PEP EXCLUSIVE: Aga Muhlach comments on the YouTube video where he criticizes the government

"Basically, what I said then, four or five years ago, it's still happening today. It's all the same. Tingnan mo, kung in the past, nandiyan yung mga nag-aaway na senador, nagtuturuan na government officials...gano'n pa rin naman hanggang ngayon," says Aga Muhlach.


Noong Lunes, pinagpasa-pasahan through Facebook accounts ang isang video na dalawang taon nang naka-upload sa YouTube.

Sa tingin ng mga nagpakalat sa kanilang Facebook accounts, relevant pa rin ang mga nasabi ng award-winning actor na si Aga Muhlach sa interview sa kanya ni Cito Beltran sa show ng huli na Straight Talk sa cable channel na ANC—kahit dalawang taon nang nakararaan mula nang mai-air ang interview na ito.

Edited version ang video ng mahabang diskusyon ni Aga with Cito tungkol sa "deterioration" ng bansa at ang "dumi" at "pangit" na pamamalakad ng gobyerno. Kitang-kita sa mukha ni Aga ang pagkadismaya at frustration sa mga obserbasyon sa klase ng governance o pamamalakad sa gobyerno dito sa Pilipinas. (CLICK HERE for the video.)

Nagpaunlak ng phone interview si Aga sa PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, October 6, habang pansamantalang itinigil muna ang shooting ng pelikula niya with Regine Velasquez dahil sa nangyaring pagbagyo. Tentatively titled Umboy and Berns ang Bb. Joyce Bernal-megged movie niya.

Hindi mapigilan ni Aga ang mapatawa nang makausap na ng PEP tungkol sa nabanggit na video. Natatawa kasi siya sa mga texting at tawag na nakarating sa kanya tungkol din sa kumakalat nang video niya. "That interview was like, mga 2003 or 2004. Sobrang tagal na no'n," aniya pa tungkol dito.

Kahit na wala namang partikular na pangalan, ahensiya o mismong rehimen na binanggit si Aga, inilagay na lang ng gumawa ng video na ang pagsesentimyento at paglalahad ni Aga ng sama ng loob sa gobyerno ay para sa administrasyong Arroyo. Pero nilinaw ni Aga sa PEP na wala siyang pinatutungkulang administrasyon.

"No. It's not just this government but also the past governments," paglilinaw nga ni Aga.

Although unfair din naman daw na magturo ng sisi o ibuhos ang frustrations niya at ng taong bayan sa pamamalakad ng gobyerno, ang mga sinabi lang naman daw niya sa interbyung iyon ay base na rin sa mga naobserbahan niya sa mga lumipas at kahit na sa kasalukuyang gobyerno.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Basically, what I said then, four or five years ago, it's still happening today. It's all the same," tukoy ni Aga. "Tingnan mo, kung in the past, nandiyan yung mga nag-aaway na senador, nagtuturuan na government officials...gano'n pa rin naman hanggang ngayon."

Kung anuman daw ang opinyon niya sa gobyerno noon ay siya pa ring opinyon niya hanggang ngayon. Kung mas bigyan lang daw sana ng panahon ng mga taong gobyerno ang magtrabaho kesa magbangayan.

"Tulad ngayon, pagkatapos ng [typhoon] Ondoy, ang daming properties na nawala, ang daming buhay na nawala...yung iba, yung mga binaha, makikita mo sa TV yung mga kotse nila, tinangay ng baha, nasira. I mean, yung ibang mga tao, minsan parang yung buong kabuhayan nila at paghihirap nila sa pagtatrabaho, inilaan lang nila para magkaroon ng magandang kotse na hinuhulugan pa nga nila, pero ngayon, wala na after Ondoy. Maibabalik ba yung mga nawalang iyon sa pagtuturuan at pag-aaway ng mga tao sa gobyerno?

"And there is this plan supposed to be na hindi sinunod, kaya nangyari yung flood, yung pagbuhos ng basura. It was planned way back pa during the past government, pero up to now, ganun pa rin ang practice na ningas-kugon. Gawa tayo ng plano, start tayo ng plano, pero hindi naman susundin. Short-cut na lang."

Hindi rin daw maintindihan ni Aga kung bakit sa dami ng mga nababalitaang malalaking pera ng gobyerno na napupunta lang sa ibang mga bagay at luho ng ilang tao sa gobyerno ay hindi mabigyang-solusyon ang mga kakulangan sa serbisyo para sa mga mamamayan, tulad na lang halimbawa sa edukasyon.

"Like, kelan ba yun, pasukan last year? Merong balita na maraming estudyante ang di makapag-aral dahil sa kakulangan ng mga schools. Wow, saan na napunta yung mga perang milyun-milyon o bilyun-bilyon ng gobyerno? I mean, alam na naman natin kung saan napunta, sino ang nagnakaw, pero ano ang ginagawa natin? Bakit walang nakukulong?" reklamo ni Aga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NO POLITICAL PLANS. Dahil sa mga pahayag ni Aga, may mga nakakaisip tuloy kung may plano si Aga na tumakbo sa darating na eleksyon.

"Ah, no. I cannot find it in my heart to run for any government position. I don't have any plans. I mean, okey na naman kaming nakakatulong kami na wala kami sa pulitika."

Tulad ng iba pang mga artistang nagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo, gumawa na rin daw sila ng asawa niyang si Charlene Gonzalez ng mga hakbang para makatulong at hindi na raw nila kailangan pa itong i-publicize.

"Hindi naman kasi kami sanay sa gano'n, e. Saka ayos na yung nakakatulong ka na konti lang ang nakakaalam. We already made donations without using our own names. Mas okey na yun na konti lang ang atensyon," sabi pa ni Aga na kabilang sa worthy causes na ginagawa ay ang MaAga Ang Pasko campaign with Jollibee na nangangalap ng mga lumang libro, laruan, at iba-iba pang donasyon para sa mga street children at mga bata sa bahay ampunan.

Pero paano kung may mag-approach sa kanya at kumbinsihin siyang tumakbo sa eleksyon next year?

"You know, I will tell you something, ha. I always joke about this. I will not run for any government position...but I will run for president. But I will not campaign. Because if I campaign, I will spend, and alam mo yun, babawiin mo yun while in office.

"Ang sabi nga, money is the root of all evil. So, let's not put money na lang on running for public office. So if I run for president, I will not campaign. But if I win, I will do my job well. Bubuksan ko ang libro ng bayan. O, ayan. Nasa Internet, nandiyan yung budget, kung saan napunta ang pera. Every day puwede mong i-check yan. Kahit sino, puwedeng magtanong kung saan napupunta ang pera ng bayan. Marami namang nag-i-Internet ngayon. Lahat naman naka-Internet na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dapat gano'n ang gawin ng tatakbong presidente. Buksan nila ang libro nila. Ipakita sa madla kung saan napupunta ang pera ng bayan. Halimbawa, kung may budget para sa calamity ng ilang bilyon o meron ding isang bilyon for road networks, dapat makita ng taong bayan kung ano ang status. At kung, halimbawa, may nawalang isandaaang milyon, saan napunta yun? O, ayan, check n'yo sa Internet, nandiyan lahat ng details. Kasi yun ang kailangan ng tao ngayon, yung makita nila kung saan napupunta ang pera ng bayan. Yung nakikita kung paano ang pamamalakad," mahabang pahayag pa ni Aga.

Para kay Aga, ang pinakamagandang administrasyon ay iyong bukas lagi sa mga mamamayan.

"Buksan ang libro ng bayan. Ipakita kung saan napupunta ang kaban ng bayan. 'Tapos yung mga senador, mga kongresista...mula sa pinakamaliliit na LGU [Local Government Unit] hanggang sa presidente, ipakita kung magkano ang suweldo nila, kung saan napupunta ang perang sinusuweldo nila. Buksan talaga nila ang sarili nila sa tao."

ENDORSING CANDIDATES. Kung wala siyang balak pumasok sa pulitika, meron ba naman siyang gustong i-endorsong pulitiko? Paano kung merong lumapit sa kanyang pulitiko at sabihing, "Aga, endorso mo 'ko, pareho pala tayo ng views?"

"Aba, 'wag sa akin. Sabihin niya sa taong-bayan yan. 'Tapos ibukas niya ang libro niya. Ibukas niya talaga. At 'wag kakampanya, dahil alam naman natin, partner, di ba? Kapag ang mga 'yan nangampanya, isang daang milyon ang kailangan para mangampanya. Paano mo babawiin 'yan? Bakit ka gagastos ng isang daang milyon kung susuweldo ka lang ng isandaang libo sa loob ng isang buwan? Ang i-eendorso ko, yung kapareho ng status ko. Yung kapareho ng gusto ko.

"Pag merong kandidato diyan na nagsabi, 'I will run for president but I will not campaign because I don't have the funds,' yan, naniniwala ako diyan. 'Yan ang iboboto ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka mahirap kung pulitiko ang tatakbo. Naku, patay tayo diyan," sabay tawa ni Aga.

Nabanggit tuloy ng PEP ang sitwasyon naman ng presidential aspirant na si Noynoy Aquino na nagpahayag na wala siyang sapat na pondo para tumakbo. Kaya nga nangangalap ng donasyon ang mga supporters nito para sa pondo sa kampanya nito. Ano naman ang masasabi ni Aga rito?

"Ayokong mag-comment...No comment muna ako diyan," maikling sagot lang ni Aga.

SHOWBIZ PERSONALITIES ENTERING POLITICS. Ano naman ang masasabi niya sa mga artistang gustong tumakbo sa kahit na anong posisyon sa gobyerno?

"Ang lagi ko lang sinasabi...ke artista pa yan, businessman, o kahit ano pa man, kung tatakbo ka, siguraduhin mo lang na gagawin mo ang trabaho mo nang mabuti kapag nasa puwesto ka na. Dahil kung pumalpak ka at sinisisi ka na ng mga tao dahil pangit ang pamamalakad mo, huwag mong ibalik ang sisi sa mga tao, dahil ikaw yun. Mali ang ginagawa mo. Kaya nga kung di mo kaya, huwag ka na lang tumakbo. Lagi kong sinasabi sa lahat 'yan. Hindi lang sa artista kundi sa lahat ng tao na gustong tumakbo. Wala namang pinipili ang pagtakbo. Meron lang talagang mga taong para diyan."

AGA'S MESSAGE. Sa huli, nag-iwan na lang ng mensahe si Aga para sa lahat ng mga boboto sa susunod na taon na piliing mabuti ang mga iboboto at huwag lang magpadala sa popularidad.

"You know, I am not saying the Arroyo government is the worst administration. But there have been past administrations na pangit din naman and who knows will happen sa next administration. Baka mas grabe pa. Kaya nga ang sabi ko, piliing mabuti ang mga iboboto. Sana ang mailagay, yung magtatrabaho talaga.

"Hindi rin naman lahat ng tao sa gobyerno, puro mali ang ginagawa. Meron din namang ilan diyan na talagang nagtatrabaho at ibinibigay ang tamang serbisyo sa mga mamamayan. Ang problema nga lang, dahil masyado nang marumi ang tingin ng tao sa gobyerno, pati yung mga nagtatrabaho nang maayos, damay sa galit ng tao. Wala nang naniniwala sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tigilan na rin ng mga kakandidato yung using God's name sa pangangampanya nila. Meron kasi diyang nagsasabing, 'Kinausap ako ng Panginoon at ito ang sinasabi sa akin...' No. Lahat naman tayo kinakausap ng Panginoon. So, please stop using His name.

"Alam na natin ang nangyayari. Maliwanag na maliwanag...sobrang liwanag na kung ano ang nangyayari ngayon sa bayan natin. So, yung sinasabi nga lagi na, 'Now we learned our lesson'? No. Ang dapat, 'We should learn our lesson,'" pagtatapos ni Aga.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN