Rhap Salazar dismisses intrigue pitting him against Charice Pempengco

"Ayoko po kasing isipin na pagtatapatin kaming dalawa ni Ate Charice dahil magkaibigan po kami. Basta po hindi ko na lang pinapansin yung mga ganun, kasi po pag masyado pa naming sineryoso yun, baka masira po yung friendship namin," says Rhap Salazar (in photo) about Charice Pempengco.


Aminado ang batang singing champion na si Rhap Salazar na alam niya na iniintriga sila ngayon ng kanyang kaibigan na si Charice Pempengco. Sinasabi kasing si Rhap daw ang threat sa international career ni Charice kaya nai-insecure ito sa kaibigan.

Ano ang masasabi ni Rhap dito?

"Nung nalaman ko po yun, nagulat po ako. Kasi parang nai-insecure daw po si Ate Charice sa akin. Hindi naman po totoo yun. So, hindi po kami naniniwala doon. Napag-usapan po namin ni Ate Charice yun at sinabi niya nga sa akin na huwag na lang naming pansinin yung intriga na yun," paglilinaw ng 12-year-old singer nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Pero natsa-challenge ba siya na pinagtatapat sila ni Charice?

"Natsa-challenge? Hindi ko po alam, e. Ayoko po kasing isipin na pagtatapatin kaming dalawa ni Ate Charice dahil magkaibigan po kami. Basta po hindi ko na lang pinapansin yung mga ganun, kasi po pag masyado pa naming sineryoso yun, baka masira po yung friendship namin," sagot niya.

THE ELLEN EXPERIENCE. Naiintriga ang magkaibigan dahil na rin sa live guesting ni Rhap kamakailan sa show ng American TV host na si Ellen Degeneres, kung saan din unang napanood si Charice sa U.S. Pareho rin ang paraan kung paano sila nakilala ni Ellen dahil kapwa sila napanood nito sa YouTube. Ang video na napanood ni Ellen ay ang winning performance ni Rhap sa 13th World Championship of Performing Arts (WCOPA) sa Hollywood.

Paano siya inimbitahan ni Ellen na mag-perform sa show nito?

"Nakita niya po yung video ko nung sumasali pa lang ako sa World Championship of Performing Arts. Tapos po tinawagan po ng mga staff at producer po ni Ellen yung president po ng World Championship. Tapos kinuha po yung mga contact numbers namin, yung Rhap Salazar nga raw po. Tapos yun po tinawagan po nila si Tita Kitchie [Benedicto], yung personal manager ko. Nag-usap-usap po kami. Tapos nagpadala po sila [Ellen] ng invitation hanggang sa makapunta na po kami sa show."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Rhap, hindi raw siya binayaran ng show sa pagkanta niya ng sariling bersyon at winning piece niya sa WCOPA na "All By Myself."

"Hindi po ako binayaran. Parang exposure lang po talaga. Pero may ibinigay naman po silang gift. Binigyan po nila ako ng PS3 o Playstation 3."

Kumusta yung experience niya sa Ellen?

"Masaya naman po," sagot niya. "Nung a day before ng taping ng Ellen, ipinasyal pa po nila kami sa Universal Studios. Tapos before po yung taping, nag-Warner Brothers tour po kami. Sila [staff ng Ellen] po yung nagbayad lahat nun."

Umaasa ba siya na after ng Ellen ay mangyari rin sa kanya yung nangyari kay Charice, na nag-guest sa Oprah pagkatapos ay nagkaroon na ng career sa U.S.?

"Sana din po. Kasi noong nag-guest siya [Charice] sa Ellen, tuwang-tuwa ako sa kanya. Kasi isa rin po sa dream niya yun, na maging isang international star, maging isang international singer. So, masaya po ako sa narating ni Ate Charice. Sana po mag-guest din ako sa Oprah."

Ayaw niya bang magpalakad kay Charice para makapag-guest din siya sa Oprah?

"Nakakahiya naman po," nakangiting sabi ni Rhap. "Pero nag-uusap naman po kami at sabi niya sana nga makapag-guest din ako sa Oprah."

Noong nasa U.S. na raw siya ay hindi sila nagkita ni Charice. Sa Twitter lang daw sila nag-uusap.

"Sinabi ko po sa kanya sa Twitter na nag-guest na po ako kay Ellen. Binati niya po ako at sinabi niya na masayang-masaya siya para sa akin."

Dream ni Charice noon na maka-duet si Celine Dion at natupad yun dahil kay Oprah Winfrey. Siya ba, sino ang gusto niyang maka-duet?

"Dream ko rin pong maka-duet si Whitney Houston. Nagbabalik na po siya at may bagong album pa siya,"banggit ng batang singer.

ACHIEVEMENTS. Bata pa lang daw si Rhap ay sumasali na siya sa mga amateur singing contests sa probinsiya nila sa Oriental Mindoro. Unang naipamalas sa telebisyon ni Rhap ang kanyang kahusayan sa pag-awit noong sumali siya at nag-champion sa Little Big Star ng ABS-CBN noong 2005.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos nito ay pinasok na rin niya ang acting nang maging bahagi siya ng cast ng top-rating fantaserye ng Kapamilya network na Kokey noong 2007. Nakagawa na rin siya ng dalawang pelikula. Una ay naging anak siya ni Eugene Domingo sa Paano Kita Iibigin na pinagbidahan nina Piolo Pascual at Regine Velasquez. Sumunod siyang napanood sa Ikaw Pa Rin na pinagbidahan naman nina Robin Padilla at Ai-Ai delas Alas.

Nitong July lang ay sumali si Rhap sa WCOPA. Nagbigay siya ng karangalan sa bansa nang tanghalin siya bilang Junior Grand Champion Solo Vocalist of the World at Junior Grand Champion Performer of the World.

Bukod sa dalawang trophies niya para sa mag naturang awards ay nagkamit din siya ng limang gold medals sa lahat ng categories na kanyang sinalihan, kabilang na ang Male Vocal Broadway, Male Vocal Gospel, Male Vocal Open, Male Vocal Pop at Male Vocal R&B/Soul/Jazz.

Dahil din sa kanyang tagumpay sa WCOPA ay kinuha naman si Rhap ng Western Union Company upang kumanta ng kanilang anthem para sa mga Overseas Filipino Workers, ang "Galing ng Pinoy," na may kasama pang music video.

Ang showbiz career ni Rhap ay co-managed by Kitchie Benedicto at ng ABS-CBN Star Magic.

SELF-TITLED ALBUM. Bukod sa mga naturang achievements, may isa pang bagay na ikinapa-proud ni Rhap. Ito nga ang pagkakaroon niya ng sariling album under Star Records. After niyang makasama sa ilang compilation albums ng Star Records, finally ay binigyan na rin siya ng solo album.

"Pangarap ko po talagang magkaroon ng sarili kong album kaya nagpapasalamat po ako sa Star Records dahil natupad na ang pangarap ko," sambit niya.

Ang self-titled album ay kinapapalooban ng limang kanta na pawang Michael Jackson at Jackson 5 songs: "Ben," "Music and Me," "Got To Be There," "One Day In Your Life," at "Never Can Say Goodbye." Lahat ng mga kanta ay may kasama ring minus ones sa album.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Puro po Michael Jackson songs ang kasama sa album ko kasi parang tribute na rin po ito sa King of Pop. Idol ko rin po kasi si Michael Jackson."

Dahil idol niya si Michael, ano ang naging reaksiyon niya noong mamatay ito?

"Nung nalaman ko po na he passed away, siyempre po nagulat ako kasi sa news ko lang po nalaman. Nagulat po talaga ako, halos mangiyak-ngiyak na po ako kasi si Michael Jackson wala na. Pinapanood ko po yung videos niya sa YouTube. So, lungkot na lungkot po ako nung mamatay siya," lahad ni Rhap.

Sa album niya, ano ang favorite niyang Michael Jackson song?

"Gustung-gusto ko po yung 'Ben' at 'One Day In Your Life.'"

Bukod kay Michael Jackson, idol din daw ni Rhap ang kuya-kuyahan niyang si Jed Madela na naging champion din sa WCOPA.

Ayon kay Nixon Sy ng Star Records, plano rin nilang bigyan ng full solo album si Rhap next year na kinabibilangan ng original compositions.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN