Survivor Philippines Palau Update: Bye-bye time for model Marvin Kiefer

18-year-old model Marvin Kiefer is the first castaway of Sonsorol, the merged tribe, to be voted off in Survivor Philippines: Palau.


Ang pinakabatang castaway ngayong season ng Survivor Philippines: Palau na si Marvin Kiefer ang natanggal sa unang Tribal Council ng merged tribe na Sonsorol.

Dahil itinuturing siyang malaking threat sa laro, ibinoto siya ng siyam niyang kasamahan, pati na ng mga dati niyang katribo sa Koror at ang naging malapit na rin sa kanya na si Jef Gaitan.

Noong una, ang akala ng lahat, ang tinaguriang "Taray Queen" na si Tara Macias ang matatanggal dahil hindi nito kasundo ang karamihan sa mga castaway. Pero dahil isang laro ang Survivor Philippines, mas pinili nilang tanggalin si Marvin dahil nga sa lakas nito sa challenges, na makakasagabal sa pag-abot nila sa tatlong milyong pisong cash prize at sa karangalan bilang Pinoy Sole Survivor.

RETURN OF THE BLACK PEARL. Pero bago tuluyang magpaalam si Marvin ay pinapili siya ng host na si Paolo Bediones ng pagbibigyan ng itim at puting perlas—na ginamit na rin sa unang season ng Survivor Philippines. Ang itim na perlas ay magsisilbing sumpa sa sinumang may hawak nito dahil may isang boto na siya agad sa susunod na Tribal Council. Samantalang ang may hawak naman ng puting perlas ay mababawasan ng isang boto sa susunod na Tribal Council.

Pagkatapos pag-isipan ni Marvin ay nagdesisyon siyang ibigay ang itim na perlas kay Mika Batchelor, samantalang kay Suzuki Sadatsugu naman niya ibinigay ang puting perlas.

Sa kanyang exit interview, ipinaliwanag ni Marvin na kaya niya ibinigay ang itim na perlas kay Mika ay dahil ayaw niyang maging "girls vs. boys" ang labanan. Sa pagkatanggal kasi ni Marvin ay tatlong lalake na lang ang natitira (Suzuki, Shaun Rodriguez, at Charles de Vera Fernandez), samantalang anim pa ang mga babae (sina Mika, Jef, Tara, Echo Caceres, Amanda Coolley Van Cooll, at Justine Ferrer).

Maluwag namang tinanggap ni Marvin ang kanyang pagkakatanggal. Bagamat may mixed feelings siya tungkol dito ay kailangan niya raw tanggapin ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Marvin ang kauna-unahang miyembro ng Jury na magdedesisyon kung sino ang tatanghaling Pinoy Sole Survivor.

THE MERGE. Nang makatanggap ng Tree Mail ang Koror at Airai ay nagtungo sila sa site ng challenge. Doon ay sinalubong sila ni Paolo.

Nagulat ang natitirang siyam na castaways—anim mula sa Koror at tatlo mula sa Airai—nang ipatanggal sa kanila ni Paolo ang buffs nila. In-announce ni Paolo na wala na ang Koror at Airai dahil iisang tribo na lang sila sa puntong yun.

Nagtalunan ang mga castaways at isa-isa silang binigyan ni Paolo ng kulay blue na buff, na magsisilbing kulay ng bago nilang tribo, ang Sonsorol.

Sinabi rin ni Paolo na walang Reward Challenge na magaganap, kundi bibigyan lamang sila ng reward. Lilibutin nila ang mga isla ng Palau sakay ng isang yate, kung saan meron silang cocktails, inumin, at isang piging.

JUSTINE'S RETURN. Pagkatapos ng paglilibot ng mga castaway sa Palau ay ibinaba sila sa Isla Debed, kung saan naroon muli si Paolo.

Ipinaliwanag ni Paolo ang activity na gagawin ng mga castaway. May dalawang shelters na ipapakita sa kanila. Iiskoran nila ang mga ito base sa ibibigay na criteria. Binigyan sila ni Paolo ng parchment at pansulat at sinabihang huwag magkopyahan.

Pagkatapos kilatisin ng mga castaway ang dalawang shelters ay kinuha na ni Paolo ang kanilang score sheets. Pero bago i-announce ni Paolo kung sino ang nanalo ay ipinapanood muna sa kanila ang isang twist na lingid sa kanilang kaalaman—ang Isla Purgatoryo.

Ang Isla Purgatoryo ang naging ang tahanan ng mga castoff. Dito naglabanan ang dalawang castoffs sa isang face-off challenge. Ang sinumang manalo sa kanila ang may karapatang manatili sa isla at bigyan ng Immunity necklace, hanggang sa dumating ang susunod na castoff.

Habang ipinapakita sa screen ang mga nangyari sa Isla Purgatoryo ay ikinuwento naman ni Paolo ang naging kapalaran ni Justine, ang kauna-unahang na-vote off at naging unang residente ng naturang isla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dito nalaman ng mga castaway na hindi pala tuluyang napatalsik sa Palau si Justine. Tinalo niya ang limang castaways na sumunod na natanggal sa kanya—sina Carol Gementiza, Maya Segovia, Vlad Nesas, Troy Perez at Louie Ang. Eighteen days nanatili sa Isla Purgatoryo si Justine.

Manghang-mangha naman ang mga castaway sa nasaksihan nilang kakayahan ni Justine.

Para sa huling face-off challenge ay nakaharap ni Justine ang huling na-vote off na si Cris.

Dito na in-announce ni Paolo na ang sinumang manalo kina Justine at Cris ang siyang magiging ika-sampung miyembro ng Sonsorol. At ang magde-decide kung sino ang mananalo ay ang mga castaway mismo base sa mga score na ibinigay nila sa dalawang shelters na ginawa nina Justine at Cris.

Hindi na mapakali ang mga castaways kung sino ang nanalo. At sa huli nga ay in-announce ni Paolo na ang nanalo sa challenge ay walang iba kundi si Justine.

Pinatunayan ni Justine na siya ang nag-iisang reyna ng Isla Purgatoryo.

FIRST INDIVIDUAL IMMUNITY CHALLENGE. Kinabukasan ay naganap na ang unang individual Immunity challenge ng Sonsorol.

Bago ipaliwanag ang mechanics ng challenge, ipinakita muna ni Paolo sa mga castaway ang Immunity necklace na magsisilbing simbolo ng kaligatasan ng sino mang may suot nito sa Tribal Council.

Sa challenge, nakakadena ang mga kamay ng castaways sa simula ng laro. Habang nakakadena ay kailangan nilang magsindi ng apoy, gamit ang flint at iba pang materyales na pang-apoy. Kailangang maabot ng apoy nila ang isang tali na nakakonekta naman sa mas mahabang linya sa tuktok, kung saan nakakabit ang dalawang susi. Kapag nasunog ang tali ay babagsak ang mga susi, at gagamitin ito ng mga castaway para mabuksan ang kanilang kadena. Kapag nakawala na sila, kailangan nilang itaas ang kanilang kamay at pumunta sa mat. Ang unang anim na castaways na makakagawa ng task ang siyang magpa-participate sa susunod na level.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kailangang hanapin ng anim na castaways na ito ang isang cargo net sa loob ng kagubatan. Aakyatin ito at lulusong sila sa mud pit kung saan may mahahanap silang tatlong pouches. Ang tatlong castaways na makakatagpo ng pouches ang siyang makakapasok sa next level.

Kapag nahanap ng castaway ang pouch, kailangan niyang pumunta sa mat na kakulay ng pouch. Sa loob ng pouch ay matatagpuan ang connectors sa isang sagwan. Kailangang i-assemble ng castaway ang tatlong tamang bahagi ng paddle.

Kapag na-assemble na ng castaway ang paddle, kailangan niyang pumunta sa isang maliit na bangka at kailangan niya itong isagwan papunta sa kanyang station sa gitna ng karagatan. Ang unang castaway na siyang makakakumpleto sa task ang mananalo ng Immunity necklace.

Sa unang round, si Shaun ang unang nakakumpleto ng challenge. Sinundan siya nina Amanda, Mika, Justine, Jef at Marvin.

Sa second level naman, ang mga nakahanap ng pouches ay sina Jef, Shaun at Justine.

Bagamat naunang nahanap ni Jef ang pouch at nai-assemble ang sagwan, nahirapan naman siyang isagwan ang kanyang bangka. Inabutan siya ni Shaun na halos wala kahirap-hirap na naabot ang kanyang station.

Si Shaun ang nakakuha ng Immunity necklace.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN