(UPDATED) Sharon Cuneta's Yaya Luring dies of cardiac arrest

Sharon Cuneta (main photo) will celebrate Christmas without her Yaya Luring, whom she fondly called "Lola." Inset shows Yaya Luring (left) with her famous alaga (middle) and Sharon's eldest, KC Concepcion.


Malungkot ang Pasko ni Sharon Cuneta dahil sa pagpanaw ng kanyang Yaya Luring, ang nag-alaga sa kanya magmula noong siya ay limang taong gulang pa lamang.

"My beloved Yaya Luring left me last night after 40 years," ang pasabi ng Megastar sa kanyang text message.

Binawian ng buhay si Loreta Benitez habang nagdaraos ang pamilya ni Senator Kiko Pangilinan ng Christmas party para sa mga kasambahay sa tahanan nila sa Ayala Westgrove Heights sa Laguna. Ayon sa balitang natanggap ng PEP (Philippine Entertainment Portal), nagkaroon daw ito ng cardiac arrest. Siya ay 83 taong gulang, at may dalawang anak, sina Delia at Eddie.

MEGAYAYA. Maituturing si Yaya Luring bilang pinakasikat na yaya sa buong bansa. Saan man naroon ang kanyang alaga, tiyak na nandoon din siya. Sa isang panayam sa diyaryo, sinabi nitong nasa tabi siya ni Sharon "sa hirap at ginhawa."

Isang Pangasinense na galing sa bayan ng Mangatarem, una munang nagtrabaho si Yaya Luring sa pamilya Cuneta bilang labandera. Ang ama ni Sharon na si Pablo Cuneta ang nagtalaga sa kanya bilang tagapag-alaga ng kanyang bunso. At magmula noon ay hindi na siya nawalay sa pinakapopular na anak ng dating mayor ng Pasay. Nakasama pa nga si Yaya sa Fuji Film commercial ni Sharon noong taong 2002.

Subalit nitong mga huling biyahe ng Megastar sa labas ng bansa ay hindi na nakakasama si Yaya Luring. Sa katunayan, noong lumipad si Shawie sa Beijing, China, kung saan kinuhanan siya ng ilang eksena para sa pelikulang Mano po 6: My Mother's Love, wala ang kanyang masayahing yaya.

Mamayang gabi, ika-20 ng Disyembre, nakatakdang ganapin ang premiere ng kanyang unang pelikula sa Regal Films sa SM Megamall, pero baka hindi na makadalo ang Megastar dahil sa pagpanaw ni Yaya Luring.

Sa Sanctuario de San Antonio sa McKinley Road, Forbes Park, Makati, nakaburol ang mga labi ni Yaya Luring. At sa Heritage Park naman sa Taguig siya ililibing sa ika-23 ng Disyembre.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN