Barbie Forteza gets more than she expected after joining showbiz

"Yung pagiging sikat naman po kasi, hindi po yun ang goal ko talaga nang mag-isip ako na mag-artista. Gusto ko lang po na makita sa TV. Gusto ko na mapanood ako. Tapos, gusto ko na makakita ng artista. Kasi po sa GMA, kapag may nakikita kami, palagi akong nagpapa-picture. Tapos sinasabi ko kay Mama, sana balang-araw makasama ko sila," says young star Barbie Forteza.


Malayu-layo na rin ang nararating ng young star na si Barbie Forteza mula nang gumanap siya bilang batang Jodi (Rhian Ramos) sa GMA-7 primetime series na Stairway To Heaven. Naging maganda rin ang pagtanggap ng mga tao sa tambalan nila ni Joshua Dionisio, na gumanap naman bilang young Cholo (Dingdong Dantes).

Pagkatapos ng Stairway To Heaven ay binigyan sila ng lead roles sa isang episode ng Dear Friend, ang "Christmas List." At early this year ay isang primetime soap na ang ipinagkatiwala ng GMA-7 kina Barbie at Joshua, ang First Time. At base sa latest rating surveys, maganda ang pagtanggap ng mga manonood sa First Time kaya naman masayang-masaya si Barbie.

"Sobrang worth it po yung pagngudngod ko sa putik. Sobrang saya po at sobrang thankful po kasi first week pa lang umeere ang First Time, yung pagtanggap ng mga tao, e, sobrang mainit na po bilang first week pa lang," masayang pahayag ni Barbie.

May cake pa sa kanyang mukha si Barbie nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press na bumisita sa taping ng First Time. Hindi niya matanggal ang cake sa mukha niya dahil sa continuity ng taping nila.

Halatang relax na relax na sina Barbie at Joshua sa isa't isa. Ayon kay Barbie, ang pagiging makulit pa raw ni Joshua ang naa-appreciate niya sa kapareha.

"Makulit po siya. Yung pagiging makulit po niya, dun ako nagigising sa taping. At saka yung pagiging makulit po niya, hindi po yung nagpapa-impress. Natural lang po sa kanya ang pagiging maalaga niya, pagiging sweet," sabi niya.

Nagkabukuhan din noong taping na nagpalitan pala sila ng Valentine's gift. Ang naging gift daw ni Barbie kay Joshua ay comforter habang si Joshua naman ay isang relo na Tomato ang tatak ang ibinigay sa kanya.

IN A HURRY TO BECOME A TEENAGER. Twelve years old pa lang si Barbie, pero dahil sa characters na ginagampanan niya, masasabi niya bang nagiging daan ito para mas mapabilis ang pagdadalaga niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Opo," mabilis niyang sagot.

Okey lang ba sa kanya ito?

"Opo, kasi gusto ko po ang trabahong ito. At kapag gusto ko po, tinitiis ko. Katulad po noong malunod ako, sa putik, natitiis ko po yun kasi gusto ko po ang ginagawa ko."

Pero nae-enjoy ba niya yung talagang pagiging bata niya?

"Nae-enjoy naman po at saka hindi naman po sa gusto ko lang na mapabilis ang pagdadalaga ko. Kasi po, part po yun ng trabaho na kunwari, dalaga na 'ko. E, kung part po yun ng trabaho at gusto ko po ang trabaho, okey lang po sa akin."

Bago pa man siya mag-artista ay talaga bang kilos dalaga na siya?

"Hindi po," sagot ni Barbie. "Actually dati po, palagi lang po akong naka-dress, naka-tirintas. Actually, naglalaro pa po kami dati ng mga pinsan ko, Monopoly, taguan... Pero mula po ng Stairway, nagkasunod-sunod na po yung ginagawa kaya madalas sa Facebook na lang po, like Pet Society."

LIFE OF A STAR. Ano mga nabago sa buhay niya ngayon?

"Ito nga po, madalas maaga akong gumigising. Bihira na akong makapag-mall. Tapos, nagagawa ko kung ano yung gusto ko, nabibili ko. Tapos, nakakatulong pa po ako kala Mama, siyempre. At the same time, ipinagmamalaki na po ako ng pamilya ko. Nagiging proud na po sila sa akin," sabi niya.

Nararamdaman na ba niyang sikat na siya?

"Opo," sagot ni Barbie. "Pero yung pagiging sikat naman po kasi, hindi po yun ang goal ko talaga nang mag-isip ako na mag-artista. Gusto ko lang po na makita sa TV. Gusto ko na mapanood ako. Tapos, gusto ko na makakita ng artista. Kasi po sa GMA, kapag may nakikita kami, palagi akong nagpapa-picture. Tapos sinasabi ko kay Mama, sana balang-araw makasama ko sila."

Madalas na raw kasi siyang mag-audition noon sa commercials at TV shows. Una raw siyang nakapagpa-picture noon kay Marian Rivera. In fact, isa raw si Marian, at pati na si Rhian Ramos, sa hinahangaan niya among GMA-7 stars.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Magagaling po silang artista bukod po sa mababait din po sila," sabi ni Barbie.

May assurance naman daw si Barbie na makaka-graduate siya ngayon ng elementary. Binabawi nga raw niya ang mga araw na hindi siya nakakapasok. Pero pagdating ng high school, most likely ay maghu-home study muna siya.

Ang mommy raw niya ang humahawak ng earnings niya. Pero sa mga naunang naipon niya, nakabili na raw sila ng sasakyan na nagagamit niya kapag may taping o guesting.

"Kasi po dati, naghahabol pa po kami ng bus na may hawak-hawak po akong ice cream. Tapos po, tunaw na yung ice cream, ginaganun-ganun ko pa!" natatawa niyang kuwento.

Pero tulad ng karamihang bata ngayon, hilig din ni Barbie ang gadgets (cell phone, i-Pod), shoes at bags.

"Pero kapag may gusto po akong bilhin, nagpapaalam muna po ako kay Mama kung puwede ko pong bilhin ang gusto ko. Kapag sinabi po niyang hindi pa puwede, hindi ko muna po bibilhin."

Napag-alaman din ng PEP na dahil sa lumalaking following ng love team nina Barbie at Joshua sa First Time, magkakaroon ng First Time Fans Club general assembly ngayong Linggo, Febr. 21, 4 p.m., sa Barangay Pinyahan sa likod ng LTO. Dun ay mamimigay raw sila ng mga ID para sila ang maging priority sa pinaplano namang grand fans day ng First Time stars on March 7.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN