Allan K became emotional when All Star K aired its last episode

"Eight years is eight years, di ba? Bihira ang show na tulad ng All Star K! na umaabot ng ganyang katagal kaya kung sinuman ang nasa posisyon ko that day, maiiyak din kasi lahat ng magagandang alaala with the whole show ay mami-miss mo talaga," says Allan K.


Inamin ni Allan K na naging emotional siya nang magpaalam sa ere ang All Star K! The P1,000,000 Videoke Challenge noong nakaraang Sunday, October 18. Though eight years na itong umeere sa GMA-7, six years lang siyang naging host nito pagkatapos niyang palitan ang original host ng programa na si Arnell Ignacio.

"Oo naman!" sambit niya. "Talagang nagpakita ako ng emotions ko that day, kasi nga, ang daming magagandang memories ang nakuha ko from being the host of All Star K!. Imagine, after Arnell, na isa sa mga matalik kong kaibigan, ako ang napili ng GMA-7. Hindi madaling gawin na tanggapin yung trabaho because galing 'yon sa kaibigan mo. Nag-usap pa kami ni Arnell, kasi ayokong ma-guilty kapag tinanggap ko ang show.

"Pero it turned out na walang problema kay Arnell. I had his blessing kaya nagtuluy-tuloy ang All Star K!. Tapos, pinasok nga si Jaya as my co-host, ayun, at lalong naging bakla ang show! Mas enjoy kasi nga may rapport na kami ni Jaya and we both enjoy singing and making fun at each other sa show.

"Ang nakaka-miss talaga ay yung set ng All Star K!, lalo na si Aling Floor. Sabi nga ni Jaya, naging tao si Aling Floor nang dahil sa akin. Mami-miss ko ang bloopers namin tuwing taping. Sobra kasi kaming nagtatawanan talaga kapag taping namin.

"Before sa GMA Broadway lang kami, tapos nandito na kami sa bagong studio ng GMA-7 sa Timog. Yearly din may mga location kaming pinupuntahan at dala-dala namin ang malaking set. Kaya ang layo na ng inilakbay ng show talaga.

"Eight years is eight years, di ba? Bihira ang show na tulad ng All Star K! na umaabot ng ganyang katagal kaya kung sinuman ang nasa posisyon ko that day, maiiyak din kasi lahat ng magagandang alaala with the whole show ay mami-miss mo talaga," tuluy-tuloy na kuwento ni Allan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BANDAOKE. Ngayon ay pinalitan na ang All Star K! ng bagong show, ang BandaOke: Rock 'N Roll To Millions. Sina Allan at Jaya pa rin ang hosts at sinamahan pa ng grand winners ng Are You The Next Big Star? na sina Geoff Taylor at Frencheska Farr, plus ang finalist na si Jay Perillo with the BandaOke band.

Ikinuwento ni Allan sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na hindi raw agad sinabi sa kanila ni Jaya na magre-reformat ang show nila. Sinabihan lang daw sila na last taping day na nila for All Star K! kaya hindi nila mapigilan na maiyak. Pero noong sabihin na papalitan lang ang concept ng show nila, naiyak pa rin daw sila dahil sa kasiyahan.

"Natawa ako kay Jaya, kasi sinabi pa niya, 'Naku, mare, nawalan na ako ng isang show!' As in, parang na-depress na siya. Siyempre ako, nahawa na kasi nga alam ko ang feeling na nawawalan ng raket, di ba? Inisip ko rin ang staff ng show na mawawalan ng trabaho.

"Pero noong sabihin na reformatting lang ang gagawin, pero kami pa rin ang hosts at same staff, hayun, umiyak pa rin kami! Para kaming mga luka-luka!" natatawang lahad ni Allan.

Sang-ayon naman daw si Allan sa reformatting ng All Star K! dahil panahon na ngang mag-try na sila ng ibang style. Pero nandoon pa rin ang kasiyahan na bigay nila every Sunday night.

"After 400 episodes nga naman, it's really time for change. Gano'n naman lahat, di ba? Kapag nag-work na ang formula for such a long time, baguhin na kasi napagsasawaan din.

"Maganda ang concept ngayon for BandaOke kasi nga, may live band na kami sa set, plus magagaling ang mga bokalista naming sina Geoff, Frencheska, at Jay. Usung-uso ang rock music ngayon, di ba? Kaya mga outfit namin ni Jaya ay rocker talaga ang dating.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Fresh start ulit kami with fresh talents. Ang gaganda ng boses nina Geoff, Frencheska, at Jay, at hindi sila napapagod. Sing lang sila nang sing. Kami kasi ni Jaya, hinihingal na kami! Lalo na kung sabayan mo ang banda, dyusko 'day, hingal-to-death! Pero sing pa rin kahit kinakapos na ng hininga, di ba?" malakas na tawa pa ni Allan.

Ang maganda pa raw ay mas malaki ang budget ng show at ang jackpot ay isang milyong piso pa rin.

"Mas lumaki ang budget ng production kasi may live na at nadagdagan kami ng performers. Pero yung one million pesos, yun pa rin ang jackpot. This time, mas madali nang makapanalo ng jackpot kasi sa bawat team ay may singing coach. Kaya it will make it easy for whatever team na maglalaro to win the jackpot. Kaya mas masaya at mas bongga!"

Magsisimula ang BandaOke! Rock 'N Roll To Millions sa October 25 pagkatapos ng Mel & Joey sa GMA-7.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN