Survivor Palau runner-up Justine Ferrer apologizes to Amanda Colley Van Cooll

"May mga nasabi ako, may mga nagawa ako na maski ako iniisip ko na bakit ko ba ginawa yun. Hindi ko dapat ginawa yun. Resulta lang yun ng walang kain, walang pahinga, pressure, 'tapos gusto kong manalo. Sana maintindihan ng mga tao yun. Sana bigyan nila ako ng chance na maipakita ko yung totoong Justine," said the famous transsexual of Isla Purgatoryo.


Walang panghihinayang si Justine Ferrer, ang pamosong transsexual at beauty queen ng Survivor Philippines: Palau, kahit na hindi siya ang itinanghal na Pinoy Sole Survivor sa live finale ng naturang reality show na ginanap kagabi, November 13, sa Studio 5 ng GMA Network.

"Wala, wala akong panghihinayang. Dinasal ko ito. Ini-ready ko na yung sarili ko para kung ano man yung lumabas ay maging magaan sa akin," sambit ni Justine nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Tinalo si Justine ng Probinsiyanang Tisay ng Mindoro na si Amanda Colley Van Cooll sa botong 4-3, pabor kay Amanda, mula sa mga boto ng seven-person Jury na kinabibilangan nina Mika Batchelor, Charles de Vera Fernandez, Shaun Rodriguez, Suzuki Sadatsugu, Echo Caceres, Tara Macias at Marvin Kiefer.

Ano ang feeling niya noong last vote na lang ang natitira?

"Kinakabahan, pero open talaga yung isip ko na anu't anuman ang mangyari, tanggap ko iyon nang maluwag sa puso ko."

HAPPY FOR AMANDA. Dahil dito ay masaya pa rin siya para kay Amanda. "Kasi deserving siya. Alam ko God's will ito. May plano ang Diyos para sa kanya at para sa akin. So, buong puso ko iyong tinatanggap. Masaya ako."

Sa live finale, nag-sorry si Justine kay Amanda at sa family nito dahil sa mga masasakit na nasabi niya habang nasa isla pa sila. Kailangan ba talagang mag-sorry siya?

"Oo, naman, kasi may mga nasabi ako, may mga nagawa ako na maski ako iniisip ko na bakit ko ba ginawa yun. Hindi ko dapat ginawa yun. Resulta lang yun ng walang kain, walang pahinga, pressure, 'tapos gusto kong manalo. Sana maintindihan ng mga tao yun. Sana bigyan nila ako ng chance na maipakita ko sa kanila yung totoong Justine, yung totoong ako."

Kay Amanda naman ay sinabi niya, "Amanda, you did a very great job. I'm proud of you. Sana magtuluy-tuloy yan. Sana mabigyan ka ng chance para maipamalas mo ang galing mo dito sa entertainment business. Good luck!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

A BETTER PERSON. Matindi talaga ang pinagdaanan ng tinaguriang Reyna ng Isla Purgatoryo na si Justine dahil siya ang pinakaunang natanggal sa 16 castaways. Pero pinatunayan niya ang kanyang galing at tatag nang talunin niya sa hiwalay na challenges sa Isla Purgatoryo ang iba pang castaways na na-vote off sa Tribal Council. Dahil dito ay nakabalik nga si Justine sa laro nang ipag-isang tribu ang Airai at Koror at tawaging Sonsorol.

Sa tuwing maiisip nga raw ni Justine at napapanood ang mga hirap na dinanas niya sa Survivor ay hindi niya mapigilang mapaiyak. Ngunit, "dahil sa Survivor I became a better person. Kaya malaki ang pasasalamat ko na nakasali ako dito at masayang-masaya ako."

Hindi ba siya nagtanim ng sama ng loob kay Mika nang tawagin siyang "devil" at "manipulator" nito sa last Tribal Council?

"No, tapos na yun, e. Nakapag-usap na kami. Nakapag-reconcile na kami. Okay na kaming lahat. Magkakaibigan na kaming lahat ng castaways."

Naging pinaka-close siya kina Echo at Charles. "Tapos lahat, even na. Pantay-pantay na."

SUPPORTIVE FAMILY. Very supportive daw ang family ni Justine sa kanyang Survivor experience. Mas lalo pa raw niyang naramdaman ang pagmamahal nila kahit natalo siya.

"Sila actually yung nagsasabi sa akin na, 'Huwag kang gi-give up. Matalo o manalo, okay lang yun. Di dapat huminto ang mundo. Ipagpatuloy mo ang buhay mo. Mahal ka namin.'"

Samantala, kahit natalo, mukhang naunahan na ni Justine si Amanda na magkaroon ng trabaho sa showbiz. Mapapanood na raw siya sa isang daily show ng QTV Channel 11 (Q11), sister network ng GMA-7. Ayaw pa niyang magbigay ng detalye tungkol dito. Basta abangan na lang daw ng mga manonood.

CLICK HERE for more photos.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN