Jinkee Pacquiao: "Hindi ako dapat makaramdam ng takot kasi ako ang misis ni Manny. Sila dapat ang matakot sa akin."

"Walang ibang taong puwedeng sumira ng matagal na naming pagsasama ni Manny. Hindi pa kilala si Manny sa buong mundo, kami na ang magkasama. Sabay naming pinagdaanan ang hirap at sakit ng buhay noong maging mag-asawa kami. Hindi nila alam ang mga pinagdaanan naming hirap kaya wala silang karapatan na sirain ang pamilya namin," says Jinkee Pacquiao.


Game na game ang misis ni Manny "Pacman" Pacquiao na si Jinkee sa pagsagot ng mga tanong na may kinalaman sa tunay na estado ng relasyon nilang mag-asawa, at maging sa muling pagbabalik sa bansa ng nali-link sa kanyang mister na si Krista Ranillo.

Inakala ng lahat na iiwas na si Jinkee sa media pagkatapos nitong magsalita sa kanyang mga naunang panayam. Pero marami ang natuwa sa press dahil sa pagiging prangka niya at pagiging tunay na palaban.

Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jinkee sa dalawang okasyon kahapon, December 8. Una ay sa opening and ribbon-cutting ng kanilang boutique na Team Pacquiao by Manny Pacquiao sa Robinson's Midtown sa Ermita, Manila. Pangalawa ay sa Christmas and victory party na ibinigay ni former governor Chavit Singson para kay Pacman sa Corinthian Gardens residence nito sa Quezon City.

Sa parehong okasyon ay masayang-masaya at walang ipinakitang pagkailang si Jinkee sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa kanilang dalawa ni Manny.

"THERE IS SUNSHINE AFTER THE RAIN." Sa blessing ng kanilang boutique ay sabay na dumating sina Manny at Jinkee at magka-holding hands pa sila. Inaalalayan din ni Manny si Jinkee dahil sa maraming tao ang dumalo sa event na ito.

"Nagpapasalamat kami ni Manny dahil nandito na naman sila para suportahan ang bagong business venture namin," simula ni Jinkee. "Dapat lang na nandito kaming dalawa dahil negosyo namin ito at nakakahiya sa mga taong sumusuporta sa aming pamilya.

"Wala naman na kaming problema ni Manny, e. Lahat maayos na. Hindi puwedeng magkaproblema kami ng mabigat dahil maaapektuhan ang mga bata at ang ibang mga taong malapit sa amin. Nag-uusap naman kami parati at alam ko na malaking pressure ang nasa balikat naming dalawa ngayon. Lahat kasi, gustong malaman ang mga nangyayari sa amin. Para tuloy kaming may TV show na lahat nakatutok.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero nasabi ko nga na there is sunshine after the rain. Paboritong quote ko 'yan ngayon. Kahit na gaano katindi ang lakas ng ulan, bagyo man siya, pagkatapos ng lahat ay lalabas din ang araw. Magiging maayos ulit ang lahat," nakangiting pahayag ni Jinkee.

PINAKAMATINDING BAGYO. Inamin ni Jinkee na ang pagkaka-link ni Manny kay Krista ang pinakamatinding bagyo na dumating sa buhay nilang mag-asawa. Hindi nahiyang sabihin ni Jinkee na iniyakan niya nang husto ang pangyayaring ito.

"Kahit sino naman, di ba?" sabi ng misis ni Pacman. "Tao lang naman tayo na nakakaramdam na may nangyayaring hindi tama. Babae ako at malakas ang pakiramdam ko sa ganyan. Talagang iniyakan ko siya nang husto at talagang sumama ang loob ko.

"Pero nagdasal ako sa Panginoon at sinabi ko na ipaglalaban ko ang pagsasama namin. Walang ibang taong puwedeng sumira ng matagal na naming pagsasama ni Manny. Hindi pa kilala si Manny sa buong mundo, kami na ang magkasama. Sabay naming pinagdaanan ang hirap at sakit ng buhay noong maging mag-asawa kami. Hindi nila alam ang mga pinagdaanan naming hirap kaya wala silang karapatan na sirain ang pamilya namin.

"Tulad nga ng sinabi ko, ipaglalaban ko ito nang patayan. Walang makakasira sa amin at kung ipagpipilitan nila, hindi sila magwawagi. Kakampi ko ang Diyos at ang mga taong nagmahal sa amin sa simula't simula pa."

CHANCE MEETING WITH KRISTA. Pinakumpirma rin ng PEP kay Jinkee kung totoong nagkasabay sila ni Krista sa Chanel boutique sa Los Angeles, California. Ito ay noong kainitan ng mga issue tungkol kina Manny at Krista.

"Totoo 'yon," mabilis na sagot ni Jinkee. "Noong pumasok ako sa Chanel, nandoon na siya. Naka-side view lang siya, pero may nagsabi na sa akin na si Krista raw 'yon. At siya talaga 'yon.

"Wala naman akong ginawa sa kanya. Nandoon siya para mamili at nandoon din ako para bumili rin. Pero aaminin ko na parang nasira ang araw ko noong araw na 'yon. Kasi 'yon yung kainitan ng tsismis, di ba? Tapos makikita mo pa siya doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya sa sama ng loob ko, naparami ang pinamili ko!" sabay tawa ng misis ni Pacman. "Hindi ko namalayan kasi galit nga ako kaya kuha lang ako nang kuha. Hindi lang naman sa Chanel 'yon kundi sa ibang stores din. Kaya pagbalik namin sa hotel, nagulat ako sa dami ng binili ko. Parang pinag-initan ko ang mamili kasi nagalit nga ako. Naku, ayoko nang magalit kasi napapagastos ako!"

Pero ngayong dumating na si Krista mula sa U.S. at nagsu-shooting na ulit sila ni Manny ng Wapakman, ano ang pakiramdam ni Jinkee? Threatened ba ulit siya sa presence ni Krista?

"Ay, walang gano'n. Nabalitaan ko ngang dumating na siya, kaya welcome back!" tawa niya. "Hindi ako dapat makaramdam ng takot kasi ako ang misis ni Manny. Sila dapat ang matakot sa akin, di ba? Pero hindi naman ako ang tipo na magbabantay sa set. Hindi ako gano'n ever since. Kahit na na-link si Manny before kay Ara Mina, never nila akong nakitang nagbabad or nagbantay sa set.

"Ipinapakita ko kay Manny na may tiwala ako sa kanya at alam kong alam niya kung ano ang makakabuti at makakasama sa samahan namin. Ang sinabi ko lang naman kay Manny, saktan na niya ako, pero huwag ang mga anak namin. Importante sa akin ang mga nararamdaman ng mga bata. Ayokong magalit sila sa kanya o sa ibang tao dahil pinalaki namin silang mababait at may respeto sa matatanda."

Maliit lang ang mundo ng showbiz at hindi maiiwasan na bigla silang magkasalubong ni Krista sa isang event o sa isang simpleng araw lang. Ano ang gagawin niya kung mangyari 'yon?

"Wala lang siguro. Pero kung talagang nagbanggaan kami, babatiin ko naman siya. Hi at hello. Babatiin ko pa siya ng Merry Christmas!" tawa ulit ni Jinkee.

Pero paano kung si Krista ang unang bumati sa kanya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko alam... okey lang 'yon. Kung siya ang unang babati sa akin, hindi ko siya babastusin. Hindi ako pinalaki ng magulang ko na bastos. Kung siya ang lalapit at kapag naramdaman ko na sincere ang pagbati niya, bakit ko naman siya tatanggihan?

"Pero pakiramdam ko, hindi pa mangyayari 'yan," patuloy niya. "Though hindi ko sinasara ang sarili ko sa ganyang sitwasyon. Kung mangyari man 'yan, bahala na ang Diyos."

THANKFUL TO GINA & MOMMY DIONISIA. Gusto ring ipaabot ni Jinkee ang kanyang pasasalamat sa aktres na si Gina Alajar dahil sa suporta na ibinigay nito sa kanya. Kahit hindi pa raw sila magkakilala ay naramdaman niya ang sinseridad nito.

"Nagulat nga ako sa ginawa niyang pagtatanggol sa akin at naramdaman ko ang pagmamahal niya. Gusto ko siyang makilala at maging kaibigan. Lahat ng mabait sa akin at sa pamilya ko ay gusto kong maging kaibigan. Kaya sana, someday, ay magkita kami at magkuwentuhan," saad ni Jinkee.

Isa pang gustong pasalamatan ni Jinkee ay ang kanyang mother-in-law na si Mommy Dionisia Pacquiao. Hindi raw siya nito pinabayaan at magaganda lahat ng payo nito sa kanya tungkol sa pagsasama nila ni Manny.

"Si Mommy naman, siya ang kakampi ko sa lahat ng mga nagiging problema namin ni Manny. Ako ang kinakampihan niyan parati. Natuwa nga ako nang sabihin niya sa akin na huwag akong patatalo dahil ako ang nag-iisang reyna sa buhay ni Manny. Naiyak nga ako sa sinabing 'yon ni Mommy kaya sobra-sobra ang pasasalamat ko sa pagmamahal na ibinibigay niya sa pamilya namin ni Manny.

"Kaya bilang regalo ko kay Mommy, binalatuhan ko siya. Di ba, nagpapagawa si Mommy ng bahay niya sa General Santos? May pinapagawa siya na ang worth ay eight hundred thousand. Sabi ko, dagdagan ko na 'yan para maging one million para wala na siyang maging problema. Kaya binigyan ko siya ng P200,000 para mas okey ang ipinapagawa niya. Natuwa naman si Mommy sa pagtulong na binigay ko sa kanya," lahad ni Jinkee.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CHRISTMAS PLANS. Usually ay sa General Santos City nagpa-Pasko sina Jinkee at ang kanyang pamilya. Pero dahil sa marami silang bahay, ang mga bata raw ang papipiliin nila kung saan nila gustong mag-spend ng Christmas.

"Dati-rati ay uuwi kaming lahat sa GenSan, pero bahala na ang mga bata kung saan kami. May mga kaibigan kasi sila sa Laguna na baka gusto nilang makasama sa Christmas. Pero ang importante ay magkasama kaming lahat. Walang mawawala at walang mababawas sa amin. Kailangan kumpleto kami sa Pasko."

Balitang niregaluhan daw siya ni Manny ng isang diamond-studded ring na milyun-milyon ang halaga. Simbolo raw 'yon ng paghingi ng tawad ni Manny sa kanya.

"Noong ibinigay sa akin 'yon ni Manny, sinabi niya na isuot ko raw parati at huwag kong hubarin. Kapag tiningnan ko raw 'yong ring, doon ko malalaman na ako lang ang babae sa buhay niya. Kaya heto, suot ko siya parati at hindi ko talaga tinatanggal kahit na maligo ako o matulog," nakangiting sabi ni Jinkee.

Ano naman ang Christmas gift niya for Manny?

"Wala pa akong napipili, e. Hindi ko rin alam ang gusto niya kasi halos lahat nasa kanya na. Siguro ang patuloy na pagmamahal ko at pagsilbi sa kanya bilang asawa ay magandang regalo na para sa kanya. Sabi nga nila, priceless gift 'yon at hindi nabibili kung saan. Naniniwala ako na walang presyo ang tunay na pagmamahal sa iyong asawa.

"Sinabi ko naman kay Manny na nandito pa rin ako at walang taong makakasira ng aming samahan. Walang makakapaghiwalay sa amin dahil kakampi namin ang Diyos at Siya ang magpapatibay sa aming dalawa sa gitna ng maraming problema," pahayag ni Jinkee.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN