Roderick Paulate reminisces about beloved mother who passed away on All Saints Day

"Hindi ko mapapantayan ang kabutihang ibinigay sa akin ng Mama ko," Roderick said on Startalk yesterday.


Halos lahat sa showbiz, lalo na ang mga naging kasabayan ni Roderick Paulate sa industriya, ay naging saksi sa pagiging mapagmahal na ina ni Ginang Paz Mendenilla Paulate sa kanyang anak na komedyante. Na sinuklian din naman ni Roderick ng katumbas na pagmamahal.

Noong mismong All Saints Day, November 1 (sine-celebrate sa Pinas bilang Araw ng mga Patay sa halip o kasabay ng Nov 2, All Souls Day), pumanaw si "Mamang" dahil sa sakit na renal failure. Kahapon, November 7, inihatid siya sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park.

Ayon kay Roderick na nakapanayam ng Startalk sa burol ng kanyang ina, "Matagal na kasing diabetic si Mama. So, pabalik-balik na rin siya sa hospital because of that. Tapos, marami na rin siyang surgeries na nangyari, pero, sa awa ng Diyos, lahat naman naligtasan niya.

"Pero naging problema talaga na tumagal kami sa hospital nang magka-renal failure siya. So, she had to undergo dialysis. Nilagyan siya rito ng catheter, hindi maganda ang flow, ni-transfer rito, doon nasaktan siya. Doon nasaktan talaga siya and she was really complaining about the pain. Do'n tumagal ang pain niya at after siguro four to five hours, yun na, bumaba na ang BP [blood pressure] niya, hindi na gumanda ang condition niya. Dinala na siya sa CCU [coronary care unit]."

GOOD MEMORIES. Looking back, alam naman daw ni Roderick na napasaya niya ang kanyang ina sa maraming paraan at ibinabalik lang naman daw niya ang pag-aarugang natamasa niya rito.

"Dumating sa punto na dinadala ko ang nanay ko sa Luneta. Alam mo yung binabalikan ko ang buhay namin noon. Gusto raw niya ang Luneta, so, dala-dala ko ang wheelchair sa Luneta. Kasama ko siya sa Luneta, iniikot namin siya sa Luneta. Sabi niya, 'Naalala mo 'to? Noong bata ka, dinadala kita rito.'

"Kung inalagaan ako ng nanay ko noong bata ako, natural lang na ibalik ko sa 'yo, Ma. Sa totoo lang, there was a time, ang Mommy ko, ayaw na niyang magpagamot. Palagi niyang sinasabi, naaawa siya sa akin. 'Wala nang naiipon ka. Parang napupunta na lang... parang nag-iipon ka na lang kapag magkakasakit ako, may mailalalabas ka.' Sabi ko, 'Ma, wala yun. Pera lang yun.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dugtong pa ni Roderick, at hindi na napigilang maiyak, "Kasi, hindi ko mapapantayan ang kabutihang ibinigay sa akin ng mama ko."

LEAVING RODERICK. Ayon kay Roderick, natakot ang Mama niya na iwanan siya.

"Natatakot siyang umalis kasi, hindi raw niya ako maiwan. Kasi, ako na lang ang binata. Ako na lang ang nag-iisa sa buhay. Parang mahirap sa kanya na ako.... Madaling sabihin na tuloy na lang ang buhay ko, career ko, may mga kaibigan ako.

"Yun nga ang sinabi ko, pasalamat ako sa Diyos na actually, lahat ngayon, tumitindig ako ngayon na bukod sa pamilya ko, yung mga kaibigan ko na nakaakay sa akin. Hindi ako pinababayaan. Sana lang ano, tulungan ako ng Panginoon. Tulungan ako ni Mama. Nanay ko... na tumuloy ang buhay ko."

Hiningan din ng Startalk si Roderick ng mensahe niya sa kanyang pinakamamahal na ina.

"Ang hirap lang isipin, pero, sabi ko nga, pinoproseso ko 'to. Pero I know God is there for my Mom and gusto ko lang sabihin kay Mama na, Ma, mag-rest ka. Enjoy your new life in the presence of our Lord. And I'll be okay. Yun ang alam ko na pinoproblema ng Mama ko. I'll be fine. Kaya ko 'to, Ma. Hindi mangyayari 'to nang hindi kaya ko.

"Walang ibibigay ang Panginoon nang hindi natin kakayanin. Masakit. May mga bagay na dapat ibigay na masakit. Pero, pananampalataya na lang siguro ang magpapatibay sa akin."

Dugtong pa niya, "Hindi naman ngayon ko lang sasabihin ito, palagi ko itong sasabihin hanggang sa tumanda na ako, Ma, mahal na mahal kita. Ikaw ang number one, bukod sa Panginoon. Dito sa lupa, ikaw ang number one sa buhay ko, habang-buhay tayong magmamahalan at mamahalin kita. At yung itinuro sa akin, yun na lang, para mawala ang sama ng loob ko, I'll see you in heaven."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN