Justine Ferrer still in the healing process after 39 days in Survivor Philippines: Palau

"Kahit na hindi pa tapos ang show, may mga nagku-congratulate na sa akin. Pero sinasabi ko na hindi pa po tapos ang palabas. May mga pagdadaanan pa kaming lahat," says Justine Ferrer about being the favorite to win Survivor Philippines: Palau.


Hindi ma-explain ng Survivor Philippines: Palau castaway na si Justine Ferrer ang kanyang nararamdaman dahil malapit nang matapos ang naturang reality show ng GMA-7.

Isa si Justine sa apat na natitirang castaways na maglalaban-laban para sa three-million cash prize at sa titulong Pinoy Sole Survivor. Ang tatlo pang castaways na natitira ay sina Amanda Colley Van Cooll, Jef Gaitan, at Charles de Vera Fernandez.

Inamin ng pamosong transsexual na nalulungkot siya dahil tuwing napapanood niya ang mga pinagdaanan nilang hirap sa show, hindi niya mapigilang maiyak dahil kinaya nilang lahat ang mga matitinding pagsubok sa nagdaang mahigit isang buwan. Lalo na nga raw siya dahil nasubukan niyang tumirang mag-isa sa Isla Purgatoryo ng ilang linggo, kung saan ang tanging nakasama niya ay ang asong si Jumbo.

"Sa totoo lang, mas nami-miss ko si Jumbo!" tawa ni Justine nang makapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa dressing room ng Showbiz Central last Sunday, November 8. "Kasi noong mag-isa lang talaga ako sa Isla Purgatoryo, na pugad ng mga ahas, ng kung anu-anong mga hayop na hindi ko maintindihan kung ano sila, si Jumbo lang ang naging companion ko doon.

"Masasabi ko nga si Jumbo yung naging source of strength ko sa lugar na 'yon. Kung wala siguro siya, nag-give up na ako. Mahirap na ikaw lang ang nandoon. Minsan nga kinausap ko si Jumbo. Sinabi ko na kapag itong aso na ito ay bigla akong sinagot, it means na baliw na ako talaga! Sobra ang trauma ko sa lugar na 'yon."

Gusto raw sanang hingin ni Justine si Jumbo, pero ayaw raw ng may-ari nito na Pinoy rin.

"Gusto ko sana, kaso ayaw yatang ipaampon ng may-ari. Mabait kasi si Jumbo at turuan. Kaya pag-uwi namin ng Pilipinas after manggaling sa Palau, bumili kami ng aso at pinangalanan kong Jumbee kasi girl ang nabili naming aso. Hindi ko man naampon si Jumbo, may Jumbee naman ako," lahad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE CREATURES IN ISLA PURGATORYO. Ikinuwento rin ni Justine sa PEP na nagugulat daw siya noon dahil may mga gumagapang sa katawan niya habang natutulog siya. Minsan ay nakakakita raw siya ng mga mapanganib na hayop.

"Sobrang dilim sa isla na 'yon, as in pitch black talaga. Kahit may bonfire ka, hindi kaya dahil sa sobrang dilim. Kaya ako, natutulog ako kapag lumalabas na ang araw, e. Hindi ako makatulog sa sobrang dilim kasi may kung anu-anong pumapasok sa tinirhan kong kubo.

"One time, tulog ako tapos biglang may naramdaman akong gumagapang sa katawan ko. Malaking daga pala 'yon! Talagang hindi ako makakilos. Hindi ako kumibo hangga't hindi siya nakakaalis sa katawan ko. Kasi baka bigla akong kagatin, di ba?

"Isang gabi naman na sobrang lakas ng ulan, may nakita akong malaking crab na dumaan sa labas ng kubo ko. So, hinabol ko kasi pagkain ko siya the next day. Noong mahuli ko, tamang-tama dumating ang cameraman. Bigla akong sinabihan na, 'Justine, sa likod mo!' Noong tumingin ako sa likod, ang laki ng sawa! As in sobrang laking sawa na nakaangat ang ulo kasi umiinom yata ng tubig o kung ano ang ginagawa niya, basta nakaangat ang ulo niya. Napa-'Diyos ko!' ako talaga dahil kung hindi dumating ang cameraman at hindi niya nakita yung napakalaking sawa na 'yon, baka natapilok ako sa sawa at nilapa na niya ako."

Pero kahit nga raw sobra-sobrang hirap ang naranasan ni Justine sa isla na 'yon, nais pa rin niya itong balikan kasama ang ilang mga kaibigan para ipagmalaki na kinaya niyang mabuhay nang mag-isa doon.

"Hindi nga ba't ginawa na nila akong reyna doon?" tawa niya. "Gusto ko lang siyang balikan with my friends para ipagmalaki ko na I survived that island. Kahit na marami akong naranasan na never pang naranasan ng mga kaibigan ko, magiging parte ng buhay ko ang isla na 'yon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HEALING PROCESS. In the healing process pa rin daw si Justine—physically and mentally. Though magagaling na raw ang mga sugat na natamo niya sa kanyang mga pambihirang challenges sa isla, yung kanyang mental balance ang nangangailangan ng konti pang panahon na gumaling.

"Pinatingin naman kaming lahat sa isang psychiatrist at normal lang daw na may mga maranasan kaming kakaiba sa katawan at isipan namin, especially nga't nasanay kami na tumira sa isla.

"Minsan nga pag tulog ako, bigla na lang akong nagigising at kinakapa ko ang paligid ko. Feeling ko kasi, may mga bato at buhangin. Minsan naman, pakiramdam ko na may gumagapang sa akin na hayop. Ganyan ako for like three weeks pagkauwi namin. Hirap akong matulog kasi uncomfortable na bigla yung malambot na kama. Parang hinahanap mo yung matigas at maligasgas na higaan.

"Tapos pati sa pagkain mo, naiba rin, e. Nawala yung panlasa ko for other food. Nasanay kasi ang dila namin sa mga malalansang nahuhuli namin sa isla. Pero bumalik naman na ang craving ko sa ibang pagkain. Kaya sinasabi ko nga na in the process of healing pa rin ako. Medyo nagiging normal na ang takbo ng buhay. Kumbaga, nakapag-adjust na ako ulit," saad ni Justine.

Sa nalalapit na pagtatapos ng Survivor Philippines: Palau, marami raw nadiskubre si Justine sa sarili niya, maging sa mga naging kasamahan niya sa isla for 39 days.

"Sa show na ito namin naranasan ang sari-saring characters," sabi niya. "Iba't ibang ugali talaga na nakakapikon, pero may ibang tolerable naman talaga. But what's important ay natutunan namin ang pakikisama at magpatawad.

"Kung sa akala nila may sama ako ng loob sa sinuman sa tribo namin, wala talaga. At the end of the day kasi, magkakaibigan pa rin kaming lahat. Though may kanya-kanya kaming mga strategy, laro ito, e. Lahat kami gustong mapanalunan ang three million. Kaya natural lang na may mga plano kami na hindi alam ng isa o ng nakakarami. Kanya-kanya ito, e. Kaya nga Survivor ang tawag sa laro na ito, matira ang matibay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Isa pang natutunan ko sa show ay ang maging humble. Hindi ka makakapagyabang kapag wala ka nang kasama sa buhay, tapos wala ka pa ng kahit ano. Pera, damit, pagkain, shelter... wala lahat. Diyan ka matutong mabuhay. Kaya ina-apply ko 'yan sa buhay ko ngayon at sine-share ko 'yan sa lahat ng mga malalapit sa buhay ko."

Ano naman ang reaction kapag nakakarinig siya na siya ang deserving sa title na Pinoy Sole Survivor?

"Siyempre, flattered ako nang sobrang-sobra," nakangiting sabi ni Justine. "Kahit na hindi pa tapos ang show, may mga nagku-congratulate na sa akin. Pero sinasabi ko na hindi pa po tapos ang palabas. May mga pagdadaanan pa kaming lahat.

"Alam ko na dumaan ako sa hirap, pero lahat kami, gano'n naman ang pinagdaanan. Pare-pareho kaming nagutom, gininaw sa gabi, nabasa sa magdamagang ulan, matulog sa basang buhangin, masugatan at makagat ng kung anu-anong insekto sa isla. Para sa akin, lahat kami deserving sa iisang title na 'yan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN