Manny Pacquiao turns his victory party into a mini-concert

Manny Pacquiao kept his arm around the waist of wife Jinkee as he performed a song number during the victory party held earlier today, November 20, at SM Mall of Asia.


Knockout sa init at saya ang pagtanggap na ibinigay ng mga Pilipino sa Pambansang Kamao na si Manny "Pacman" Pacquiao sa kanyang homecoming party. Ginanap ang selebrasyon sa Atrium ng Mall of Asia sa Pasay kaninang hapon, November 20.

Ang programa ay paunang selebrasyon ng pagkapanalo ni Pacman sa laban nito kay Miguel Cotto para sa WBO welterweight championship, na ginanap sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, noong November 14. Ang pagkapanalong ito ng Pambansang Kamao ang nagbigay sa kanya ng ika-pitong titulo sa larangan ng world boxing at karangalan bilang kauna-unahang boksingero na nagkamit nito.

Kaya naman akmang-akma ang titulo ng homecoming party na inalay ng Kapuso station kay Manny: Pitong Panalo ni Pacquiao.

Sina Arnell Ignacio at Carla Abellana ang nagsilbing hosts ng programa.

"ONE IN 7.2 BILLION PEOPLE." Masasabing enthusiastic at excited ang mga fans ni Manny na dumalo sa victory party. Lalong naging excited ang mga tao nang pumasok na ang idolo ng bayan sa venue habang kinakanta ng ilang Kapuso male stars ang kanyang awit na "Pilipino ang Lahi Ko." Kasama ni Manny na umakyat sa entablado ang kanyang misis na si Jinkee, si DENR Secretary Lito Atienza, at ang executive vice president and COO ng GMA-7 na si Mr. Gilberto Duavit Jr.

"Ang araw na ito ay masaya at mayroong pagmamalaki. Sapagkat naipakita ni Manny ang galing ng Pilipino. Noong araw sabi nila si Mohammad Ali ay one in a million. Ngayon, puwede nating sabihin, 'Manny Pacquiao, one in 7.2 billion people!'" sambit ni Sec. Atienza na punung-puno ng paghanga at pagmamalaki para kay Manny.

Ayon naman kay Mr. Duavit, "Alam po ninyo, isa ako sa naging mapalad na mapanood nang live yung laban at wala hong katumbas na nakapalibot sa inyo... mga taga-ibang bansa na walang sinisigaw kung hindi pangalan ng isang kapwa Pilipino... Hindi lamang ho 'yon, ang mga kababayan ni Cotto mismo, hanggang fourth round, Cotto ang sinisigaw. Pero noong tumuntong na ang ika-limang round, Pacquiao na po ang isinisigaw!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang din sa mga nagbigay ng parangal sa Pambansang Kamao ang Senior Vice President ng SM Cinema na si Mr. Edgar Tejero at ang President ng SM Supermalls na si Ms. Annie Garcia. Isang DVD ng buhay ng business tycoon na si Henry Sy Sr. ang iniabot kay Pacman bilang token mula kay Mr. Sy.

MINI-CONCERT. Pagkatapos bigyan ng parangal ang Pambansang Kamao ay nagtuluy-tuloy na ang programa para sa kanyang victory party, na nagmistulang isang mini-concert nang maglaon. Naging "front act" niya ang mga song and dance numbers ng ilang Kapuso stars tulad nina Chynna Ortaleza, Ryza Cenon, Mico Aytona, Edgar Allan Guzman, at Rainier Castillo na nagsayaw ng hip hop dance number.

Nando'n rin sina Rich Asuncion, Mocha Uson, at Krissa Mae na nagsayaw ng sexy dance number. Nandoon rin sina Kyla, Jay-R, Jan Nieto, Jay Durias, Kris Lawrence, at Luke Mijares.

Kabilang din sa nag-perform ang Filipino international star at vocalist ng foreign band na Journey na si Arnel Pineda. Sadya namang world class at winner ang rendition ni Arnel ng "We Are The Champions," na ikinatuwa nang husto ni Manny.

Siyempre, hindi naman nagpatalo ang Pambansang Kamao nang simulan na niya ang kanyang "mini-concert." Nauna na niyang kinanta ang "La Bamba," na tinugtog ng kanyang bandang Kalsada, kasama ang singer at songwriter na si Lito Camo. Nakipagsabayan din ang Pambansang Kamao sa Filipina finalist sa programang Britain's Got Talent na si Madonna Decena sa duet nila ng "Sometimes When We Touch" at "Sumayaw Sumunod."

A SONG FOR JINKEE. Kinanta rin ni Manny ang "Born For You," na siya naman niyang inialay sa kanyang maybahay na si Jinkee.

Kamakailan ay nabalita ang hindi pagkakaintindihan nina Manny at Jinkee dahil sa mga pumutok na isyu na may relasyon diumano si Pacman sa sexy actress na si Krista Ranillo. Ngunit tila pinabulaanan ni Manny ang isyu sa pagiging sweet nito sa asawa at nang handugan niya ito ng isang bouquet of flowers. Dahil dito ay inudyukan si Manny ng mga fans na halikan ang asawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin naman si Jinkee kung kinakabahan pa rin siya sa tuwing sasabak ang asawa sa labanan ay inamin naman nito na kabado pa rin siya. Dagdag pa ni Manny, noong laban daw niya kay Cotto ay isinisigaw ng asawa niya na tapusin na agad ang laban.

Tinanong din si Jinkee kung ano ang pinaka-recent na regalo sa kanya ni Manny. Ang pagkapanalo ni Manny sa laban nila ni Cotto ang sagot ng proud wife.

Ubod naman ng kuwela at lively ni Manny sa buong programa. Ngunit naging seryoso siya nang ibigay ang mensahe sa mga kapwa niya Pinoy na naghahangad ding makamit ang kanilang mga pangarap.

"Huwag kayong mawalan ng pag-asa... Magiging successful kayo sa life niyo... Basta magtiwala lang kayo sa Panginoon," ani Manny.

Nagtapos ang Kapuso homecoming party sa pagkanta ni Manny ng kanyang awit na "Pilipino ang Lahi Ko."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN