Krista Ranillo still avoiding the press

Krista Ranillo (in pink gown) was spotted at Enchanted Kingdom today, December 10, taping for a primetime series in ABS-CBN.


Hanggang ngayon ay mailap pa rin ang sexy star na si Krista Ranillo sa press.

Magmula nang bumalik siya sa Pilipinas, mula sa ilang linggong pagbabakasyon sa U.S., ay hindi pa rin nagpapaunlak ng interview sa media si Krista upang sagutin ang nababalitang relasyon diumano nila ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.

Dumating si Krista noong December 6 mula sa Los Angeles, California. Pero nagawa nitong umiwas sa media na nag-abang sa kanya sa Centennial Airport dahil may sumundo sa kanyang airport official.

Kinabukasan, December 7, ay nag-resume na si Krista ng kanyang shooting para sa pelikula nila ni Manny na Wapakman. Pero hindi rin pinayagan ang entertainment press na i-cover ito.

Kaninang umaga, December 10, ay nagtungo ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, Laguna, para sa grand presscon ng Ang Panday, ang pelikula ni Bong Revilla para sa GMA Films at Imus Productions. Parehong entry sa 2009 Metro Manila Film Festival ang Ang Panday at Wapakman.

Pagdating namin sa Enchanted Kingdom bandang alas-onse ng umaga ay eksakto namang naabutan naming nagte-taping ang isang primetime show ng ABS-CBN, kung saan ang kinukunan nila ng eksena ay si Krista Ranillo. Napag-alaman ng PEP na guest sa naturang show ang kontrobersiyal na sexy starlet.

Dahil hindi pa nakukunan ng litrato si Krista mula nang bumalik siya ng bansa ay sinubukan ng PEP at iba pang photographers na kunan ang anak ni Matt Ranillo.

Paglapit namin sa area kung saan sila nagte-taping ay napansin kami ni Krista na akmang kukunan siya kaya itinuro niya kami sa mga production staff ng ABS-CBN.

Pagkatapos nito ay nilapitan kami ng isang production staff at pinagsabihang huwag naming kunan si Krista. Paliwanag nila, ayaw nilang ma-preempt ang pagge-guest ni Krista sa kanilang programa.

At para makasiguro, isa sa mga kasama ni Krista ang nagsabi pang, "Iko-confiscate ko iyan," na ang tinutukoy ay ang mga dala naming kamera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ng ilang minuto ay lumipat na sila ng location. Napansin din naming sinundan kami ng security ng Enchanted Kingdom para tiyaking hindi na namin susundan si Krista.

Komento naman ng isang kilalang personalidad, kung ayaw talaga ng production staff na makunan ng litrato si Krista, sana raw ay hindi sila nag-taping sa isang pampublikong lugar, gaya ng Enchanted Kingdom.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN