Survivor Philippines Palau Update: Sayonara, Suzuki!

Filipino-Japanese student Suzuki Sadatsugi becomes the latest castaway to be voted off Survivor Philippines: Palau. He is the fourth member of the Jury who gets to decide who will win the P3-million cash prize and the title Pinoy Sole Survivor.


Naging emotional at makapigil-hininga ang naganap na ika-apat na Tribal Council ng merged tribe na Sonsorol, kung saan ang Filipino-Japanese student na si Suzuki Sadatsugi ang natanggal.

Sa unang botohan ay ang Manila City Hall employee na si Shaun Rodriguez ang nakakuha ng pinakamaraming boto (3 out of 7). Pero dahil sa bisa ng hidden immunity na inilabas niya bago magsimula ang Tribal Council ay hindi counted ang mga boto laban sa kanya, kaya ang sumunod na castaway na may pinakamaraming boto ang matatanggal. Ang kaso, parehong dalawang boto ang nakuha ni Suzuki at ng businesswoman na si Justine Ferrer kaya kinailangang magkaroon ng tie-breaker.

Dahil iboboto nila ang isa't isa, hindi na pinaboto ng host na si Paolo Bediones sina Suzuki at Justine. Ang mga katribo nilang sina Shaun, Mika Batchelor, Jef Gaitan, Amanda Colley Van Cool, at Charles de Vera Fernandez na lang ang bumoto. Pero naging mahigpit pa rin ang labanan—tatlo para kay Suzuki at dalawa para kay Justine. Kaya sa huli ay si Suzuki ang natanggal.

Hindi napigilang umiyak ng ilang castaways sa pagkakatanggal ni Suzuki, na isa sa pinakagusto ng lahat dahil sa magandang ugali nito. Maging si Suzuki ay napaiyak sa kanyang exit interview.

Sa pagkakatanggal ni Suzuki ay anim na lang ang natitirang castaways—sina Justine, Shaun, Charles, Mika, Amanda, at Jef.

Si Suzuki naman ay magiging ika-apat na miyembro ng Jury, na kinabibilangan din nina Marvin Kiefer, Tara Macias, at Echo Caceres. Ang Jury ang magdedesisyon kung sino ang karapat-dapat makakuha ng cash prize na three million pesos at sa titulong Pinoy Sole Survivor.

Bago umalis si Suzuki ay pinapili siya ni Paolo kung sino ang pagbibigyan niya ng "red pearl" sa mga natitirang castaways. Ang sinumang may hawak ng "red pearl" ay awtomatikong magkakaroon ng dalawang boto sa susunod na Tribal Council. Ang napili ni Suzuki na pagbigyan nito ay si Mika.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SURVIVAL AUCTION. Hindi makukumpleto ang isang Survivor show kung wala ang traditional auction.

Pero bago simulan ang Survivor Auction, kailangan munang lumangoy ng castaways sa dagat papunta sa isang marker. Sa ilalim ng marker, na may lalim na eight feet, ay matatagpuan ang isang treasure chest. Sa loob ng treasure chest ay naroon ang rai stones na kulay blue, red, at yellow. Ang isang blue rai stone ay nagkakahalaga ng 10,000 pesos; ang red ay 5,000; at ang yellow ay 3,000.

Kailangang kumuha ang mga castaway ng kahit ilang rai stones sa loob lamang ng limang minuto bago magsara ang treasure chest. Ilalagay ng mga castaway ang makukuha nilang rai stones sa isang sako na ibibigay sa kanila. May option din ang mga castaway na tulungan ang isa't isa o hindi.

Pagkatapos lumangoy at sumisid ng castaways ng limang minuto, tanging sina Amanda, Shaun, at Mika lang ang nakakuha ng rai stones, samantalang walang nakuha sina Suzuki, Charles, Justine, at Jef.

Kinuha ng host na si Paolo Bediones ang mga sako nina Mika, Shaun, at Amanda at pinalitan niya ito ng eksaktong halaga na katumbas nito sa peso bills. Si Amanda ay nakakuha ng 131,000 pesos, si Shaun ay nagkamal ng 81,000 pesos, at si Mika ay nakakuha ng higit sa 150,000 pesos.

Pagkatapos nito ay sinabi na ni Paolo ang rules para sa auction. Maaari silang humiram at humingi ng pera, pero hindi nila maaaring ibahagi sa ibang castaway ang kanilang reward.

Dahil si Mika ang nakakuha ng pinakamaraming rai stones, inabot sa kanya ni Paolo ang isang envelope na maaari niyang gamitin sa auction.

Ang starting bid ay 5,000 pesos. Ang ilan sa mga naka-auction ay nakatakip at ang iba naman ay naka-expose. Nasa mga castaway kung magbi-bid sila o hindi.

Ang unang pina-auction ni Paolo ay chicken barbecue at pork barbecue na may kasamang kanin at malamig na pineapple juice. Si Shaun ang unang nag-bid at walang mas mataas na nag-bid kaya sa kanya napunta ang item, na kinain niya sa tabi ng mga castaway.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang pangalawang item naman ay nakatakip. Sa huli, si Amanda ang nanalo sa bidding na umabot sa 15,000 pesos. Ang item: isang maliit na piraso ng jell-o.

Nakatakip din ang sumunod na item. Nakuha ito ni Mika sa halagang 26,000 pesos. Pagkatapos nito ay pinapili siya ni Paolo sa dalawang nakatakip na items. Pinili ni Mika ang pangalawa.

Nang buksan ni Paolo ang unang item, tumambad ang tatlong piraso ng chicken feet na may kasamang kanin. Pagkatapos nito ay ipinakita ni Paolo ang pinili ni Mika—isang buong manok na may kasamang mango shake.

Tinanggal naman ni Paolo ang takip ng huling item sa first stage ng auction—ang pinakaaasam ni Amanda na chocolate cake. Pagkatapos ng mahaba-habang bidding, napunta ang chocolate cake kay Amanda sa halagang 46,000 pesos.

Inamuy-amoy nina Charles at Suzuki ang chocolate cake habang sarap-sarap naman si Amanda sa pagkain nito. Sinabi ni Mika na magbabayad siya ng 5,000 pesos para dilaan ang mga daliri ni Amanda. Pumayag si Paolo.

Sa second part ng auction ay sinabi ni Paolo sa mga castaway na mamili sila ng kanilang partner, maliban kay Mika.

Sina Shaun at Suzuki ang naging mag-partner, pinili naman ni Amanda si Charles, habang sina Justine at Jef ang naging magkakampi. Ang mga magkaka-partner ay kailangang pagsamahin ang kanilang mga pera para makapag-bid.

Ang unang in-auction ay para sa Milky Way Spa at jet ski adventure. Ang nanalo nito ay sina Charles at Amanda sa halagang 26,000 pesos.

Sumunod namang in-auction ay coffee with the president of Republic of Palau na si Johnson Toribiong sa White House ng Palau. Sa huli, nanaig sina Justine at Jef sa halagang 69,000 pesos.

Hindi naman sinabi ni Paolo ang huling item. Pero kinagat pa rin ito ng mga castaway at sa huli ay sina Suzuki at Shaun ang nanalo sa halagang P15,000. Pero nang basahin nila ang nakalagay sa parchment, ang nakasulat dito ay: "Trip to camp."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Doon na natapos ang auction. Pero sinabihan ni Paolo si Mika na buksan ang kanyang envelope. Ang laman nito ay open ticket at maaari niyang piliin ang isa sa tatlong trips. Pinili ni Mika ang coffee with the president kasama sina Justine at Jef.

Pagkatapos nito ay sinimulan na nina Mika, Jef, Shaun, at Charles na dilaan ang mga daliri ni Amanda na punung-puno ng chocolate frosting.

Sinabi rin ni Paolo kina Shaun at Suzuki na isang tree mail message ang naghihintay sa kanila sa camp.

Habang ini-enjoy ng mga kasama nila ang kanilang mga reward, bumalik sa camp sina Shaun at Suzuki. Pagbalik nila, nakita ni Suzuki ang bote na naglalaman ng third clue para sa hidden immunity. Dito ay napagtanto nila na ang hinahanap nilang hidden immunity ay nakasabit sa puno. Pagkatapos nga ng ilang sandaling paghahanap ay nakita rin nila ito sa wakas.

Pagbalik nina Amanda at Charles sa camp, tinanong ni Amanda sina Shaun at Suzuki kung nakakuha sila ng tree mail tungkol sa hidden immunity. Itinanggi ng dalawa na meron silang nakuha. Pero hindi naman sila pinaniwalaan ni Amanda.

Pinag-usapan naman nina Shaun at Suzuki na kung sino man ang manalo sa kanila sa susunod na Immunity challenge ay sa isa mapupunta ang Immunity bracelet na nahanap nila.

Dahil natunugan ni Shaun na siya ang iboboto ng mga babae, hiningi niya kay Suzuki ang hidden immunity para makaligtas siya sa Tribal Council. Nagamit nga ni Shaun ang hidden immunity, pero nalagay naman sa alanganin si Suzuki.

BASAGAN NG PINGGAN. Para sa susunod na Immunity challenge, kailangang pintahan ng lahat ng miyembro ng Sonsorol ang kanilang mga katawan ng kulay na mapipili nila. Pink ang pinili ni Justine, green para kay Amanda, purple para kay Mika, black para kay Shaun, brown para kay Charles, red para kay Jef, at yellow para kay Suzuki.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa challenge na ito, may pitong bamboo posts kung saan pitong plato ang nakalagay na kakulay ng mga pinta sa katawan ng mga castaway. May tatlong rounds ang challenge kung saan ang mga castaway ay bibigyan ng sampung pagkakataon na batuhin at basagin ang mga plato ng ibang castaways.

Sa katapusan ng tatlong rounds, ang castaway na may pinakamaraming pinggan na natira ang makakakuha ng Immunity necklace. Kung sakaling magkaroon ng tie, ang bawat castaway ay bibigyan ng maliit na sako kung saan makakakuha sila ng sampung bato.

Kanya-kanya ng target ang mga castaway kung saan lumabas kung sino ang gusto nilang ma-out sa laro. Binulungan ni Shaun si Mika na si Justine ang unahin nila, samantalang ang mga babae naman ay si Shaun ang puntirya.

Sa huli, ang pinakamaraming naiwang plato ay sina Mika, Charles, at Suzuki. Kaya nagkaroon ng tie-breaker. Pinuntirya nina Charles at Suzuki ang mga plato ni Mika.

Pagkatapos ng challenge, dalawa ang natirang plato ni Mika, tatlo kay Suzuki, at apat kay Charles. Si Charles ang nanalo ng Immunity kaya hindi siya puwedeng iboto sa susunod na Tribal Council.

Ipinaalala rin ni Paolo sa mga castaway na magagamit lang ang hidden immunity hanggang final 5. Pagkatapos nito ay wala na itong bisa.

LAST-MINUTE SCRAMBLING. Pagbalik ng mga castaway sa camp ay kanya-kanya na ng gapangan ang pitong natitirang castaways para sa susunod na Tribal Council. Malinaw ang mabilis na pagpapalit-palit ng mga alyansa na ikinagugulo ng ilan sa kanila.

Dahil sa pagkawala ni Echo, hindi ngayon alam ni Justine kung buo pa ba ang girls' alliance at maging ang Koror alliance. Bagamat malinaw noong una na buo pa rin ang Airai alliance—na kinabibilangan nina Mika, Shaun, Jef, at Amanda—nagbago ito nang malaman ng mga babae ang pakikipag-alyansa ni Shaun kina Suzuki at Charles.

Dahil dito, gumawa ng plano si Mika na ibalik ang girls' alliance upang mapatalsik si Shaun o di kaya ay si Suzuki. Pero nang minsang mag-usap-usap ang mga babae ay huli na nang malaman nila na nakikinig pala sa kanila si Shaun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang kinumpronta ni Shaun si Mika tungkol sa mga usapan ng mga babae, idinahilan ni Mika na sinabi lang nila yun para makumbinsi si Justine na si Shaun ang iboboto, pero hindi naman talaga. Pero hindi nakumbinsi si Shaun kaya tuloy pa rin ang pagpaplano niya kasama sina Suzuki at Charles na si Justine ang iboto nila.

Ilang sandali bago magpunta sa Tribal Coucil, mabilisang gumawa ng alyansa si Justine kasama sina Jef at Charles para iligtas ang sarili niya sa pagkaka-vote out.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN