Arnel Pineda flatly denies rumors that he is leaving Journey

"Hanggang gusto po ako ng banda, hangga't gusto ng mga tao na bahagi ako ng Journey, hindi po ako aalis sa grupo. Mahal ko po ang grupo," says international Filipino singer Arnel Pineda.


Marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan ang lead singer ng Journey na si Arnel Pineda kaya naman sumuporta siya sa grand opening ng Empire Superclub and Taboo Room sa Julia Vargas St., Pasig City.

Isa sa mga nagbigay ng break kay Arnel noong panahong struggling singer pa lang siya ay co-owner ng bagong bar. Kaya hindi nagdalawang-isip si Arnel nang maimbitahan siya nito.

Sa pakikipag-usap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Arnel sa opening ng naturang bar kagabi, November 3, sa Bldg. II ng Ortigas Home Depot Complex, naikuwento niya na dati siyang batang kalye.

Naranasan na raw niya noon ang matulog sa Luneta dahil wala siyang bahay na mauwian. "Opo, naranasan ko po ang maging isang batang kalye!" sambit niya.

Hanggang sa marami na ngang tao ang nakapansin sa talento niya bilang mahusay na mang-aawit at tinulungan siya para marating ang kasikatan ngayon.

At bilang pasasalamat dahil sa magagandang suwerteng dumating—at patuloy na dumarating—sa buhay niya, isa sa advocacies ni Arnel ang pagtulong sa street children sa pamamagitan ng Arnel Pineda Foundation. Naglalayon itong sumuporta sa mga batang nangangailangan.

Maging ang mga biktima ng bagyong Ondoy ay tinulungan din ng foundation ni Arnel. Sa katunayan, mismong bahay niya ay nasalanta rin.

"Binaha po ang bahay namin sa Commonwealth. Ang naapektuhan nang husto, yung music room ko. Nabasa po ang mga musical equipments ko, pati yung garden at bahay kubo dun sa garden.

"Pero ayos lang po yun. Kapag naiisip ko po kasi yung mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay nang dahil sa mga bagyong dumating sa bansa natin, naiisip ko na mas masuwerte pa rin ako. Na ako, mga gamit lang ang naapektuhan, mga materyal na bagay lang, kaya ipinagpapasalamat ko yun," saad ng bokalista ng Journey.

At 42, masayang-masaya si Arnel sa takbo ng kanyang music career, at ng kanyang personal life.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May asawa at limang anak si Arnel. For the first time nga, naisama niya sa States ang misis niya at mga anak during one of his concert tours with Journey.

"Napagod nga po sila, sa mga plane rides at bus rides at kapupunta sa airport!" natawang kuwento pa ni Arnel.

Naitanong din kay Arnel kung kamag-anak ba niya si Allan Pineda o apl.de.ap ng sikat na grupong Black Eyed Peas. Pareho kasing tubong- Pampanga sina Arnel at Allan, pero half-Filipino ang huli

"Napag-usapan nga po namin, na ano kaya, magkamag-anak ba kami, and tine-trace po namin kung magkamag-anak nga ba kami o hindi," sabi ni Arnel.

Napansin din namin ang maikling buhok ngayon ni Arnel. Naisipan lang daw niyang magpagupit nang maigsi. Wala naman daw kinalaman ang gupit sa pagiging member niya ng Journey.

NOT LEAVING JOURNEY. Speaking of Journey, intrigang nagbabalak nang magsolo ni Arnel, na diumano'y iiwan na niya ang Journey. Nilinaw naman niya ito sa PEP.

"Hindi po. Hanggang gusto po ako ng banda, hangga't gusto ng mga tao na bahagi ako ng Journey, hindi po ako aalis sa grupo. Mahal ko po ang grupo," sabi niya.

In fact, nakaplano na raw ang world tour ng Journey sa 2011.

"Magkakaroon po kami ng Asian tour, European tour, American tour, at kung saan-saan pa."

Napag-alaman din naman na wala palang kontrata si Arnel sa Journey.

"Gentleman's handshake lang po," sabi ni Arnel tungkol sa pagiging vocalist ng Journey.

Paalis ngayong araw, November 4, si Arnel patungong Oakland, California para sa isang gig ng Journey.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN