siya, sobrang dami nyang ahas! Everywhere ka pumunta, may kumpulan ng ahas, parang spaghetti, ganun. Nilalabanan ko yun sa sarili ko.

"Tapos yun nga, yung pag-iisa, na magpapa-apoy ka, magluluto ka ng sarili mong pagkain, maghahanap ka ng sarili mong pagkain. Yun, lahat yun, nilabanan ko yun. Pero dun sa mga times na wala akong ginagawa, dun naman yung time na nag-iisip ako, kung anong mga dapat kong gawin. Nagpaplano ako, ganyan," lahad niya.

Saan siya kumukuha ng pagkain niya sa Isla Purgatoryo?

"Provided ako ng rice, yun lang," banggit ni Justine. "Kung makapagpapaapoy ka... E, madalas umulan dun sa isla, so madalas hindi ako nakakapagsaing. So, naranasan kong umakyat ng buko, kasi yun lang yung pinaka-source ng food, aside from makapagluto. Yun, aakyat ako ng buko, nakahanap ako ng mga kabibe, talaba, ganyan, alimango... Lahat yun, hinanap ko yun."

"OPERADA." Ang lumalabas na dahilan ng maagang pagkakatanggal ni Justine sa laro ay ang pagiging "operada" niya. Nang malaman kasi ng mga kasamahan niya dati sa Koror na nagpa-sex change siya ay ginawa nila itong rason para siya ang iboto sa kauna-unahang Tribal Council.

Ano ang naging pakiramdam ni Justine nang malaman niya na ito ang naging basehan ng pag-vote off sa kanya?

"Masakit, masakit," pag-amin niya. "Actually nung una, hindi ko alam yung dahilan. Kaya gusto kong makabalik, kasi gusto kong malaman. Gusto ko silang tanungin isa-isa, 'Ano yung dahilan bakit n'yo ako vinote-out?' Yung mga babae, medyo nagbuo pa kami ng alliance team. Biglang in the end, pinagkaisahan pala nila ako. Yun yung gusto kong malaman, yung sagot kung bakit nila ako binoto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos nung na-meet ko si Louie, I don't know kung lahat ng sinabi n'ya sa akin totoo, yun nga, dahil nga daw operada ako. Baka nga daw hindi ko kayanin yung mga susunod pang challenges, ganyan. So, kahit papaano, naintindihan ko. Pero masakit pa rin sa akin kasi hindi ako nabigyan ng chance, hindi nila ako binigyan ng chance na ipakita yung totoo kong lakas. Kasi simula pa lang, tinanggal na nila ako."

THIS BOY HAS TURNED INTO A WOMAN. Ipinanganak na isang lalake si Justine, pero nagdesisyon siyang magpa-sex change dahil alam niya sa kanyang sarili na isa siyang babae.

Kailan niya naramdaman na hindi siya katulad ng ibang mga lalake?

"Natatandaan ko, ewan ko kung totoo... Pero natatandaan ko, Grade 1 pa lang ako, e, meron na akong feelings sa same sex. Yun nga lang, hindi ako maingay, tahimik lang ako. Kasi nag-aaral ako, mabait akong estudyante, mabait akong anak," saad ni Justine.

Nalaman ba agad ng parents niya ang sexual preference niya?

"Sabi nila hindi pa daw nila alam noon. Pero sa tingin ko, kasi kakaiba ako, e. Iisa akong ganito, apat kaming lalaki sa family... Naghabol ang mama ko ng babae," banggit niya.

Hindi kagaya ng ibang mga bading na hindi tanggap ng kanilang pamilya, sinabi ni Justine na maganda ang naging suporta sa kanya ng pamilya niya.

"Hindi ako nakaranas ng, alam mo yun, yung parang [binubugbog ka]. Parang gano'n."

Kailan naman siya nag-decide na baguhin kung anong dapat baguhin sa katawan niya?

"Nung 16 ako, talagang tanggap ko na sa sarili ko, e. Pero yung pagiging ganito [babae], yung ginamit ko sa work, is 19. Nakapag-Japan ako, dire-diretso na."

Nagtrabaho raw bilang singer sa Japan si Justine.

Pero kailan talaga ginawa ang operasyon sa kanya?

"Dito sa dibdib, 2001. Sa baba, nung 2004, sa Japan," sagot ng 30-year-old businesswoman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ngayon daw ay walang boyfriend si Justine. Ang huli niyang relationship ay sa isang Hapon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN