Nina Kodaka's edge over other StarStruck V finalists: "Madasalin po ako."

Fil-Japanese Nina Kodaka is one of the Final 14 of StarStruck V. When asked about her edge over the other finalists, she replied: "Madasalin po ako. Tapos yung lola ko po, nagdarasal din po siya. Kaya tingin ko po, sa dasal po ng lola ko."


Karakter ang dating ng Fil-Japanese na si Nina Kodaka sa ilang entertainment press na dumalo sa presentation ng Final 14 ng StarStruck V last Monday, December 1. Mahina ang boses niya, mabagal magsalita, at parang walang ka-energy-energy kasi si Nina. May nagsabi pang para raw siyang si Sandara Park noong nagsisimula pa lang ito sa showbiz.

Kilala ba niya si Sandara Park?

"Opo," sagot nito.

Gusto ba niyang maging kagaya ni Sandara?

"Gusto ko pong magmukhang hindi foreigner."

May nagsasabi namang kamukha ni Nina ang young singer na si Charice Pempengco. Pero hindi raw ito kilala ng StarStruck V finalist.

Naaliw kami nang magbigay ang isang entertainment writer ng energy drink kay Nina habang ini-interview siya dahil parang kulang daw siya sa energy. Tinanggap naman ni Nina ang energy drink at hawak-hawak pa niya ito habang kausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press.

AUDITION IN JAPAN. Sa Japan nag-audition si Nina, 20 years old. Isa siya sa tatlong nag-audition sa ibang bansa na nakapasok sa Final 14, kasama sina Zeryl Lim ng Bahrain at Rye Burgos ng Los Angeles, California.

Pero tatlong taon daw nanirahan si Nina sa Pilipinas kaya kilala raw niya ang StarStruck Batch 1, 2 and 4. Pero hindi raw siya masyadong familiar sa Batch 3 dahil yun ang time na nasa Japan siya.

Ang tatlong taon daw niya sa Pilipinas ay ginugol niya sa pag-aaral sa Colegio de San Agustin at Sta. Catalina College. Kaya naman nakakapagsalita at nakakaintindi siya ng Filipino.

Wala raw silang cable TV sa Japan kaya hindi niya napapanood ang GMA Pinoy TV. Naging aware daw siya sa audition ng StarStruck V dahil sa kapatid niya.

"Yung kapatid ko po, nagtatrabaho sa pinag-awdisyunan nilang restaurant. Sinabi niya, 'Uy, punta ka dito. Last day na ng audition ngayon,'" kuwento ni Nina.

So, wala siya sana talagang intention na mag-audition?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko po kasi alam na may StarStruck audition. Pero noong malaman ko, talagang mag-o-audition po ako."

Isang Japanese song daw ang kinanta niya during the audition at ang sinayaw naman daw niya ay ang "Nobody" ng Wonder Girls.

"Singing na lang," parang hindi pa sigurado sa sagot niya si Nina when asked kung ano ang talent niya.

Kuwento ni Nina, naiwan daw siya ng eroplano nang tinawagan na siya para sa StarStruck V. "Kaya bumili na lang po ako ng ticket from Japan to Cebu, then to Manila. Yun na lang po ang meron nung araw na yun."

Tumawag daw siya agad sa Japan para ibalita sa kanyang mga magulang ang pagkakasama siya sa Final 14 ng StarStruck V.

"Nandito po kasi ang mga tita ko. Tapos, naiyak din po sila sa tuwa. Ako po kasi, sobrang naiyak po ako. Hindi pa po ako tinatawag, naiiyak na po ako kasi natawag si Sarah, si Mich [Liggayu], si Naomi [King]... Tapos nagdasal ako, sabi ko, 'Huwag niyo na po akong tawagin.' Kapag tinawag ako, parang wala na akong pag-asa kasi si Sarah [Lahbati], si Miche, nandun."

Pero sa huli nga ay sila ni Sarah ang nakasama sa Final 14.

Sa kanyang palagay, ano kaya meron siya na wala ang iba at siya ang nakapasok sa Final 14?

"Madasalin po ako," sagot niya. "Tapos yung lola ko po, nagdarasal din po siya. Kaya tingin ko po, sa dasal po ng lola ko."

Sino naman sa tingin niya ang biggest threat sa kanya?

"Si Sarah po... malaki po ang chance niya."

Ngayong nakapasok na siya sa Final 14, sa palagay kaya niya ay malaki rin ang chance niya na makapasok sa Final Four?

"Sana po," maikli niyang tugon.

IZA CALZADO. When asked kung sino sa local artists ang idolo niya, sinabi niyang si Iza Calzado. "Nagkataon pa nga po na siya ang council ng StarStruck Batch 5," sabi ni Nina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Biniro namin siyang baka kaya si Iza ang isinagot niya dahil alam niyang isa ito sa miyembro ng StarStruck Council. Although nang tanungin ang Final 14 ng huling Tagalog movie na napanood nila, Sigaw ang sinabi ni Nina.

"Si Iza po talaga. Kasi, noong audition pa nga lang po, siya na ang sinabi ko. At saka sa Sigaw ko po siya napansin. Ang galing po kasi niya," saad niya.

CLICK HERE to meet the Final 14 of StarStruck V.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN